Hindi lahat ng pagdurusa nakikita ng mga mata. May mga pagdadalamhating tanging mga biktima at apektado lamang ang nakadarama.
Sa puntong ito na may kinahaharap na pandemya at sunud-sunod na kalamidad ang mga estudyante, guro, kawani, at maging ang mga nasa administrasyon, hindi sapat ang pagbibigay lamang ng luwag sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga Lasalyano. Ganap na espasyo at sapat na panahon ang kailangan ng bawat isa upang maipahinga ang isip at damdamin, makatulong sa pamilya at kapuwa, at makabangon mula sa nararanasang trahedya.
Nananawagan ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa administrasyon ng Pamantasan na agarang magpatupad ng isang linggong academic break upang mabigyan ng sapat na konsiderasyon, oras, at espasyo ang mga miyembro ng pamayanang Lasalyano bago bumalik at magpatuloy sa ‘new normal’ na pamumuhay.
Hindi lingid sa kaalaman ng APP na naglabas ng HDA ang administrasyon ukol sa pag-abiso sa mga propesor na bigyan ng konsiderasyon ang mga estudyante, ngunit naniniwala ang Pahayagan na ganap lamang na maibibigay ang konsiderasyon at kahilingan ng mga estudyante kung ipatutupad nito ang isang linggong suspenyon ng klase.
Bilang boses ng mga Lasalyano, inihaharap ng APP ang mga hinaing ng mga estudyante ukol sa kanilang kasalukuyang paghihirap na nadaragdagan pa dahil sa patuloy na pagdating ng mga gawaing ibinibigay ng mga propesor at sa pagpapatuloy ng mga deadline sa kabila ng mga abiso ng administrasyon. Mahirap kayanin at mabigat na pasanin ng mga Lasalyano ang hinaharap na pandemya, mga kalamidad, at mga sumasabay na gawaing pang-akademya.
Kaugnay ng panawagang ito, iminumungkahi ng APP na magkaroon na lamang ng pagbabago sa kalendaryo ng Pamantasan.
Una, maaaring pagpalitin ang Week 5 at Week 10.
Pangalawa, i-adjust na lamang ang klase sa susunod na termino bilang kapalit ng pagsuspinde ng klase.
Sa ganito, maisasaalang-alang pa rin ang oras na kailangang gugulin ng mga estudyante sa loob ng isang termino alinsunod sa patakarang kailangang sundin ng administrasyon.
Bilang isang Lasalyanong Pamantasang may mataas na pagpapahalaga at malasakit sa kapakanan ng bawat isa, umaasa ang Pahayagan sa pagdinig at lubos na pag-unawa ng administrasyon sa panawagan ng mga nangangailangan.
Mas ilaan natin ang oras upang mangalap ng tulong sa mga nasalanta nating kababayan, at higit sa lahat, upang mangalampag at makiisa sa paghingi ng pananagutan sa pamahalaan. Patuloy na magmamasid, magsisiwalat, at magiging boses ng bawat isa ang APP hanggat may nangangailangan.
Mahirap magbingi-bingihan sa katotohanan. Mahirap magsulat ngunit kinakailangan.
Gayundin, mahirap magbingi-bingihan sa hinaing ng mga estudyanteng ang nais lamang ay makahinga at makapagpatuloy sa buhay nang wala munang inaalalang gawaing pang-akademya. Makapaghihintay ang karunungan, hindi ang pagsagip sa buhay.
#WalangIwanan
#AcadBreakMuna
#UnahinAngKaligtasan