Mukhang hindi na just keep swimming ang kasabihan ng mga isda ngayon kundi just keep dying, para sa ikagaganda ng ipinagmamalaking look.
Nagimbal ang maraming Pilipino nitong Setyembre nang simulan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Php400 milyong white sand project bilang bahagi ng pagpapanumbalik sa kagandahan ng Manila Bay. Bagamat naipasa ang proyektong ito bago pa kumalat ang coronavirus disease 2019 sa Pilipinas, marami ang umalma dahil sa malaking badyet na inilaan para dito imbis sa pagsugpo ng pandemya. Maaari din itong makapagdulot ng negatibong epekto sa yamang-dagat ng mga karugtong na bahagi ng look.
Ayon sa mga residente ng seaside village sa Baseco, nagulantang ang lahat nang makita ang napakaraming isdang palutang-lutang ilang araw matapos simulan ang proyekto sa Manila Bay. Sa inihaing pahayag ng Baseco Seaside Neighborhood Association (BASA) sa lokal na pamahalaan ng Maynila, iginiit nila na maaaring ang artificial white sand na mula sa katabing dagat ang dahilan ng fish kill. Dahil dito, nanawagan ang BASA sa lokal na gobyerno na siyasatin itong maigi lalo pa at dito nanggagaling ang ikinabubuhay ng 10% ng 22,000 pamilya sa Baseco.
Sa kabilang banda, pinabulaanan ng DENR ang nasabing paratang at sinabing imposibleng dahil sa dolomite na bahagi ng buhangin ang sanhi ng fish kill. Iginiit ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na walang basehan ang alegasyon dahil limang kilometro ang layo ng nourishment site ng Manila Bay sa Baseco village, at maaaring dulot ito ng bagyo o iba pang dahilan. Dagdag pa niya, maaari din itong sanhi ng ilegal na pangingisda na itinaon sa proyekto upang isabotahe ang magandang intensiyon ng ahensya.
Kung susuriing mabuti, lubhang nakapagtataka ang insidente sapagkat ngayon lamang nagkaroon ng ganitong kalalang fish kill sa Baseco. Hindi tuloy maiwasang isipin ng mamamayan kung may kinalaman ba ang crushed dolomite sa usaping ito dahil kasabay ng pagputi ng Manila bay ang biglang pagdami ng nagsulputang patay na isda. Sa isyung ito, nararapat na patunayan ng DENR sa mga residente na dumaan sa siyentipikong pagsusuri ang rehabilition project bago ito ipinatupad.
Isang malaking hakbang ang white sand sa matagal nang problema ng Manila Bay, subalit hindi dapat inuuna ang panlabas na kagandahan kung kapalit naman nito ang buhay ng mga yamang- dagat. Aanhin ng taumbayan ang malaparaisong dagat kung wala namang makikinabang dito? Sa ngayon, wala pang naibabalitang kongkretong dahilan sa naganap na fish kill subalit anuman ang maging sanhi nito, dapat suriin muli ang benepisyong matatanggap ng bansa kompara sa maaaring mawala dahil sa rehabilitasyon.