#BrenLangMalakas: Pagguhit ng makasaysayang sagupaan, ikinasa sa Season 6 ng MPL PH


MAKAPANINDIG-BALAHIBO ang natunghayang mga laro sa Mobile Legends Professional League (MPL) Season 6 sa kabila ng pandemyang coronavirus disease 2019 sa Pilipinas. Nagsimula ito nitong Agosto 21 na idinaos sa kaniya-kaniyang bootcamp ng mga koponan. Kapani-panibago ang MPL ngayong taon sapagkat walang pisikal na pagtitipon ang lahat ng koponan at mga taga-suporta ng kompetisyon. Isinagawa ang naturang liga sa loob ng dalawa at kalahating buwan na may walong linggong elimination round at isang linggong playoffs.

Maagang pamasko para sa Bren Esports ang pagkamit nila sa kampeonato ngayong Season 6 nang magpasiklab sila ng solidong performance sa elimination rounds at playoffs. Nanguna para sa koponan ang batikang manlalaro na si KarlTzy na nagtala ng kabuuang 237 kill at 194 na assist sa torneo. Dagdag pa rito ang tulong ng kanilang mga agresibong sidelaner na sina FlapTzy at Ribo. Kahanga-hanga namang inilatag nina Lusty at Phew ang malapader na depensa bilang mga Tank/Support player para sa champion team. 

Nasungkit naman ng Smart Omega ang ikalawang puwesto sa pangunguna ng kanilang hyper-carry na si Hadjizy na kumana ng kabuuang 233 kill at 197 assist. Umabot din sa podium finish sa unang pagkakataon ang Execration nang maiuwi nila ang tanso sa tulong ng kanilang team captain E2max at tank specialist na si Ch4knu.

Hangad ng mababangis at gutom na sampung koponan ng MPL ang pinakainaasam na kampeonato. Naging bahagi ng liga ang mga koponang BSB, Blufire, Blacklist International, Onic PH, at back-to-back champions na Aura PH. Kabilang din sa MPL ang mga bagong koponan na Cignal Ultra at crowd favorite NXP Solid.

Mainit at puno ng pasabog ang mga kaganapan sa elimination round ng MPL Season 6 nang humataw ang mga MPL contender ng mga panibagong teknik at gameplays. Nasaksihan naman ng mga tagahanga ang malulupit na gitgitan at pakulo ng bawat koponan matapos magtrending ang lahat ng laro sa liga. Sa unang linggo pa lamang ng elimination, agad na sinunggaban ng defending champions Aura PH ang kanilang mga katunggali nang magpakawala sila ng isang makabagong istratehiya na tinaguriang “Diggie Strategy.”  

Sumulpot naman sa ikalawang linggo ang panibagong hamon na five-hero banning system na nag-udyok sa bawat koponan na palawakin ang kanilang hero pool. Bunsod nito, naging matunog ang mga pangalan ng heroes na hindi tanyag sa MPL tulad nina Eudora, Miya, at Barats.

Dinomina muli ng Bren Esports ang kanilang laban kontra NXP Solid nang ipalasap ng defending champion ang mapait na nakaraan noong season 5. Lumusot naman sa butas ng karayom ang ONIC para yanigin ang depensa ng long time rival na Aura sa huling salpukan ng elimination round. Sa pagwawakas ng eliminasyon, namayagpag ang Bren sa overall rankings na may record na 12 panalo at isang talo.

Buena mano namang maituturing ang paghaharap ng Execration at Cignal sa unang araw ng playoffs. Usad-pagong ang naging daloy ng sagupaan, 3-2, bunsod ng agresibong palitan ng constant lane pressure ng dalawang magkatunggali. Sinundan naman ito ng laro ng Omega na nagpaalis sa Blacklist sa liga, 3-2, matapos ang dikit na labanan.

Bumungad naman sa ikalawang yugto ng playoffs ang pagtatapat ng magkaribal na Aura at Onic. Agad na umarangkada si Dlar matapos siyang pumukol ng limang kill at walong assist sa unang yugto pa lamang ng bakbakan. Lalong nabigo ang defending champions na Aura sa kanilang pag-ahon sa pagkalunod nang salakayin ni Dlar ang nakalbong turrets ng katunggali, 12 kill at siyam na assist, sa huling dalawang magkasunod na yugto ng sagupaan, 3-0.

Sa huling laban para sa unang round ng playoffs, dumausdos ang makunat na NXP Solid kontra sa hagupit ng Bren Esports. Pinangunahan ni Ribo ang Game 1 nang kumana siya ng tatlong kill at 12 assist kontra sa natabunang iskor ng katunggali, 24-12. Nagbigay-daan ang unang laro upang tuluyang maging abo ang NXP kontra sa uminit na diwa ng Bren sa mga sumunod na yugto, 3-0. 

Nagtagal ang maaksyong bakbakan nang dalawang araw na pinangunahan ng natitirang apat na koponan. Nagbunga ang lakas at dedikasyon ng mga koponang OMG, Bren, EXE, at Onic.

Humantong sa giyera ang unang laro ng semifinals na pinagbidahan ng ML veterans OMG at EXE. Desperadong masungkit ng EXE ang kampeonato nang maselyuhan ang isang panalo, 1-1, ngunit humarurot ng sunod-sunod na kills ang sanib-puwersang scoring machine ng OMG na sina Hadjizy at Heath, 3-1. Ginulpi ng dalawang manlalaro ang nawasak na sidelanes ng katunggali nang makapagtala ng pinagsamang 12 kill at 20 assist ang Jawhead-Yi Sun Shin chemistry sa huling yugto ng laban.

Malapagong namang nagbukas ang ikalawang semifinal matchup nang magharap ang Bren at Onic sa isang umaatikabong duwelo na tumagal nang 25 minuto. Tila walang-humpay na bangungot ito para sa Onic nang patahimikin ni KarlTzy ang imik ng bawat isa gamit ang kaniyang 12 kill at 13 assist upang mapasakamay ang unang panalo. Nagsilbing tulay ito para sa Bren upang bombahin ang nawiwindang na kalaban sa sunod-sunod na yugto, 3-0. 

Nanaig sa dikdikang quarter finals ang best scorer ng elimination round na Bren at ang promising squad na OMG.

Malakuryenteng kumamada ng patalim ang Bren mula sa katauhan ni KarlTzy gamit ang comfort pick na Lancelot sa pagsisimula ng grand finals. Naglalagablab namang inasinta ng KarlTzy-FlapTzy tandem ang OMG matapos silang sumupalpal ng 11 kill at 12 assist sa Game 2.

Nagpakilala rin sa naturang sagupaan si Ribo upang sabayan ang KarlTzy-FlapTzy tandem matapos niyang umariba na may pinagsamang 15 kill at 23 assist, 3-1. Hindi rin nagpasindak ang OMG sa kalamangan ng katunggali nang uminit ang YSS main na si Hadjizy, 3-2, kontra sa pinaasang Bren.

Sinubukang makabawi ng OMG sa ikapitong rambulan ngunit nabigo silang basagin ang bantay-saradong depensa ng mga katunggali. Nabigay-daan ang mga panlilinlang ng Bren upang salakayin ni FlapTzy ang watak-watak na rotation ng OMG. Nakapagtala siya ng anim na kill na sinundan naman ng dalawang kill at pitong assist ng tank user na si Ribo.

Naging susi sa walang katapusang dwelo ng dalawang koponan ang FlapTzy-Ribo combo kontra sa lone scorer ng OMG na si Hadjizy. Bunsod nito, lumapag sa ikalawang puwesto ang OMG matapos ang nakamamanghang best-of-seven performance ng dalawang magkatunggali. 

Humakot ng $25,000 at tropeo ang Bren Esports matapos maihirang na kampeon ng MPL Season 6. Nag-uwi rin ng parangal ang second placer na OMG nang magkamit ng $13,000 na premyo bilang karagdagan sa makasaysayang first runner up finish mula sa torneo.