“Kaya kami ngayo’y nagsama-sama mga katandaan ay nagkakaisa.
Ang hangad po naming katarungan sana tunay na nangyari at walang kapara. . .”
Halika’t sabayan at pakinggan ang mga awiting singlalim ng gabi. Damhin ang liriko ng hapis mula sa kumulubot na dapithapon. Ilang dekada nang umaawit ang Malaya Lolas sa bayan ng Mapanique sa Candaba, Pampanga upang makamit ang hustisya mula sa dalang bangungot ng karahasang kanilang nasilayan at kinaharap sa kamay ng mga Hapon.
Sa muling pagtanaw sa kanilang mga kuwento, tila hindi kayang lagutin ng panahon ang sakit na dulot ng mga tanikalang pilit na gumagapos at mahigpit na lumilingkis sa kanilang pagkatao.
Pagtangis sa pag-alala ng kahapon
Sa pangunguna ni Atty. Virgie Suarez mula sa grupong Flowers4Lolas, nagtipon-tipon ang mga miyembro ng Malaya Lolas sa Candaba, Pampanga nitong Nobyembre 22. Idinaraos ito tuwing ika-23 ng Nobyembre upang gunitain ang kalunos-lunos na alaala ng karahasan na naganap sa Mapanique, 75 taon na ang lumipas. Hindi madali para sa mga lolang harapin ang Nobyembre 23, 1944—isang araw na punong-puno ng masasalimuot na gunita, na kahit ilang taon na ang nagdaan, mistulang sariwang sugat pa rin ang sakit na dulot ng mapapait na karanasan.
Ayon sa mga kuwento ng Flowers4Lolas at ng Malaya Lolas, matindi at karumal-dumal ang karahasang ginawa ng mga sundalong Hapon sa mga taga-Mapanique. Isang malaking pugad ng mga rebeldeng grupo ang kanilang probinsya kaya inatake ito ng mga mananakop. “Ito ang lugar na pinakamalakas ang HUKBALAHAP. [Kaya] ganoon na lang ang tindi ng galit ng sundalong Hapon dahil sa paglaban sa kanila. . . aatakihin [nila ang Mapanique] para patayin ang lahat ng miyembro ng HUKBALAHAP,” paglalahad ni Atty. Suarez.
Kanila ring ikinuwento ang paraan ng pagpapahirap na ginawa ng mga Hapon sa mga kamag-anak nilang lalaki. “[Naalala ko] kung paanong sa [inyong harapan], ang kasama sa komunidad ay ibibitin nang patiwarik, babalatan na parang hayop, hihiwain yung kaniyang ari at isasaksak sa bibig,” pagsasalaysay ni Atty. Suarez kasabay ng pagtango ng mga lola habang nakikinig.
Puno ng hapis ang puso ng mga matatanda, ngunit langis na susunugin ang mga gunita upang hindi mawala sa landas at patuloy na maipasa sa madla ang kanilang kuwento at karanasan. Sa kagustuhang mabuksang muli ang mata ng mga lumalaban at ng mga bagong tagapakinig, hinikayat ni Atty. Suarez ang mga lolang kantahin ang kanilang ginawang awitin. Sa pamumuno nina Lola Lita, Pilar, Mileng, at Maria, sinimulang awitin ng mga lola ang Awit ng Malaya Lolas.
“. . . Pusong makahayop ipinagpatuloy, edad kong katorse ay parang nilason.
Marami pang beses pinagulit-ulit nitong mga Hapon na sobra nang lupit.
Ang murang katawan ay namimilipit sa panggagahasa na aming sinapit. . .
. . . Ang mga Malaya Lola ay matatanda na, ubos na ang lakas at mahihina na.
Kung walang suporta, papano na sila? Mga karamdaman pinagagaling pa. . .”
Para sa mga lola, kanila pa ring ramdam ang pasakit na dulot ng nakakikilabot na mga alaala. Sa kasamaang palad, wala pa ring hustisya. Bagamat kumulubot na ang mga balat, para bang isang halik sa hangin ang pagkakataong mabigyan sila ng legal na kabayaran bilang danyos sa malagim na nakaraan:
“Kaya kami ngayon ay nananawagan sa gobyernong Hapon, kumpensasyong legal.
Aming katarungan inyong suportahan at bigyan ng lunas, dinanas ng buhay.”
Natapos ang kanta kasabay ng mga bumubuhos na luha, na para bang nanumbalik ang bangungot ng kahapon at nagpakitang muli sa kanilang harapan. Mahirap balikan ang mga mapait na alaala nang hindi humihikbi, lalo na’t sa tagal-tagal ng paglalakbay para sa hustisya, nananatiling mailap ang mga berdugong nanupil.
Tangang rosas ng mga lumalaban
Habang lumilipas ang panahon, tumitindi ang proseso sa pagkamit ng hustisya. Hinihigop ng oras ang buhay ng mga lumalaban. Sa kasalukuyan, mayroon na lamang 28 miyembrong natitira sa Malaya Lolas. Sa kabutihang-palad, may mga taong nakikisangga at sabay na lumalaban para sa kanilang minimithi, tulad na lamang ng Flowers4Lolas na tumutulong sa mga prosesong legal at iba pang pangangailangan.
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel si Summer Dagal, ang bunsong miyembro ng Flowers4Lolas at isang alumna ng Pamantasang De La Salle. Ayon sa kaniya, hinubog ng karanasang ito ang kaniyang pananaw sa kasaysayan at bolunterismo. “I think what helped me most is the spirit of volunteering/volunteerism. Tipong ginagawa mo dahil kusang gusto mo tumulong for this cause. I feel like since I learned their story, and that they bravely shared it with me wholeheartedly, it’s a responsibility to me now to be able to share it with the same bravery the lolas have,” giit niya.
Kaniya ring nabanggit na nanggagaling sa sariling bulsa ng mga tumutulong ang pondo na ginagamit upang matulungan ang mga lola. “They shell out money and [allot] their time to help these lolas, because they believe in the cause they are fighting for. It’s something money can’t buy and something you can’t fake,” paglalahad ni Dagal. Taas-noo rin siyang humahanga sa grupo sapagkat patuloy silang lumalaban para sa karapatan ng mga lola sa kabila ng pangamba at panganib na kanilang natatanggap mula sa mga nagnanais na baguhin at alisin ang karanasan ng mga lola sa kasaysayan.
Hinikihayat din ng kanilang grupo ang iba na sumama at tumulong sa kanilang organisasyon upang matulungan ang mga lola sa kanilang mga pangangailangan. “Yes, tumatanggap ng volunteers ang Flowers4Lolas, we encourage it very much since like I said [the group is] comprised mostly of older people,” ani Dagal.
Kaniya ring pinuntong makatutulong nang malaki ang pagsama ng kabataan upang mas maiparinig ang himig ng mga lola: “Lalo na sa visits to meet the lolas, they really would want more younger people to carry their stories and share it out to the world since they are not as strong as they used to be nung nagpo-protesta sila.”
Himig ng paglaban ng ginugupong katawan
Lumalabo na ang mga mata at nagsisimula nang humina ang mga kasu-kasuan ng mga miyembro ng Malaya Lolas. Nakahimlay na ang iba sa mga katre kaya’t nahihirapan nang makisama sa laban. Bagamat humihirap ang lakbayin at matarik pa rin ang binabaybay na lakarin, hindi titigil ang kanilang mga paa sa patuloy na pakikibaka para sa sinulot nilang mga karapatan.
Hindi titigil ang mga boses ng nakaraan sa patuloy na pagpapahirap sa kanilang kasalukuyan. Unti-unting nauubos ang mga kasapi ng samahan ngunit sa tulong ng susunod na henerasyon, hindi titigil ang himig ng Mapanique at ang himig ng Malaya Lolas sa patuloy na pagkanta para sa inaasam na hustisya. Lagi’t laging tangan ang pag-asang maitatawid hanggang umaga ang mga awiting singlalim ng gabi.