Patuloy na pag-angat: Magnolia Hotshots, nagpatuloy ang winning streak kontra NorthPort Batang Pier


NAGLIYAB ang kumpiyansa ng Magnolia Hotshots nang ihatid nila sa laylayan ng standings ang NorthPort Batang Pier, 83-76, sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Nobyembre 8, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.

Pinatunayan ni Ian Sangalang mula sa Magnolia Hotshots na hindi hadlang ang kaniyang injury nang maihirang siyang player of the game bitbit ang 23 puntos at siyam na rebound, dahilan upang makamit ng kaniyang koponan ang ikalimang sunod-sunod na panalo.


Maagang nagpakitang-gilas ang Batang Pier sa simula ng unang yugto nang magpasiklab ang tambalan nina Jervy Cruz at Christian Standhardinger, 2-3. Nadagdagan naman ang puntos ng Hotshots nang magpakawala ng three-point shot ang forward ng koponan na si Kevin Ferrer.

Agad na pinatikim ng Magnolia Hotshots ng sunod-sunod na puntos ang katunggali nang painitin nina Paul Lee at Jackson Corpuz ang laro, 9-6. Nanaig naman ang pag-arangkada ni Standhardinger nang habulin niya ang iskor ng kalaban sa kaniyang dalawang magkasunod na opensa, 9-10.

Nakahanap naman ng pagkakataon si Corpuz na pumukol mula sa three-point line sa kabila ng kabi-kabilang opensa ng kalaban, 13-10. Bunsod nito, hindi na sinayang ng Hotshots ang kanilang offensive prowess kontra Batang Pier nang magpakitang-gilas sina Aris Dionisio at Rome dela Rosa na nagbunsod ng sampung puntos na kalamangan para sa Magnolia, 20-10.

Sinubukang humabol ng NorthPort sa sampung puntos na abante ng katunggali nang pumukol mula sa shaded area si Kelly Nabong, 20-12. Gayunpaman, hindi naging sapat ang depensa ng NorthPort upang paliitin ang kalamangan ng Magnolia Hotshots. Nagtapos ang unang yugto ng laro pabor sa mga nakaasul, 24-15.

Naging bentahe para sa Magnolia Hotshots ang magandang pasahan ng koponan para sa ikalawang yugto, 32-20. Muling nagkaroon ng sampung puntos na kalamangan ang Hotshots samantalang usad-pagong naman ang iskor ng Batang Pier sa kalagitnaan ng laro. Sinubukang makabawi ng NorthPort ngunit mintis ang three-point shot ng koponan. 

Muling nakipagsagupaan si Standhardinger sa Hotshots ngunit hindi niya kinaya ang depensa ng kalaban. Gayunpaman, naipasok ng 6-foot-8 standout ang isa sa kaniyang freethrow shots, 32-21. Nagpatuloy ang pagbulusok ng Magnolia Hotshots nang sumalaksak at magbigay ng magkakasunod na puntos sina Michael Calisaan, Lee, Cruz, at Sangalang, 40-24.  

Sinubukang bumawi ng NorthPort nang pumukol si Ferrer mula sa three-point line ngunit iniluwal ng ring ang bola. Agad namang nagtala ng rebound si Renzo Subido na naging dahilan upang umangat ang iskor ng NorthPort, 40-26. Nanaig pa rin ang bangis ng Magnolia Hotshots at muling pumabor sa koponan ang ikalawang yugto, 42-36.

Naipagpatuloy ni Standhardinger sa ikatlong yugto ang matinding opensiba ng kaniyang koponan sa pamamagitan ng isang and-one turn-around shot ngunit agad itong sinagot ng libreng tira ni Sangalang, 44-39. Dalawang layup naman ang tugon nina Nabong at Nico Elorde na nagbunsod ng pagbaba ng kalamangan ng Hotshots sa isa, 44-43. 

Nagpatuloy ang dikdikang laban sa sumunod na halos apat na minuto hanggang sa kumawala muli ang Hotshots mula sa isang and-one layup shot ni Sangalang, 58-52. Matapos ang isang layup shot ni Standhardinger, pumait muli ang opensa ng Batang Pier na sinabayan pa ng kanilang matumal na depensa. 

Matinding koordinasyon ang ipinamalas ng Hotshots na nakabuo ng 10-0 run mula kina Dionisio, Mark Barroca, at Chris Banchero, 68-54. Natigil na lamang ang paglayo ng Hotshots nang maipasok ni Cruz ang isang jump shot. Nagtapos ang ikatlong yugto sa isang layup muli ni Dionisio mula sa pasa ni Barroca, 70-56.

Sa ikaapat na yugto, ramdam ng Hotshots na nasa kanila ang momentum matapos palobohin ang kalamangan sa 20 puntos mula sa three-point shot ni Lee at isa pang and-one layup shot ni Sangalang, 76-56. Gayunpaman, bagamat hindi na makapapasok sa playoffs, hindi nawalan ng pag-asa ang Batang Pier at sumandal sa tatlong three-point shot nina Elorde at rookie Sean Manganti, dahilan upang maibaba ang kalamangan sa siyam, 80-71.

Tuluyan namang nabuhayan ang Batang Pier at sinamantala ang pagpapahinga ng nangungunang passer ng Hotshots na si Lee. Bunsod nito, nakabuo ng 13-0 run ang koponan mula sa fast-break point ni Standhardinger at three-point shot ni Ferrer, 80-76. 

Pinigilan muli ng player of the game na si Sangalang ang pagbangon ng Batang Pier sa isang layup shot, 82-76. Ilang beses namang nagkaroon ng pagkakataon ang Batang Pier na makapuntos subalit ilang mintis na tirada ang pinakawalan nina Elorde, Manganti, at Subido. Naging mailap na rin ang bola sa mga kamay ng Batang Pier main man na si Standhardinger at nagtapos ang laban pabor sa Hotshots, 83-76.

Limang manlalaro sa Hotshots ang nakabuno ng double digit na iskor: Sangalang (23); Lee (14); Corpuz, Dela Rosa, at Dionisio (10). Naging sandalan naman ng Batang Pier sina Standhardinger at Ferrer na parehong nakaiskor ng 18 puntos.

Muling masusubukan ang bangis ng Magnolia Hotshots kontra Blackwater Elite sa darating na Miyerkules, Nobyembre 11, sa ganap na ika-4 ng hapon. Susubukan naman ng NorthPort Batang Pier na makasungkit muli ng panalo kontra sa defending champion San Miguel Beermen sa darating na Martes, Nobyembre 10, sa ganap na ika-6:45 ng gabi.