BINIGYANG-PANSIN ang mga hamong kinahaharap ng komunidad ng LGBTQ+ sa Precedence: Paving the Way For Inclusivity na naglalayong maibahagi ang karanasan ng nasabing komunidad at upang makapagpataas ng kamalayan ukol dito. Inilunsad ang nasabing programa noong Nobyembre 6, at tatagal ito nang tatlong linggo upang makalikom ng pondo para sa Home for the Golden Gays na binubuo ng matatandang kabilang sa komunidad ng LGBTQ+ sa Metro Manila.
Tatlong webinar at dalawang game night ang isasagawa para sa programa, at magkakaroon din ng food selling event sa ikalawa at ikaapat na linggo ng Nobyembre. Idadaos naman ang Final Show sa Nobyembre 27 bilang pagtatapos sa aktibidad.
Pag-usbong ng inisyatiba
Binubuo ng 29 na Lasalyano ang grupong nasa likod ng inisyatibang ito. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Carlos Valondo, project head ng programa, ibinahagi niyang epekto ng pandemya ang nag-udyok sa kaniya para isagawa ang programa. Aniya, “Ang daming naapektuhan lately and more often than not, minorities ‘yung hindi na-rerepresent well.”
Nagsimula ang inisyatiba noong Setyembre nang magbahagi ng adhikain si Valondo sa kaniyang mga kaibigan. “The 7 of us started off. . . just catching up with each other. The moment na sinabi ko na sa kanila na I have an initiative in mind, everyone’s just actively contributing,” pagsasalaysay niya. Dagdag pa niya, hindi niya nakita ito bilang trabaho dahil balanse ang kaniyang sigasig at ang kagustuhang maisagawa ang programa.
Pagsasakatuparan sa programa
Naghanap ng mga katuwang na organisasyon at sponsor ang grupong bumubuo ng Precedence upang maisakatuparan ang kanilang programa. Nakipag-ugnayan din ang Precedence sa ilang local restaurant at small media enterprises upang makadagdag sa pondo para sa Home for the Golden Gays. Dagdag pa niya, hamon para sa kanila ang pandemya kaya kinailangan nilang maging maparaan at malikhain sa pagpaplano sa pamamagitan ng Zoom meetings kada linggo.
Nanaliksik din ang grupo ukol sa mga suliraning kinahaharap ng komunidad ng LGBTQ+ upang maitaas din ang sarili nilang kamalayan ukol sa paksang nais nilang talakayin. Binigyang-diin ni Valondo na layunin nilang maibahagi ang mga kuwento ng mga miyembro ng nasabing komunidad upang mamulat ang lipunan sa pagkakapantay-pantay na nararapat nilang matamasa.
Pagpili ng benepisyaryo
Ipinahayag ni Valondo na nais nilang makatulong sa isang samahang madalas na hindi nabibigyang-pansin. Kuwento niya, natuklasan niya ang Golden Gays at napag-alamang dating nagsasagawa ng Drag Shows ang ilan sa kanila kapag may pagkakataong magkaroon ng bahagi sa mga pagdiriwang. Sa kabilang banda, nagtatrabaho naman bilang parlorista ang iba sa kanila upang magkaroon ng pambayad sa upa at pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan. Ngunit, bunsod ng pandemya, nawalan sila ng mapagkakakitaan.
Sa kabila nito, nanatiling matatag at masigla ang mga kasapi ng Golden Gays. Ayon kay Valondo, ibinahagi sa kaniya ni Ramon Busa, pangulo ng Golden Gays, ang kasalukuyan nilang kalagayan. Paglalahad niya, “Hindi sila nawawalan ng pag-asa hangga’t may tulong na dumarating, maliit man o malaki.” Ani Valondo, nagbibigay-inspirasyon ang mga kuwento nila para pagbutihin pa ng grupo ang pagsasakatuparan ng Precedence.
Sa kabuuan, hangad ng programa na maisiwalat ang inhustisyang nararanasan ng komunidad ng LGBTQ+ upang makagawa ng mga hakbang tungo sa pagiging inklusibo, makatarungan, at malaya ng mundo. Pagtatapos ni Valondo, “[Precedence] is my way of amplifying their voices and making sure that we are living in a world where love wins every damn time.”