INILUNSAD ng Alpha Phi Beta Fraternity ang 2020 Ditto Sarmiento Journalism Cup upang maitampok ang pagkamalikhain at kakayanang magsulat at mag-isip nang kritikal ng mga estudyanteng mamamahayag. Binuksan ito para sa mga mag-aaral na nasa hayskul at kolehiyong antas sa Pilipinas upang maisulong ang tapat, wasto, at patas na pamamahayag, at patuloy na maitaguyod ang malayang pamamahayag.
Isinagawa ang workshop para sa pagbabalita noong Oktubre 10-11. Idinaos naman ang pagpili sa 10 Outstanding Young Journalists at pagsasagawa ng pagsusulit ukol sa pagsulat ng balita, balitang isports, editoryal, at lathalain noong Oktubre 17-18.
Tinalakay ang mga paksang “Campus Press Freedom during Martial Law, Press Freedom in the Philippines, at Role of Youth in Defending Press Freedom” sa keynote speeches noong Oktubre 24 at saka ipinakilala ang mga pangunahing tagapagsalita at ang mga nagwagi sa patimpalak.
Hamon sa mga alagad ng midya
Sinimulan ni Jules Guiang, award-winning reporter at youth leader, ang talakayan sa pagpapaalala ng mga kataga ni Ditto Sarmiento, “Kung hindi tayo kikibo, sino ang kikibo? Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?” Naniniwala si Guiang na buhay at akma pa rin ang mensahe at esensya ng linyang ito sapagkat pinatutunayan umano nito ang kasaysayan at lakas ng aktibismo.
Ipinaliwanag din niyang patas at balanse dapat ang balitang inilalabas sa midya. Bilang mamamahayag, mahalagang kumiling sa katotohanan at maging matapang sa pagsisiwalat nito, anoman ang maging kapalit.
Iginiit din ni Guiang ang tungkulin ng mga mamamahayag na maimulat at maipabatid sa taumbayan ang mga isyu sa lipunan upang maisiwalat ang kabaluktutan ng sistema at mga katiwalian sa pamahalaan.
Pagsulong sa malayang pamamahayag
Ibinahagi naman ni political scientist at award-winning author Temario Rivera ang kaniyang karanasan kasama si Ditto Sarmiento. Wika niya, layunin ng patimpalak na mabigyang-diin ang kaugnayan ng karanasan ni Ditto Sarmiento sa pagharap ng bagong henerasyon sa mga suliranin at hamon. “We must remember that. . . there was a Ditto Sarmiento who used his pen for the greater good of the greater community.”
Tinalakay naman ni dating punong mahistradong Reynato Puno ang kahalagahan at karapatan ng mga Pilipino sa malayang pamamahayag. Pagdidiin niya, mahalaga ito sa pagtuklas ng katotohanan at susi ito sa pag-iral ng demokrasya sa pamamahala.
Bunsod nito, inilahad ni Puno na may kaakibat na kapangyarihan at pwersa ang pagpapahayag. Giit niya, “The bearers of this right will always be the objects of threats and the targets for extinction by those who desire to control political power for selfish reasons, or by those who want to monopolize economic power because of greed.”
Pagbabahagi ni Puno, walang konstitusyon ang lubusang pumoprotekta sa malayang pamamahayag mula sa atake ng mga nagkukunwaring kaisa sa pagsulong ng demokrasya. Pagtatapos niya, “There is enormous power in the pen, and efforts by state and non-state actors to capture and to control the hands that wield this power will never end.”
Pagkilala sa mga kalahok
Inanunsyo ang mga nagwagi sa patimpalak sa pamamagitan ng Facebook live ng Ditto Sarmiento Facebook page. Nakuha ni Andrea Ysobel Bacolor mula De La Salle University Manila – Senior High School ang unang puwesto para sa pagsulat ng balitang isports at lathalain. Nanguna naman si Andre Justin Javier ng Rogationist College sa pagsulat ng balita at editoryal.
Nakamit ni Kazha Hope Molina ng T’boli National High School ang unang puwesto sa photojournalism samantalang natamo naman ni Airon Adan ng Batangas State University ang unang gantimpala para sa pagguhit ng editoryal kartunan. Sa kabuuan, pinangunahan ni Javier ang Ten Outstanding Young Journalists.