May liwanag ang bukas: Meralco Bolts, tinuldukan ang pag-asa ng Terrafirma Dyip patungong playoffs


ABOT-KAMAY na ng Meralco Bolts ang kanilang playoff ticket sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup matapos nilang patumbahin ang Terrafirma Dyip, 95-93, Nobyembre 8, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga. Sa kasalukuyan, tangan ng Bolts ang magandang pwesto sa standings na may 6-4 panalo-talo kartada. Nalubog naman ang Terrafirma Dyip sa hulihan ng standing na may record na 1-8.

Naging pinakamahalagang sandata para sa Meralco ang kanilang forward player na si Chris Newsome matapos magpakawala ng fadeaway buzzer-beater upang maselyuhan ang panalo. Nakapagtala si Newsome ng 12 puntos at limang rebound para sa kaniyang koponan.

Malaking tulong din ang player of the game na si Raymond Almazan na kumana ng double-double performance na 15 puntos at sampung rebound mula sa bench. Sa kabilang banda, nagtamo ng magandang all-around performance si CJ Perez na may 21 puntos, walong rebound, at pitong assist.

Mabilis na nakahablot ng limang puntos ang Terrafirma kontra Meralco Bolts sa simula ng unang yugto, 0-5. Binasag naman ni Baser Amer ang katahimikan ng Meralco Bolts nang magpakawala siya ng tres, 3-5. Bagamat naunang nag-init ang Terrafirma Dyip, tila bumagal ang kanilang pagpuntos bunsod ng matinding depensa ng kabilang koponan. Bunsod nito, hindi nagpatinag ang mga manlalaro ng Meralco at patuloy na nagpaulan ng mga puntos, 27-13. Tinapos ni Juami Tiongson ang unang yugto ng laban sa pamamagitan ng isang freethrow, 29-17. 

Nagpatuloy ang labanan sa ikalawang yugto sa pamamagitan ng mas agresibong play ng Meralco Bolts na nagbunsod sa pagtaas ng kanilang bentahe, 34-18. Sinagot ito ng Terrafirma sa pamamagitan ng pagsasaayos ng kanilang defensive play. Hindi umubra ang mahigpit na depensa ng Terrafirma at nabigo silang pigilan ang pag-atake ng Bolts sa basket, 47-25. 

Bahagya namang nasugpo ng Terrafirma ang pagpuntos ng Bolts nang umukit ng tres si Roosevelt Adams na sinabayan ng mga puntos ni Glenn Khobuntin, 47-36. Sa huli, hindi natinag ang Bolts at nakuha muli ang ikalawang yugto ng laban na tinapos ng pagpuntos ni Almazan, 36-51.

Mainit ang pagsalubong ng Dyip sa simula ng ikatlong yugto bunsod ng pinagsamang puwersa nina Adams at Christian Balagasay upang maibaba sa sampung puntos ang bentahe ng Bolts, 51-41.  Nagkaroon ng palitan ng puntos ang parehong koponan ngunit muling lumobo ang kalamangan ng Bolts sa 13 puntos mula sa back-to-back layups ni Almazan, 58-45. Isang mini-run naman ang isinagawa ng Terrafirma mula sa isang three-point shot at freethrow ni Tiongson upang maibaba ang kalamangan sa walong puntos, 62-54.

Muling lumobo ang kalamangan ng Bolts matapos makapagrehistro ng layups sina Jammer Jamito, Aaron Black, at Cliff Hodge, 74-61, dahilan upang tumawag ng timeout ang Dyip. Sa kabila nito, bigong maibaba ng Dyip ang kalamangan sa mga huling minuto ng yugto. Patuloy na naghari ang Bolts sa huling bahagi ng ikatlong yugto, 76-66.

Nanlamig naman ang parehong koponan sa pagsisimula ng huling yugto ng laro dahil halos tatlong minutong walang nakuhang puntos ang dalawang koponan. Nakabalik naman ang Dyip sa laro matapos nitong maibaba ang kalamangan sa anim na puntos, 76-70, mula sa three-point shot ni Eric Camson at freethrows ni Jeepy Faundo. Bumawi rin ng layup at freethrow ang Dyip upang bumaba sa lima ang kalamangan, 80-75. 

Nagkaroon muli ng palitan ng puntos ang bawat koponan sa kalagitnaan ng yugto hanggang sa lumobo muli ito sa sampung puntos mula sa three-point jumper ni Amer at layup ni Bong Quinto, 91-81. Nagsimula namang makabalik sa scoring ang Dyip nang makakuha sila ng 12-2 run, 93-all, sa huling minuto ng laban. 

Nagpalitan ng misses ang parehong koponan hanggang sa makuha ng Bolts ang bola sa huling pitong segundo ng bakbakan. Nagtapos ang laban sa isang fadeaway jumper ni Newsome upang tuluyang maibulsa ng Bolts ang panalo, 95-93.

Tatangkain ng Meralco Bolts na wakasan ang kanilang elimination round sa isang matamis na panalo kontra sa Northport Batang Pier sa Miyerkules, Nobyembre 11. Samantala, sasalang agad ang Terrafirma Dyip sa panibagong laban kontra Barangay Ginebra San Miguel sa Lunes, Nobyembre 9.