BINASAG ng Magnolia Hotshots ang winning streak ng Barangay Ginebra, 92-102, sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Oktubre 25, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center.
Binuksan ng beteranong si Mark Barroca ng Magnolia Hotshots ang unang kalahati ng Bubble Classico na mabilis namang sinagot ng ka-Barangay na si Scottie Thompson, 3-2. Nagpamalas din ng reverse lay-up si Hotshot pride Jackson Corpuz upang basagin ang mainit na depensa ng mga nakapula, 4-3. Sa kabila nito, humataw sa rainbow arc si Stanley Pringle para sa Barangay Ginebra, 6-3.
Tila natahimik ang talaan ng parehong kampo dahil sa higpit ng depensa ng magkatunggali.
Nalusutan ni Corpuz ang depensa ng Ginebra nang makatira siya mula sa ilalim, 6-8. Nagpatuloy ang sagutan ng magkalaban na nagbunsod ng mala-seesaw na talaan sa Bubble Classico. Muli namang nagpakawala ng tres si Pringle at umabante ang iskor ng mga nakapula, 15-13.
Bumida sa three-point shooting si Jeff Chan ng Ginebra at Chris Banchero ng Hotshots, 23-all. Bago magsara ang unang yugto ng bakbakan, humabol pa ng lay-up sina Ian Sangalang at Japeth Aguilar, 25-all.
Naghihingalong depensa naman ang maagang nasilayan sa Hotshots mula sa unang minuto ng ikalawang bakbakan. Agad na bumunot ng bomba mula sa rainbow line si Joe Devance na sinundan ng agresibong three-point shot ni Jeff Chan, 25-31.
Walang humpay na tirada ang pinakawalan ng Hotshots kontra sa malapader na depensa ng Barangay Ginebra. Pansamantala naman itong giniba ni Corpuz nang maikubra niya ang kaniyang signature hookshot ngunit matulin itong pinatulan ni Aguilar gamit ang kaniyang kaliwa’t kanang pagbira mula sa labas ng perimeter, 35-40.
Nagsilbing motibasyon para sa Hotshots ang pinakawalang sunod-sunod na tres ng katunggali. Tuluyan namang sinunog ng sanib-puwersang lakas nina Sangalang at Corpuz ang pitong puntos na kalamangan ng Ginebra nang salantain nila ang umaamong depensa nito. Bunsod nito, nagbabagang idinikit ng koponan ang kalamangan, 42-45.
Usad-pagong ang naging kaganapan sa huling dalawang minuto ng ikalawang salpukan bunsod ng makunat na depensa ng dalawang koponan. Nagbigay-daan naman ito upang sunggaban nina Dela Rosa at Sangalang ang patay-sinding puwersa ng Ginebra, 52-all.
Gayunpaman, nagwakas ang walang tigil na sagupaan sa first half ng laro sa iskor na 52-54, pabor sa Ginebra. Muling nagsagutan ang dalawang koponan nang ipukol ni Corpuz ang kaniyang freethrows at lay-up shots na nagpainit sa dugo ni Prince Caperal sa pagsisimula ng ikatlong bakbakan, 60-63.
Patuloy namang ininsulto ni Caperal ang umiinit na opensa ng katunggali matapos ang kaniyang sunod-sunod na dos na sinundan pa ng isang tres na nagpatahimik sa tilaok ng mga manok ng Hotshots, 60-67. Sinubukang wasakin ni Banchero ang naglalagablab na laro ng Ginebra ngunit agad siyang binanatan ni Chan ng three-point shot, 65-75.
Bigong mapatumba ang Magnolia Hotshots kontra sa puwersa ng Ginebra sa huling dalawang minuto ng yugto, 67-75. Muling nagbigay-daan para sa Hotshots ang kanilang mababang tala para tuluyang masamid ang katunggali sa tinaguriang “Tinik ng Ginebra” mula sa katauhan ni Paul Lee.
Nagpakawala ng sunod-sunod na dos ang umaalab na si Lee na lubos na ikinagulat ng kabilang koponan, 71-75. Sinundan naman ng mga katropa ni Lee ang kaniyang nagbabagang laro matapos pumukol ng parehas na jump shots sina Raffy Reavis at Jio Jalalon para maitabla ang sagupaan 75-all.
Binigyang-paalala ng mainit na two-point jumper ni Barroca ang ka-Barangay sa tunay na hari ng Bubble Classico matapos niyang dagdagan ang lamang ng koponan, 77-80. Dulot ng nanlalamig na shooting ng kabilang koponan, nabuhayan ng loob si Dela Rosa at kumana ng panibagong puntos, 79-82.
Patuloy na namatay ang apoy na naglagablab sa pagitan ng GinKings nang makapagtala sila ng napakaraming turnover sa ikaapat na yugto. Ginamit naman ng Hotshots ang pagkakataong ito upang tuluyang ungusan ang kabilang kampo nang bumira si Sangalang ng isa pang two-point jumper, 81-86. Pinilit mang kumawala ng magkasanggang Thompson-Pringle mula sa kamay ng Hotshots, 85-86, agad naman itong binawi ng 3-point shot ni Barroca mula sa labas.
Pinalobo ng Magnolia ang lamang mula sa free-throw line gamit ang magkakasunod na fouls na itinala ng kasagupaan, 89-96. Nagpaulan din ng parehong tres sa labas ng perimeter ang tambalang Barroca-Lee bilang kanilang ending show. Sinubukan mang gayahin ito ng Ginebra veteran Tenorio, naging huli na ang lahat para sa kaniyang koponan upang sagipin ang kanilang malinis na winning streak, 92-102.
Naging mahirap para kay Corpuz na dungisan ang malinis na talaan ng Barangay Ginebra kaya naman nagpapasalamat ang atleta sa tiwala ng kaniyang teammates at coaches. “Nakatulong talaga sa ‘kin si Paul [Lee] kasi parang ginagabayan niya ‘ko na mag-relax,” sambit ng player of the game.
Masaya naman si Coach Chito Victolero sa ipinakitang kahusayan ng kaniyang koponan, manalo man o matalo. “Pinag-usapan talaga namin na, to enjoy, and no matter what happens, we stay together kasi medyo nasa rebuilding process kami ngayon eh,” pagwawakas ng Magnolia Hotshots coach.
Nananatili pa rin sa ikasiyam na posisyon ang Magnolia Hotshots matapos makaalis sa kumunoy ng sunod-sunod na kasawian, 2-4. Samantala, nasa ikalawang posisyon naman ng talaan ang Barangay Ginebra, 4-1.
Susubukan muli ng Hotshots na itayo ang kanilang bandera sa liga sa kanilang kapana-panabik na sagupaan kontra Blackwater Elites sa darating na Miyerkules, Oktubre 28, sa ganap na ika-4 ng hapon. Mauuna namang makikipagharap ang Barangay Ginebra sa Rain or Shine Elastopainters sa darating na Martes, Oktubre 27.