Hindi mahubad-hubad ng mga tao ang kanilang gusot na pananaw sa salitang ‘libog’. Tila pandidiri at kahihiyan ang nadarama ng ilan sa tuwing naririnig ito. Ngunit, sa likod ng masamang pagtingin sa konseptong ito, may ikinukubling lihim na pagkahumaling ang iilan sa sarap na ipinadarama ng salitang ‘libog’. Umaabot sa mga sulok ng silid ang nag-aalab na pakiramdam na lumiliyab pa sa bawat kalikot ng malilikot na kamay. Sa pagpupumilit na makawala ng itinatagong nararamdaman, nagbukas ang isang mundong katawan ang puhunan at libog ang sentro ng kalakalan—ang mundo ng alter.
Sa direksyon ni JC De Los Reyes at sa panguguna nina Jasmine Curtis-Smith (Aimee Ruby Montenegro) at Enchong Dee (Juan Miguel “Uno” Dakila), inihandog ng Netflix ang pelikulang pinamagatang Alter Me. Hango sa totoong mundo ng alter, ipinasillip ng pelikulang ito ang mundong puno ng sikreto at hubad na katotohanan.
Tinatagong mundo at pagkatao
Nagsimula ang pelikula sa pagpapakilala sa mundo ng alter— isang mundong tumutugon at nagpapalaya sa mga taong naghahanap ng panandaliang parausan para sa kanilang nararamdamang init. Ito ang mundong nagtatago sa likod ng mga lehitimo ngunit mapagpanggap na pagkataong inilalantad sa mga social networking site. Nailalabas at naipapakita nila rito ang libog na kanilang ikinahihiya at pilit na ikinukubli. Kabilang sa mga taong palihim na naninirahan sa mundong ito ang mga bidang sina Aimee at Uno.
Ipinakilala si Aimee bilang isang human resource manager na tila inabandona na ang konsepto ng pagmamahal at pagtitiwala. Ngunit, sa loob ng iskrin ng kaniyang telepono, kilala siya bilang @MissUnderstood, isang alter user na sumusubaybay lamang sa mga pinagpipiyestahang katawan sa mundo ng alter. Mula sa kaniyang pagiging masungit at mataray, nagsimulang mag-iba ang kaniyang pananaw sa buhay nang “ma-book” niya si Uno, ang binansagang “king of alter” sa likod ng username na @DAXXX99, na kaniya palang dating kaibigan at batchmate noong kolehiyo.
Bago pa man siya makilala ni Aimee bilang @DAXXX99, namamayagpag na ang pangalawang katauhan ni Uno sa mundo ng alter. Kinikilala siya ng karamihan dahil sa mga mapanukso niyang mga bidyong ipino-post niya sa kaniyang account. Subalit, nakikita man ng kaniyang mga manonood ang kaniyang katakam-takam at hubo’t hubad na katawan, hindi naman nila nakikita ang kaniyang matinding uhaw sa pagmamahal.
Sa itinatagong butas ni Uno sa kaniyang pagkatao, tanging pag-ibig lamang pala ang makapapasok at makapupuno nito. Pakikipagtalik ang nagsilbing paraan niya upang ibsan ang kaniyang kalungkutan kaya sa iba’t ibang kama siya nagtatanghal at gumigising upang maramdaman ang init ng katawan, pamalit sa lamig ng pag-iisa. Subalit noong muli niyang makita si Aimee na kaniya palang unang pag-ibig, tila nabura na ang kaniyang personang @DAXXX99 at nabuhay na lamang siya bilang si Uno.
Gayundin, binago ni Uno si Aimee sa paraang mas nakikisama at nakikiramdam na siya sa kaniyang mundong ginagalawan; unti-unti niyang hinubad ang kaniyang pag-aalinlangan sa pagbibigay ng tiwala at pagmamahal. Natutunan niya na ring ngumiti para sa sarili at binago rin niya ang kaniyang estilo ng pananamit na naging sanhi ng kaniyang pamumukadkad—naganap ang lahat ng ito nang arkilahin niya ang serbisyo ni Uno. Siya ang nagsilbing takbuhan ni Aimee sa alter world upang makatakas sa tunay na buhay, kaya’t tinawag niyang “secret constant” ito. “Ibinahay” niya ito—kung tawagin nila sa mundo ng alter—dahil nagbayad siya upang eksklusibong mabigyan siya ng serbisyo.
Sa kalaunan, hindi rin napigilan ni Uno na tuluyang mahulog ang loob sa bagong katauhan ni Aimee na tinulungan niyang buuin. Subalit, hindi ito nakayang suklian ni Aimee dahil sa pananatili ng kaniyang problema pagdating sa pagtitiwala. Sa mga salitang “Walang tayo, Uno. Hanggang alter lang tayo,” tinapos niya ang namamagitan sa kanilang dalawa at muling ipinaalala ng pelikula na iba pa rin ang mundo ng alter mula sa totoong mundo.
Anino sa makulay na mundo
Tinalakay sa pelikulang Alter Me ang pag-ibig na sumibol sa tagong mundo ng alter. Ipinakita nito ang mga kadalasang maiinit na mga tagpuan kapag nagkikita ang mga tao sa likod ng kanilang alter accounts. Tila nakalalapnos ng balat ang bawat haplos at tingin ng mga karakter sa isa’t isa, ngunit hindi masyadong nabigyang-pokus ng pelikula ang iba pang mahahalagang bahagi ng mundo ng alter. Bagamat ito ang naging pundasyon ng pelikula, nakalulungkot na nagkulang pa rin ito sa pagtalakay sa mundong ito.
Makulay ang mundo ng alter. Binubuo ito ng mga taong kasingkulay ng bahaghari; iba’t ibang taong may iba’t ibang hanap. May mga taong nasa alter dahil naghahanap sila ng panandaliang sarap—may ilan pang “collab” kung tawagin dahil dalawa o mas maraming mga tao ang nagsasama upang magtalik at mapunan ang kanilang mga pangangailangan. Mayroon ding mga nahuhumaling lamang sa mga bidyo at litrato upang pakawalan ang naipong init sa katawan, at mayroon namang ginawa nang pangkabuhayan ang pagbebenta ng katawan.
Subalit, lingid sa kaalaman ng iba, paraan din ng iilan ang alter upang makahanap ng karamay sa kanilang sitwasyon, katulad na lamang ng mga taong may HIV+. Naghahanap sila rito ng mga katulad nila at nagtutulungan sila upang mabuhay sa pamamagitan ng pagbuo ng isang matatag na samahang sandigan ng bawat isa. Tunay na nagsisilbing langit ang alter sa mga taong nagtatago dahil nakahahanap sila rito ng lugar upang malayang maihayag at mailadlad ang tunay nilang pagkatao.
Nagsisimula sa pag-uusap
Kalayaan ang habol at nais ng mga taong nagtatago sa alter: kalayaan sa hirap, kalayaan sa libog, at higit sa lahat, kalayaan mula sa takot. Hindi lang ito basta nakatagong parte ng internet, bagkus, isa itong komunidad na binuo ng mga taong may layuning maihayag nang malaya ang sarili nang walang inaasahang anomang panghuhusga. Hindi man buong naipakita ng Alter Me ang buong katotohanan na bitbit ng mga nasa alter, isa pa rin itong pasilip sa nakakubling mundo nito.
Katulad ng pagbubukas ng pintuan ng alter sa mga taong gustong ilihim ang kanilang katotohanan, binubuksan ng pelikulang ito ang diskusyon tungo sa paghubad ng kahihiyan sa mga taong napipilitang magtago. Importanteng may magsimula ng ingay para rito upang tuluyang maipakita ang mga dahilan sa pagtatago ng mga tao sa mundo ng alter.
Sa mga diyalogong tumatalakay sa sekswalidad, HIV, pagbebenta ng katawan, at pangungulila, magsisimula ang unti-unting pagtanggal sa mga takot at alinlangang parang mga damit na inaalis tuwing nagsisiping. Hindi man saklaw ng istorya nina Aimee at Uno ang kuwento’t danas ng bawat tao sa alter, binubuksan pa rin nila ang mga mata ng mga taong sarado ang kaisipan sa katotohanan ng iba.
Ipinalabas ang Alter Me sa Netlfix noong Nobyembre 14, 2020 at kasalukuyan itong nasa Top 10 ng Netflix Philippines.
Banner: Likha ni Rona Hannah Amparo