ISINUMITE ni Budget Secretary Wendel Avisado sa Kongreso nitong Agosto 25 ang iminungkahing badyet ng Administrasyon para sa taong 2021. Umabot ito sa Php4.506 trilyon na mas mataas nang 10% kompara sa badyet ngayong taon na Php4.1 trilyon, at katumbas ng 21.8% ng inaasahang gross domestic product para sa susunod na taon.
Ayon kay Avisado, inilaan ang badyet upang lalong mapabuti ang sistema ng pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan, pagtiyak sa seguridad ng pagkain, paglalaan ng maraming trabaho, pagpapaigting sa digital na askepkto ng pamahalaan at ekonomiya, at pagtulong sa mga komunidad na bumangon. Nakaangkla ito sa temang Reset, Rebound, and Recover: Investing for Resiliency and Sustainability na naglalayong makapaglaan ng sapat na pondo para tugunan ang mga suliraning dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Naitalang may pinakamahabang lockdown ang Pilipinas sa buong mundo. Sa kabila nito patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahilan upang magpatong-patong ang krisis pang-ekonomiya. Nariyan ang problema sa pagpapatupad ng online at blended learning, pagsasawalang-bahala sa mga healthcare worker, kakulangan sa maayos na healthcare system, pagkalugi ng mga negosyo, at milyon-milyong Pilipinong nawalan ng trabaho. Sa mensahe ni Pangulong Rodridgo Duterte ukol sa iminungkahing badyet, idiniin niya na pangunahing priyoridad nito ang pagkontrol sa kaso ng COVID-19 sa bansa at ang pagpapalago ng ekonomiya.
Upang maabot ang mga nabanggit na layunin ng administrasyon, naglaan ang Department of Budget and Management ng Php203.1 bilyon para sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation. Gayunpaman, kung bubusisiing mabuti, mas mababa ang pondong inilaan para sa DOH kompara sa ibang kagawaran at ahensya, at bumaba sa Php131.2 bilyon ang inilaang badyet kompara sa kabuuang pondo nito ngayong taon na umabot sa Php181 bilyon. Bumaba rin sa Php170.9 bilyon ang inilaang badyet para sa Department of Social Welfare and Development mula sa kabuuang pondo nito na umabot sa Php381.4 bilyon. Hindi na rin masusundan pa ang mga tulong-pampinansiyal na ibinahagi ng gobyerno sa mga pamilyang naghihirap noong Abril at Mayo dahil sa pandemya. Tanging ang mga benepisyaryo na lamang ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Social Pension for Indigent Senior Citizens ang makatatanggap ng pinansyal na tulong sa 2021.
Sa kabilang banda, tumaas naman ang badyet para sa Philippine National Police na umabot sa Php190.5 bilyon at Php203.2 bilyon naman para sa Armed Forces of the Philippines. Mula sa Php116.1 bilyon noong nakaraang taon, tumaas din sa Php172.8 bilyon ang nakalaang badyet para sa pensyon at benepisyo ng mga retiradong miyembro ng militar at iba pang uniformed personnel. Naglaan din ng Php16.4 bilyon ang administrasyon para sa Barangay Development Program of the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, isang panibagong programang binuo upang sugpuin ang mga layunin ng Communist Party of the Philippines. Sa pagbusisi sa iminungkahing badyet ng administrasyon para sa susunod na taon, nakadidismayang malaman na hindi ito tumugma sa mga pangunahing priyoridad na binanggit ng Pangulo sa kaniyang mensahe.
Sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas, naniniwala ang Ang Pahayagang Plaridel na mas karapat-dapat ituon ang malaking alokasyon ng badyet sa pagsugpo sa COVID-19 at pagsuporta sa mga healthcare worker. Nakababahala na mas nakatutok pa ang administrasyon sa pagbibigay-suporta sa militar at pagpapatahimik sa mga kritiko nito, kaysa sa mga suliraning maituturing na pangunahin ngayong may pandemya. Patunay lamang ito na nananatiling baliko ang priyoridad ng administrasyon sa kabila ng patuloy na pagkalugmok ng bansa dahil sa palyadong pamamahala nito.