SINALUBONG ng pamayanang Lasalyano ang mga bagong estudyante ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa Frosh Welcoming 2020, Oktubre 30. Sa pangunguna ng Council of Student Organizations (CSO), inilunsad ang kauna-unahang virtual welcoming concert na may temang Froshella 2020: An Indoor Getaway.
Isinasagawa ang programang ito taon-taon bilang paraan ng pagtanggap sa mga bagong Lasalyano at upang mabigyan sila ng paunang karanasan sa Pamantasan.
Paghahanda para sa bagong simula
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Bianca Dela Cruz, Justine Tasarra, at Jacque Orros, mga tagapamahala ng proyekto, upang talakayin ang naging paghahanda at proseso ng Frosh Welcoming.
Ayon kay Dela Cruz, nagsimula ang proseso ng pagpaplano sa pamamagitan ng pagbuo ng central committee na nagsilbing pundasyon ng programa. Matapos mabuo ito, ibinahagi nila sa kanilang mga miyembro ang mga plano at nakabinbing proyekto, at saka humingi ng mga suhestiyon upang higit na maisaayos ang mga isasagawang aktibidad.
“We distributed the different responsibilities to our 8 committees namely: Events, Productions, Logistics, Public Relations, Documentations and Finance, Organizational Relations, Corporate Relations and Creatives,” pagpapaliwanag ni Dela Cruz.
Nakipag-ugnayan din sila sa iba’t ibang organisasyon tulad ng Lasallian Ambassadors (LAMB), University Student Government (USG), at mga sangay ng midya upang maipabatid sa ID 120 ang mga karampatang impormasyon ukol sa programa.
Isinalaysay ni Tasarra ang malaking kaibahan sa pagsasagawa ng Frosh Welcoming ngayong taon kung ihahalintulad sa mga nagdaang taon. Una niyang tinukoy ang pagsasagawa nito online bunsod ng pandemyang kinahaharap. Kumpara rin sa nakasanayang Frosh Walk, napagpasyahan nilang maglunsad ng isang online concert tampok ang iba’t ibang tagapagtanghal.
Para sa taong 2020, napili nila ang temang Froshella na nagmula sa salitang Coachella, isang taunang music and arts festival na idinaraos sa Coachella Valley sa loob ng tatlong araw. “We chose Froshella 2020 because we believe that no matter how far apart we all are, we can always be connected through music,” saad ni Orros.
Pag-indak at pakikilahok
Samu’t saring mga programa at iba’t ibang istratehiya ang itinampok sa kabuuan ng Froshella 2020 upang mahikayat ang pamayanang Lasalyano na makibahagi rito. Kabilang dito ang Froshella: OPM vs THE WORLD, POV: You’re at a Coachella Concert, Leave a Dot and I will tell what Genre you are, How Lasallian Are You?, IG Bingo Artist Reveals, at Instagram filters na maaring gamitin ng mga Lasalyano.
Gumawa rin sila ng tatlong module upang magsilbing gabay sa ID 120. Una rito ang Frosh Guide na naglalaman ng mga payo at do’s and dont’s mula sa mga organisasyon ng Pamantasan.
Kabilang naman sa ikalawang module na A Song for Your First ang mga kantang nagmula sa dekada ‘70 hanggang sa kasalukuyan na inaalay ng mga organisasyon para sa mga freshman. Naglalaman ito ng mga mensaheng nais nilang iparating at mga deskripsyon ng organisasyong inilalarawan nila sa pamamagitan ng isang kanta.
Kalakip naman ng ikatlong module ang koleksyon ng mga liham mula sa mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon na pinamagatang Dear Froshies. Ibinahagi nila rito ang kanilang karanasan bilang Lasalyano at nagbigay-payo at inspirasyon sa mga bagong Lasalyano para sa pagsisimula nila sa kolehiyo.
Isa ang idinaos na online concert sa mga programang higit na pinaghandaan ng nasabing central committee. Nag-imbita ang mga tagapamahala ng proyekto ng mga tagapagtanghal mula sa loob at labas ng Pamantasan upang maisakatuparan ito. “We have invited internal performers from the Cultural Arts and Office and various DLSU organizations. In addition, we also have external performers such as: Any Name’s Okay, Earl Andrade, Ysanygo, Martti Franca, Fern, and Orange & Lemons,” ani Dela Cruz.
Mayroon din silang napiling benepisyaryo ng Frosh Welcoming para sa akademikong taong ito. Naglunsad ang central committee ng isang donation drive para sa Prairie Rose Academy For Youngsters, isang pre-school sa Antipolo, Rizal. Layunin nilang makapagbigay ng tulong pinansyal sa paaralan at matugunan ang mga pangangailangan nito.
Mainit na pagtanggap
Nakapanayam din ng APP ang ilang ID 120 ukol sa kanilang karanasan at paghahanda sa Frosh Welcoming ngayong taon.
Ikinuwento ni Joanna Wang ng College of Business ang kaniyang pagkasabik sa programa. “By joining in this year’s Frosh Welcoming, I feel thrilled and welcomed into the university as my college journey begins. It gives me an overview of the future events and expectations as a Lasallian,” saad niya.
Nahikayat naman si Rhicki Bermudez ng College of Liberal Arts (CLA) na maging isang ambassador para sa Frosh Welcoming ngayong taon. Bilang ambassador, naatasan silang aktibo sa pagbabahagi ng mga impormasyong inilalabas ng CSO.
“Upang paghandaan ito, sinigurado ko na nilike ko yung Facebook page ng DLSU CSO, at palagi kong tinitignan yung groupchat ng mga ambassadors kung sakaling may bagong post,” dagdag pa niya.
Isinalaysay naman ni Angelica Therese Bonifacio ng CLA ang mga benepisyong maaari nilang makuha sa pakikilahok sa programang tulad nito. “Sigurado akong mapapalawig nito ang karanasan ko bilang isang frosh,” aniya.
Ibinahagi rin nila ang kanilang saloobin ukol sa paglulunsad ng mga programang katulad nito. Ayon kay Wang, “Lasallian events are always thrilling and exciting. I think it is important to organize events like this for the students to cherish and remember their frosh year.”