NILASING ng sunod-sunod na tirada ng San Miguel Beermen (SMB) sa huling kwarter ng sagupaan ang Alaska Aces, 92-88, upang maiuwi ang ikatlong sunod na panalo sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center, Oktubre 26.
Nagliyab ang mga kamay ng Beermen “Spiderman” na si Arwind Santos matapos siyang magpaulan ng mga tres sa buong takbo ng laro at makapagtala ng double-double na 17 puntos at 10 rebound. Nagbigay rin ng malaking bentahe para sa SMB si Alex Cabagnot sa ambag niyang 19 na puntos at pitong rebound sa bakbakan. Bigo naman itong maangasan ng sipag at gilas nina Kevin Eboña at Vic Manuel mula sa kabilang koponan na parehong pumukol ng 18 puntos.
Binuksan ng Alaska Aces veteran na si Jvee Casio ang unang yugto ng laro gamit ang kaniyang two-point jumper. Nagbigay-alalay rin ang kaniyang kasanggang si Abu Tratter na nagpakawala ng panibagong two-pointer, 0-4. Hindi naman nagpatinag ang Beermen nang kumamada ng matalim na tirada mula sa labas ng perimeter si Cabagnot, 3-4.
Nagsimula ring magpakitang-gilas ang pambato ng Beermen na si Santos at sumibat ng dalawang three-pointer jump, 14-7. Tinuldukan ng koponan ang unang bahagi ng bakbakan gamit ang mga panibagong tres na hinirit ni Chriss Ross na siyang nagpatahimik sa bawat imik ng Aces, 27-17.
Maagang fouls ang nailista para sa Beermen na nagsilbing daan upang tuluyang mabawasan ang kanilang kalamangan mula sa unang yugto. Kasabay nito, mainit na palitan ang pinaulan ng dalawang koponan sa ikalawang bakbakan nang kapwa pumukol ang mga ito ng tigpitong puntos, 34-24.
Maagang pamasko namang maituturing ng Alaska ang pitong turnover na hatid ng San Miguel na naging daan upang maitabla ng tambalang Eboña-Manuel ang naturang laro, 37-all. Tuluyan namang nagsara ang ikalawang kwarter sa iskor na 41-39, buhat ng kagila-gilalas na back-to-back lay-up mula kina Beermen Marcio Lassiter at Moala Tautuaa.
Matikas na pagbubukas sa ikatlong salpukan ang hatid ng Alaska Aces nang maidikit sa 46-45 ang bakbakan sa unang dalawang minuto pa lamang ng yugto. Nagsilbing panawagan naman ito sa SMB upang gisingin ang natutulog na diwa, dahilan upang mailusot ni Santos at Lassiter ang magkasunod na tres, 51-47.
Mainit na 2-14 run ang pinakawalan ng Aces sa pangunguna ni Eboña matapos ipukol ang 10 sa 18 kabuuang puntos niya sa laro, 57-63. Sumagot naman ng 10-0 run ang Beermen nang itala ni Spiderman Santos ang dalawang magkasunod na tres, 67-63. Nagtapos ang ikatlong yugto sa 69-68 nang itala ni Aces John Rodney Brondial ang huling lay-up.
Pinaigting ng Alaska Aces ang kanilang defensive prowess para mapasakamay ang kalamangan sa huling bahagi ng sagupaan. Nakakuha naman ng sandata ang Beermen mula sa katauhan nina Cabagnot at Pessumal matapos nilang basagin ang malapader na depensa ng kanilang mga katunggali. Gayunpaman, isang nagbabagang laro ang ipinamalas ni rookie player na si Eboña dahilan upang maselyuhan ng Aces ang kalamangan, 78-80.
Patuloy na nagsagutan sina Eboña at Cabagnot para tuldukan ang bakbakan ng dalawang koponan. Nagpakilala naman si Lassiter upang lituhin ang depensa ng Alaska Aces nang pumundar siya ng walong puntos mula sa free throws at two-point shots. Bunsod nito, tuluyang napasakamay ng Beermen ang kalamangan sa huling apat na minuto ng bakbakan, 88-82.
Sinubukang makabawi ni Manuel nang maipasok niya ang kaniyang dalawang lay-up shot ngunit hindi ito sapat upang maidikit ang kanilang iskor kontra Beermen. Patuloy ring nabantayan ang opensa ng Aces na nagbigay-daan kay Lassiter upang wasakin ang katunggali, 92-88.
Naging motibasyon ng San Miguel Beermen ang kanilang mga naunang laro para sa bakbakang ito. “Natalo kami sa mga unang laro namin. . . so ngayon talagang kailangan naming makabawi,” pagbibigay-diin ng player of the game na si Santos. Lubos namang nagpapasalamat si Coach Leo Austria sa kaniyang team. “I have to give credit to my team, especially for my veterans because they stepped up really big,” pagtatapos ng San Miguel Beermen coach.
Kasalukuyang namamayagpag sa standings ang San Miguel Beermen matapos ang kanilang second straight win, 3-2. Sumubsob naman sa talaan ang Alaska Aces, 3-3.
Abangan ang kapana-panabik na paghaharap ng San Miguel Beermen at Barangay Ginebra San Miguel sa darating na Biyernes, Oktubre 30, sa ganap na ika-6:45 n.g. Susubukan namang makabawi ng Alaska Aces kontra rin sa Ginebra sa darating na Linggo, Nobyembre 1.