Pagpapaigting sa pagbabantay-panahon, layunin ng mga bagong kagamitan ng PAGASA


ISINAPUBLIKO ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga pagbabagong makatutulong sa kanilang pagbabantay sa panahon at klima sa Pilipinas, sa idinaos na Media Launch of New Forecast Products & 130th Climate Outlook Forum kahapon, Nobyembre 27.

Resulta ng programang Improvement of Forecast Capability on Weather, Marine Meteorology, and Short Range Climate ang mga bagong forecast product. Ayon kay PAGASA OIC-Deputy Administrator for Research & Development Dr. Esperanza Cayanan, nabuo ang programa sa pakikipagtulungan sa bansang Taiwan. Nasa ilalim ito ng Manila Economic Cultural Office – Taipei Economic Cultural Office Program na nagtagal mula 2017 hanggang 2019.

“This is a project together with Taiwan through the funding of PCIEERD (Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development) – DOST (Department of Science and Technology),” pagbabahagi ni Cayanan sa isinagawang virtual media launch. 

Unang iprinesenta ni Cayanan ang Radar Mosaic and Quality Controlled Radar Data na magpapataas sa  kawastuhan ng mga inilalabas na forecast track ng mga bagyo. Tinatanggal dito ang mga noise o interference na nasasagap ng mga radar sa buong bansa, na nakaaapekto sa forecast track ng mga bagyo. “In operation na po ‘yan at malaking improvement sa ating radar images,” ani Cayanan.

Maraming produkto rin ang nabuo sa ilalim ng PAGASA Integrated System for Typhoon Operations (PISTON). Makatutulong ang mga ito sa mga forecaster upang maging real-time ang pagwawasto sa mga posibleng kamalian sa mga forecast track. Paglilinaw ni Cayanan, “Actually, this is a tool for our forecasters, hindi po ito ibibigay sa ating website.”

Isa sa mga produkto ng PISTON ang Weighted Analog Technique na karagdagang kagamitan sa pag-alam sa lakas ng bagyo. Nabuo rin sa ilalim ng PISTON ang Wind Speed Probability Model na nagpapakita ng mga lugar na posibleng tamaan ng hanging dala ng bagyo. Sa ngayon, tanging tropical cyclone wind signal number 1 pa lamang ang kayang sukatin ng modelo subalit patuloy ang pagpapabuti nito upang magamit din sa mas mataas na wind signal.

Magkakaroon na rin ng subseasonal to seasonal weather forecast ang PAGASA na magbibigay-impormasyon sa lagay ng panahon sa susunod na dalawang linggo ngunit hindi lalagpas sa isang season. Bago ito naging operasyonal, hanggang isang linggo lamang at mga seasonal—o lagay ng panahon sa susunod na anim na buwan—ang inilalabas ng PAGASA. Noon, walang inaanunsyong weather forecast sa pagitan ng dalawang linggo hanggang mga buwan.

“Kailangan po ito ng ating mga kababayan, kagaya ng iba’t ibang sectors, na kailangang mag-decide ng two weeks in advance,” pagdidiin ni Cayanan. Gayunpaman, kailangan pa rin ang ibayong pagbabantay at pag-iingat dahil subseasonal forecast ang mga ito. “Dahil alam naman po natin, the longer the forecast period, ay alam natin hindi tayo ganun ka-confident sa ating forecast efficiency,” aniya.

Panghuli, inilunsad na rin ng PAGASA ang Two-week Tropical Cyclone Threat Forecast. Karagdagang threat forecast ito sa kasalukuyang ipinatutupad na seasonal to monthly forecast at 5-day forecast. Sa pamamagitan nito, mas mapaghahandaan ang posibleng pananalasa ng bagyo, lalo na sa mga lugar na madaraanan nito.

Kasabay ng paglulunsad ng mga bagong forecast product ang pag-anunsyo ng PAGASA na maaaring tumagal pa hanggang Marso-Abril-Mayo 2021 ang nararanasang La Niña sa bansa. Marami rin umanong modelo ang nagsasabing hanggang sa Enero 2021 pa ang kalakasan nito. Dahil dito, ibayong pag-iingat pa rin ang ipinaaalala ng PAGASA, lalo na sa mga nakatira sa mga delikadong lugar.

Wala namang inaasahang bagyong mabubuo o papasok sa Philippine Area of Responsibility sa susunod na dalawang linggo, subalit may posibilidad na magkaroon ng low pressure area na maaaring magpaulan sa ilang bahagi ng bansa, partikular na sa Southern Luzon at Visayas.

Banner: Larawan mula sa DOST PAGASA