Agawan ng korona: San Miguel Beermen, tinambakan ang Barangay Ginebra San Miguel


TINULDUKAN ng San Miguel Beermen ang winning streak ng Barangay Ginebra San Miguel, 81-66, sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Nobyembre 8, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.

Nakabangon mula sa sunod-sunod na pagkatalo ang mga Beermen sa pangunguna ng player of the game na si Moala Tautuaa na may 20 puntos at 11 rebound.

Maagang nakuha ng mga ka-Barangay ang bentahe ng laro bunsod ng layup ni Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra. Mabilis namang sinagot ng San Miguel ang opensa ng Ginebra sa layup ni Alex Cabagnot upang maitabla ang laro, 2-2. 

Nagpatuloy pa ang mainit na sagutan ng dalawang koponan nang makapuntos mula sa three-point line si Beerman Tautuaa upang maibaba ang lamang ng Ginebra, 11-12. Gayunpaman, hindi pumayag ang Barangay Ginebra na mabasag ang kanilang depensa. Bunsod ng sunod-sunod na tira mula kina Aguilar at Stanley Pringle, tuluyang lumobo sa anim na puntos ang lamang ng Ginebra sa Beermen, 11-17. 

Binaliktad naman ng Beermen ang ikot ng bola bunsod ng mga atake nina Tautuaa, Chris Ross, Riego Gamalinda, at Von Pessumal, 23-17. Hindi rin pinalusot ng Beermen ang Ginebra at tuluyang kinandado na ang kanilang bentahe sa unang yugto, 27-22.

Nagpatuloy ang kalbaryo ng dalawang koponan sa ikalawang yugto. Matumal ang naging simula ng yugto bunsod ng mga alanganing pasa at kinulang na mga tira. Sa kabila ng pasahan ng bola, nagawang maibaba ng Ginebra ang lamang ng kabilang koponan sa dalawang puntos, 27-25. 

Gayunpaman ipinamalas ng Beermen ang kanilang matatag na opensa at depensa nang tambakan nila ang Ginebra, 44-26, bunsod ng sunod-sunod na tira mula sa rainbow line. Nagtangkang makalusot sa depensa ng Beermen ang Ginebra sa jumpshot ni Prince Caperal, 53-36, subalit tuluyang lumobo sa 17 puntos ang bentahe ng Beermen sa pagtatapos ng ikalawang yugto. 

Nagmintis naman ang mga panimulang tirada ng dalawang panig sa pagbubukas ng ikatlong gitgitan matapos ang kanilang sunod-sunod na error. Nagsilbing pampagising ito para kay Beerman Cabagnot para pukulin ang kaniyang mga agresibong driving layup at freethrow, 56-36. Bumwelta naman pabalik ang alas ng Ginebra na si Aguilar, 56-41, para tapyasan ang kalamangan ng katunggali.

Nagtagumpay naman ang Gin Kings na sina Thompson, Tolentino, at Aljon Mariano sa pag-apula ng nag-aalab na San Miguel nang padikitin ng mga manlalaro ang kalamangan sa anim, 56-50, mula sa three-pointer jump shot at sunod-sunod na layup shots. Sa kabila nito, bigong pigilan ng Beermen ang momentum ng katunggali nang magmintis ang nasayang na tres nina Santos, Pessumal, at Ross.

Nagsusumiklab na pinangunahan ni Thompson ang Ginebra, 56-53, nang magpakawala siya ng umaatikabong tres mula sa labas ng arko at magpamalas ng 17-0 run. Sumagot naman ang tambalang Pessumal-Ross upang sunggaban ang dumidikit na iskor ng katunggali, 62-53, pabor sa Beermen. Sinubukang makabawi muli ng Ginebra ngunit hindi sapat ang tres ni Caperal nang agad na kumamada ng dos si Tautuaa, 64-56, sa pagtatapos ng ikatlong bakbakan.

Nagbabagang diwa rin ang ipinamalas ni Beerman Cabagnot matapos niyang palobohin sa sampu ang kalamangan ng kaniyang koponan, 66-56, sa pagsisimula ng huling salpukan. Nagpakita naman ng nakamamanghang depensa ang dalawang magkatunggali nang tumahimik ang opensa ng magkalaban na tumagal nang dalawang minuto.

Kagila-gilalas namang sinira ni Lassiter ang malapader na depensa ng Ginebra matapos niyang umukit ng dos, 69-57, pabor sa San Miguel. Nagpasiklaban naman sina Mariano at Ross nang kapwa silang humirit ng dalawang tirada, 74-60, mula sa mga layup at isang freethrow. Patuloy pa ring umiiskor ang nagbabagang Mariano upang panipisin ang kalamangan ng katunggali ngunit matulin siyang ginantihan ni Beermen Tautuaa, 78-66.

Matalim na opensa ang muling ipinakita ng kasalukuyang leading team na Ginebra sa huling dalawang minuto ng tunggalian. Sinamantala naman ito ni Gamalinda matapos niyang umariba sa shaded area na sinundan naman ng dos ni scoring machine Cabagnot, 81-66, sa huling 30 segundo ng laro. Sinubukang idikit ng Ginebra ang laro ngunit bigong makalusot ang 3-point jump shot ni Balanza.

Naging mahirap naman para sa injured player na si Ross na dominahin ang kompetisyon kontra sa powerhouse team na Barangay Ginebra. “I’m nowhere close to a [my] hundred percent, I know it’s a big game, the team needs me, and I have to produce. . . so I just have to go out there to give my all and help the team to win,” pagbibigay-diin ng player of the game.

Nagsilbing motibasyon din para kay Coach Leo Austria ang kanilang talaan para makaahon sa naturang laro. “We have to win our last two games or else we will be (might be) eliminated. . . since all teams in the bottom, particularly NLEX, is also slowly catching up,” pagwawakas ng San Miguel Beermen coach.

Umakyat patungo sa ikaapat na puwesto ang gutom na San Miguel Beermen, 6-4, matapos lasingin ang katunggali. Nagkamit man ng isang upset loss, patuloy pa ring nangingibabaw sa standings ang Barangay Ginebra San Miguel, 7-3.

Masusubukan muli ang lakas at determinasyon ng nagbabagang San Miguel Beermen sa kanilang kapana-panabik na dwelo kontra Northport Batang Pier sa darating na Martes, Nobyembre 10, sa ganap na ika-6:45 ng hapon. Mauuna naman ang kaabang-abang na pasiklaban ng Barangay Ginebra San Miguel kontra Terrafirma Dyip sa darating na Lunes, Nobyembre 9.