PAHAYAG NG ANG PAHAYAGANG PLARIDEL TUNGKOL SA PAGTUGON NG GOBYERNO SA MGA EPEKTO NG KALAMIDAD SA BANSA

Sinubok ng magkakasunod na kalamidad ang maraming Pilipino lalo na ang mga nasa malaking bahagi ng Luzon. Maraming bayan ang nalubog sa baha, daan-daang pamilya ang nagutom at nawalan ng tahanan at kabuhayan, higit pa, maraming buhay ang nawala. Sa kabila ng kalunos-lunos na sinapit ng mga apektadong mamamayan, #NasaanAngPangulo?

Nananawagan ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa gobyerno na dinggin at aksyunan ang hinaing ng mga mamamayan at ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa. Hindi makatarungan ang romantisasyon at pagsasamantala nito sa #FilipinoResilience. May hangganan ang katatagan ng mga Pilipino sa gobyernong pabaya sa kaniyang pananagutan.  

Responsibilidad ng pamahalaan ang kapakanan at kaligtasan ng bawat nasasakupan nito. Hindi hinihingi ng mga Pilipino na lumusong o lumangoy sa baha ang pangulo, kundi ang pangatawanan ang kaniyang tungkulin at makita ang kaniyang mga plano para mailigtas ang mga naapektuhan ng pagbaha. Higit pa sa pagiging pinuno ng bansa, ang pangulo ay isang lingkod-bayang dapat na nangunguna sa pagsagip sa kaniyang mga mamamayan. 

Sa panahon ng matinding sakuna, hindi mga hungkag na pahayag ang hinihinging tugon ng sambayanang nananawagan. Hindi rin retorika o mga palamuting pahayag na nagtatangkang takpan ang kakulangan at halos kawalan ng aksyon ng gobyerno. Sa ibinigay na public address ni Pangulong Duterte kanina, Nobyembre 14, na halos tumagal lamang nang limang minuto, nahayag ang kaniyang malamyang pagresponde sa mga nasalanta ng kalamidad. Hindi katanggap-tanggap ang “maybe it is still early” na katuwiran ng Pangulo para sa mga hindi pa naililikas. Hindi namimili ng panahon at oras ang pagsalba ng buhay. 

Hindi kailanman sasapat ang panandaliang presensya mula sa pangulong nararapat na manguna sa pagtugon sa panawagan ng mga Pilipino. 

Sa panahon ng pandemya at kalamidad, kongkretong solusyon at epektibong aksyon ang kailangan ng mga mamamayan, hindi pangulong laging hinahanap dahil mas madalas kaysa hindi ay wala at nawawala.   

#NasaanAngPangulo

#KongkretongSolusyonHindiLusong

#CagayanNeedsHelp