Tila matinding salamangka ang kapangyarihang taglay ng mga palabas at pelikulang romansa-komedya; nagagawa nitong pakiligin ang mga manonood at pinatutuloy sila sa pantasyang puno ng tamis at pag-ibig.
“Pero hindi siya sa’yo.”
Ngunit, matatapos din ang palabas. Babalik sa realidad ang mga pusong panandaliang pinunan ng pagmamahal at mapagtatantong hindi sa ’yo ang danas ng pag-iibigan. Nakalulungkot itong isipin lalo na’t ito ang realidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer (LGBTQ+) community na hanggang ngayon, iilan lamang ang mga kuwentong naipapalabas tungkol sa kanilang pag-ibig.
“Gusto ko yung masasabi kong sa’kin.”
Kasabay ng pagpinta sa ilang bahagi ng bahaghari ng mga Boys’ Love na palabas ngayong taon, tumugon ang Gaya sa Pelikula sa napagtantong kakulangan ng akma at marapat na representasyon ng LGBTQ+ community sa midyang Pilipino. Lumilikha ang seryeng ito ng espasyo upang maikuwento ang pagmamahal na kayang ilaan ng mga taong sumisilong sa bahaghari; handang angkining muli ang mga kuwentong matagal nang ikinubli sa dilim.
Mula sa panunulat ni Juan Miguel Severo, sa direksyon ni JP Habac, at sa pangunguna nina Paolo Pangilinan at Ian Pangilinan, damhin at silayan ang kuwento ng mapagpalayang pagmamahal na walang bahid ng takot at hiya. Halina’t tumira sa tahanang handog ng Gaya sa Pelikula.
Puwang para sa pagnilay at pagkatuto
Mga estrangherong naninirahan sa iisang bahay, nagbabangayan hanggang humantong sa pag-iibigan—ganito ang kuwento nina Karl Almasen (Paolo Pangilinan) at Vlad Austria (Ian Pangilinan) na mga pangunahing karakter sa palabas na pinamagatang Gaya sa Pelikula. Nagsimula ang kanilang istorya sa mga pag-uusap na hindi magkatagpo—para bang sayaw ng mga taong parehas kaliwa ang mga paa, hindi makakilos nang sabay sa iisang musika.
Napilitang manirahan sina Karl at Vlad sa iisang bubong nang mailagay sila sa isang alanganing sitwasyon. Hindi man sila sanay sa presensya ng isa’t isa, nanaig sa kanila ang kagustuhang kilalanin ang kasama. Sa paglalim ng kanilang koneksyon, nagsimulang sapawan ng kabog ng dibdib ang musikang sinasayawan. Unti-unti, nagsimula silang umindak sa saliw na likha ng mga tibok ng kanilang pinagtagpong puso. Hindi man sanay sa panibagong pakiramdam, nakahanap ng kalayaan sina Karl at Vlad sa piling ng isa’t isa. Nakahanap sila ng tahanan sa maiinit na bisig ng isa’t isa at sa mga yakap na walang kasing higpit. Nagagawa nilang hamakin ang mga hamon nang magkasama, kahit pa ang masasalimuot na bahagi ng kanilang buhay.
Sa panonood ng kanilang istorya, masasabing nakaaantig ang kuwento nina Karl at Vlad na nagawa pang paigtingin nina Ian at Paolo dahil sa kanilang kakayahang maipakita’t maiparamdam sa mga manonood ang kilig at sakit na mayroon sa kuwento ng dalawa. Subalit, hindi rin ito mamamayagpag kung hindi naging mahusay ang pagkakabuo sa kanilang karakterisasyon. Sa pagkakalatag ng kanilang mga karakter, mahihinuhang isang baklang ladlad si Vlad, kabaliktaran ni Karl na nasa proseso pa lamang ng pagtuklas sa sarili at hindi pa mawari ang kaniyang katotohanan. Malaki man ang kanilang pinagkaiba, namukadkad pa rin ang kanilang pagkatao nang nagawang matuto ng isa’t isa sa kanilang mga kalakasan at kakulangan.
Nakahanap man ng kalayaan sina Karl at Vlad sa kanilang pagmamahalang nagsimula sa kanilang pagkakaiba, naging mitsa rin ng kanilang sigalot ang kataliwasang ito: ang kagustuhan ni Vlad na makapagmahal nang malaya, at ang kawalan ng kasiguraduhan ni Karl sa sariling identidad na pumipigil sa kanilang pagsigaw ng kung anomang namamagitan sa kanila ni Vlad. Sa matalino at malamang pagsulat ni Severo sa mga karakter nina Karl at Vlad, lumikha ito ng puwang upang mapag-usapan ang malungkot at kagalit-galit na realidad na dinaranas ng komunidad dahil lamang kakaiba ang kanilang pagmamahal sa paningin ng mapagmatang lipunan. Sa ganitong paraan, nagawang pukawin ng palabas ang interes ng mga manonood dahil nagawa nitong ipakita ang hayag na realidad ng LGBTQ+ community pagdating sa pag-ibig.
Bukod sa dalawang bida, kapansin-pansing pinaglaanan din ng oras ng mga manlilikha ang paghubog sa pagkatao ng iba pang mga karakter sa palabas. Hindi sila ikinulong sa kahon, bagkus, pinalalim at pinalamanan ang bawat tauhan nang hindi magmistulang mababaw at malabnaw ang mga karakter, kaya naman nagagawang makisangkot ng mga manonood sa palabas. Nagagawa ring salaminin ng mga tauhan ang realidad na ating ginagalawan sa kasalukuyan.
Halimbawang maituturing ang karakter ni Ate Judit (Adrienne Vergara), kapatid ni Vlad sa palabas. Hindi lamang nagmukhang pangkomedya ang kaniyang karakter—naging susi rin siya upang mapag-usapan ang konsepto ng pagiging isang ally ng LGBTQ+ community nang hindi ihinihiwalay sa kaniyang pagkatao: isang anak, ate, at panganay sa magkakapatid na may taglay na lalim ang pag-iisip. Hindi man perpekto, nagawa namang maipakita ni Ate Judit sa mga manonood ang kanilang posibleng pagkukulang at pagkakamali sa pagiging kakampi ng komunidad; para bang sinasabayan siya ng mga manonood sa isang lakbayin patungo sa pagiging isang mas mabuting kasangga ng komunidad.
Mahalaga ang katangiang ito ng serye sapagkat nakapaloob sa mga karakter ang puso ng adbokasiyang ipinaglalaban ng mga manlilikha’t aktor ng palabas, na kanilang ipinararamdam at ipinakikita sa mga manonood. Tahanang nagbibigay-puwang ang Gaya sa Pelikula upang makapagnilay at magawang silipin ng mga tagasubaybay ang kanilang mga sarili mula sa likhang-sining na kinokonsumo.
Pakikipaglaban para sa representasyon
Maaaring gasgas na kung ituring ang kuwentong ginagalawan nina Karl at Vlad, ngunit isa ito sa mahahalagang katangian ng palabas. Nilagay ito sa kinasanayan nang konteksto upang magawang ikuwento ang iba’t ibang bahagi ng pagmamahalang umuusbong sa mga miyembro ng komunidad, katulad ng pagiging laganap ng mga pelikula’t palabas na nakasentro sa pag-iibigan sa pagitan ng lalaki at babae. Sa kaunting representasyong naibibigay para sa ganitong uri ng mga kuwento sa kasalukuyan, binigyang-tanglaw ng Gaya sa Pelikula ang katotohanan—na marapat ding maipakita sa mundo ang kanilang mga kuwento nang hindi na kinakailangang magtago sa anino ng heterosekswal na naratibo. Pinatunayan din nito na marapat ding maihambing sa ganda’t halimuyak ng rosas ang pag-ibig na kayang ilaan ng mga sumisilong sa bahaghari, tulad ng ginawa ni Vlad sa surpresang kaniyang inihanda para kay Karl sa isang bahagi ng palabas.
Bagamat umaani na ng mas malaking espasyo ang mga palabas na tungkol sa mga kuwento ng sangkabaklaan, hindi mapagkakailang kulang pa ito lalo na’t may ibang bahagi pa ng komunidad na hindi pa nailalahad ang mga kuwento. Sa pagbawi’t pagkuha ng mga puwang na matagal nang marapat na naangkin, hindi nagmamaliw ang alab ng kanilang mga pusong ipinaglalaban ang karapatang maihayag ang kanilang mga kuwento’t danas.
Hangga’t patuloy ang pagningas ng hangaring makamit ang mapagpalayang pagmamahal, darating din ang oras na mapupuno ng bahagharing tinta ang telebisyon at pinilakang-tabing. Dadami rin ang mga palabas na magsisilbing tahanan para sa iba’t ibang kulay ng sangkabaklaan at maibabandera na nila ang mga watawat na simbolo ng kanilang katotohanan. Muling tutulo ang luha ngunit sa pagkakataong iyon, hindi na dahil sa lungkot at kakulangan ng presensya ng kanilang mga kuwento, kundi dahil sa wakas, hindi na lamang mananatiling isang panaginip ang pag-ibig na gaya sa pelikula.
Nagwakas na ang seryeng Gaya sa Pelikula noong Biyernes, Nobyembre 20, ngunit maaari pa rin itong mapanood sa YouTube account ng Globe Studios.
Banner: Likha ni Angela De Castro
Mga kuha mula sa: Mindanao Life, Inquirer Entertainment, Clickthecity.com, Rappler, LionhearTV