Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na ipagpapatuloy ang pagsisimula ng online classes para sa akademikong taon 2020-2021 sa Oktubre 5 sa kabila ng banta ng coronavirus disease 2019. Umani ito ng iba’t ibang opinyon mula sa publiko dahilan upang ipanawagan ang academic freeze, na naglalayong ikansela ang klase sa lahat ng antas ng publiko at pribadong paaralan habang may pandemya sa bansa.
Kinondena ni DepEd Secretary Leonor Briones ang panawagan at iginiit na maiiwan ang mga estudyante kapag ipinagpaliban ang klase ng isang buong taon. Taliwas din umano ito sa adbokasiya ng ahensiya na ipagpatuloy ang pag-aaral ng lahat ng estudyante. Sinuportahan naman ito ng Coordinating Council of Private Educational Associations, organisasyon ng mga pribadong paaralan sa bansa.
Matatandaaang naunang nagsagawa ng online classes ang mga kolehiyo kasabay ang rekomendasyon ng Commission on Higher Education (CHED) na ipagpatuloy ang klase sa pamamagitan ng online learning system nitong Mayo 1. Subalit sa loob ng limang buwan, hindi maikakaila ang mga problema at balakid na kinaharap ng mga estudyante at guro sa pagsasagawa nito.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers, parehas ang hirap na dinaranas ng mga guro at estudyante sa online classes. Dagdag pa ng grupo, hindi handa ang DepEd sa pagsasagawa ng mga klase ngunit itinuloy pa rin nila ito. Sumang-ayon dito ang Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) na nanawagan din sa mas maayos na implementasyon ng online learning system. Ani ni John Lazaro chairperson ng SPARK, kalakip ng panawagang academic freeze ang pagpapataas ng kapasidad para sa distance learning ng mga guro at estudyante.
Madalas din daing ng mga guro at estudyante ang internet connection. Inamin ni DepEd ICT Service Director Aida Yuvienco na 26% lamang sa pampublikong paaralan ang mayroong internet connection. Samantala, 5,000 pampublikong paaralan naman ang walang kuryente. Ayon sa datos ng Department of Science and Technology, kasalukuyang nakapuwesto ang Pilipinas sa 83 mula sa 138 bansa sa buong mundo sa pagiging digital ready.
Kalahati lang din ng populasyon sa buong bansa ang mayroong internet sa kani-kanilang tahanan. Gayunpaman kahit mayroong internet ang ilan, kalaban naman ang pagkakaroon ng mabagal na koneksyon. Lumapag sa pwestong 104 na may bilis na 25.24 megabits per second ang kasalukuyang ranggo ng bansa na maituturing na mababa sa global average ayon sa Speedtest Global Index.
Patunay ang mga datos na nakalap na magiging hadlang ang koneksyon ng internet sa pagsasagawa ng online at blended learning ng mga guro at estudyante. Binalaan naman ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers ang gobyerno na kung hindi maaayos ang koneksyon ng internet sa bansa, hindi magiging epektibo ang online learning system.
Sa pagbubukas ng enrollment para sa online learning, ibinahagi ni Tirso Ronquillo, presidente ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PAASCU), na umabot sa 44,000 estudyante mula sa kolehiyo ang hindi makakapag-aaral ngayong taon. Kawalan ng trabaho ng magulang ang naturang rason ng mga estudyante sa kanilang paghinto. Lumabas din sa sarbey ng PAASCU ang pagsaalang-alang ng mga mag-aaral sa kanilang mental health. Gayunpaman, may posibilidad na mas mataas ang kabuuang bilang ng mga estudyanteng huminto dahil kalahati lamang ng kanilang populasyon ang nakuhaan ng sarbey.
Iniulat naman ni Cinderella Filipina Benitez-Jaro, executive director ng CHED ang pagsasara ng 28 pamantasan ngayong taon. Hindi rin magbubukas ang 86 na pribadong paaralan ngayong taon dahil sa mababang bilang ng enrollees dulot ng pamdenya. Sa kabila nito, ipagpapatuloy pa rin ng DepEd at CHED ang pagsasagawa ng online learning system.
Nakalulungkot isipin na hindi isinaalang-alang ng gobyerno ang kasalukuyang sitwasyong kinahaharap ng mga Pilipino. Marami ang nawalan ng trabaho dahil limitado pa rin ang operasyon ng mga establisyemento. Hindi rin handa ang mga pampublikong paaralan at institusyon sa online learning system dahil walang maayos na sistema ng implementasyon, at hindi sapat ang pondong inilaan para dito.
Para sa akin hindi rin Academic Freeze ang solusyon kundi ligtas na pagbabalik eskwela para sa lahat. Kalakip nito ang pagsasagawa ng malawakang mass testing, contact tracing, at pagsasaayos ng health care system sa bansa. Kung bibigyan pansin lamang ito ng gobyerno, tiyak na mas magiging epektibo ang pagsasagawa ng klase. Hindi na kakailanganin pang magsara ng mga paaralan at institusyon, hindi na kailangang huminto sa pag-aaral ng mga estudyante, walang guro ang mawawalan ng trabaho, at higit sa lahat walang maiiwanan.