
ITINALAGA sa unang espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) si FAST2024 Ken Cayanan bilang chief legislator ng ika-16 na LA matapos ang kanilang harapan ni EDGE2023 Una Cruz para sa puwesto nitong Sabado, Agosto 16. Hinirang naman sina BLAZE2027 Naomi Conti bilang pinuno ng majority floor at EXCEL2026 Aleia Silvestre bilang pinuno ng minority floor.
Tapatang Cayanan at Cruz, appointment o eleksiyon?
Unang isinambit ni Cayanan ang kaniyang islogan na “For an empowered representation within and beyond” na naglalayong palakasin ang impluwensiya ng LA sa loob at labas ng Pamantasan. Inilahad niya ang kaniyang mga naisakatuparang proyekto nitong ika-15 LA, kabilang ang pagsusulat ng kauna-unahang panukala sa wikang Filipino, pangangasiwa sa Pulso ng Lasalyano, at pagbabalangkas ng mga enmiyenda sa Konstitusyon ng USG.
Ibinida rin niya sa kaniyang presentasyon ang mga panukalang kaniyang bibigyang-priyoridad sakaling maihalal bilang chief legislator. Ilan dito ang promulgasiyon o pag-enmiyenda sa Cabinet Act, Government Code, at Administrative Code na nakasaad sa USG Constitution of 2025.
Inilatag din niya ang Animo Commuter Stipend Policy na layong pagaanin ang gastusin ng mga estudyanteng komyuter, National Service Training Program (NSTP) Guidelines Reform na makatutulong sa NSTP and Formation Office sa pagpapabuti ng programa, at Karapatang Lasalyano na magpapaigting sa mandato ng University Commission on Human Rights.
Ipapatupad din niya ang pagsasaayos sa estruktura ng Office of the Chief Legislator (OCL) sa pagpapalawig ng bilang ng mga tauhan para sa mas mabilis na proseso, pagsusuri ng kasalukuyang bill filing system, at pagtataguyod sa aksesibilidad ng operational resource para sa sinumang nangangailangan sa LA.
Tinutukan din niya ang kahalagahan ng kolaborasyon at pagkakaisa sa LA sa pamamagitan ng mga team building at capacity-building initiatives. Nais din niyang paunlarin ang kakayahan at kaalaman ng LA sa paggawa ng mga panukala sa pagkakaroon ng mga immersive workshop gaya ng mock LA.
Dagdag pa rito, pinaplano niyang bigyan ng kaukulang mga proyekto ang mahahalaga at makabuluhang panukalang ipapasa. Kaakibat nito ang hangarin niyang gawing mas malapit at higit na nararamdaman ng mga estudyante ang mga ipinatutupad na polisiya.
Hinahangad din niya ang paglulunsad ng kauna-unahang University Model Congress sa Pamantasan at pagpapalakas ng pakikipag-ugnayan sa mga organisasyon tulad ng National Union of Students of the Philippines, One Taft Coalition, House of Representative, at Senate.
Winakasan ni Cayanan ang kaniyang kampanya sa pagdidiing kailangang maipagpatuloy ang mga magagandang proyekto ng LA. “It is up to the legislator to define what’s within and to conquer what’s beyond,” panghuling salita niya.
Ibinahagi naman ni Cruz sa kaniyang presentasyon ang pagkadiskonekta ng mga estudyante bunsod ng limitadong kamalayan sa proseso ng LA, na naging isang malaking hamon ng nakaraang administrasyon. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sistema na magbibigay-daan sa mga estudyante upang maipahayag ang kanilang saloobin hinggil sa mga panukala.
Tinukoy ni Cruz ang 3-Part Reading System bilang kaniyang priyoridad na proyekto sa pagsasakatuparan ng isang mas inklusibong LA. Nakapaloob dito ang aktibong partisipasyon ng mga estudyante sa unang pagbasa ng mga panukala.Layunin din nitong mapabilis ang proseso, dahil maaari nang pagbotohan ang isang kongkretong panukala sa ikalawang pagbasa. Sa ikatlong pagbasa naman, sisikapin nang iwasan ang mga debate at pagtutuunan na lamang ng pansin ang pagboto sa mga panukalang tinatalakay.
Inilahad din niya ang kaniyang mithiing paigtingin ang publicity at transparency ng LA, isakatuparan ang mas angkop na pagsasanay para sa mga batch legislator, at suriin ang kasalukuyang mga panuntunan ng LA. Mariin din niyang isinusulong ang pagsasagawa ng special elections upang punan ang mga bakanteng posisyon sa USG bunsod ng abstention ng mga estudyante na kaniyang kinilala bilang isang anyo ng protesta laban sa umiiral na sistema.
Pagtatapos ni Cruz, “A strong LA is not just made inside the floor, but built within the student bodies.”
Binigyang-diin ni FOCUS2024 Neil Maniquis ang kawalan ng mekanismo sa kasalukuyang appointment process na magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong pumili ng mga uupong opisyal sa bakanteng posisyon.
Tugon ni Cayanan, isinusulong niya ang appointment process ngunit bukas siya sa mga argumento para sa paglulunsad ng special elections. Sakaling matuloy ang appointment process, nais niyang tiyakin ang transparency nito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng public hearing upang malinaw na maipakita sa lahat ang proseso.
Pangangatwiran naman ni Cruz, “Voice ng mga tao ‘yung abstention, so hindi ba ‘to chance para sa atin na magpatakbo pa ng students na mas dama ng students themselves?” Paglalahad niya, mas mahina ang pananagutan dahil mga opisyal lamang ang naghalal sa kanila. Binigyang-diin din ni Cruz na isinasawalang-bisa ng appointment process ang layunin ng eleksiyon na bigyan ng oportunidad ang mga estudyante na pumili ng mga uupong pinuno.
Tinanong din ni CATCH2T27 Ron Alonzo ang dalawang panig ukol sa kanilang kongkretong paraan upang mapigilan ang korapsyon sa kanilang termino lalo na at isa ito sa nakikitang dahilan ng abstention ng mga estudyante sa eleksiyon.
Pahayag ni Cayanan, “Corruption will never ever be tolerated.” Idiniin niyang gagawin nila ang lahat ng legal na proseso upang mapanagot at masingil ang sinumang gagawa ng katiwalian sa USG. Giit naman ni Cruz, dapat pagtibayin ang pagsusuri sa mga panukala at resolusyon upang mapaigting ang pagsunod sa mga mandato. Kaakibat nito, kailangan ng LA ang epektibong komunikasyon at koneksiyon sa executive board bilang tagapagtupad ng mga batas.
Nanaig si Cayanan sa pagsungkit ng puwestong chief legislator sa botong 8 para kay Cayanan, 3 para kay Cruz, at 0 abstain.
Bagong liderato ng dalawang kapulungan
Nahati ang LA sa dalawang panig batay sa binotong kandidato ng bawat lehislador para sa chief legislator. Binuo ng mga lehislador na bumoto kay Cayanan ang majority floor, samantalang binuo naman ng mga bumoto kay Cruz ang minority floor.
Kabilang sa majority floor sina BLAZE2025 Inaki Saldana, BLAZE2026 Cedric de Castro, Conti, EXCEL2027 Katherine Lui, Alonzo, CATCH2T28 Naomi Reyes, LCSG Danny Morales, at LCSG Nauj Agbayani. Binubuo naman ang minority floor nina Maniquis, Silvestre, EDGE2024 Sophia Dormiendo, at Cruz.
Pinangunahan ni Conti ang pagpresenta ng kaniyang mga plano bilang nominadong pinuno ng majority floor. Pagdidiin niya, “My vision is to lead an empowered, united, and proactive majority floor that delivers real results for the student body.”
Katulad ng mga panukalang bibigyang-priyoridad ni Cayanan, pagtutuunan din ni Conti ng pansin ang mga polisiya sa Animo Commuter Stipend at Karapatang Lasalyano. Bukod pa rito, nais niyang magtatag ng mga patnubay sa pagpapalawig ng deadline upang siguraduhing magiging makatarungan ang mga polisiya sa bawat kolehiyo.
Inilahad naman ni Conti na regular na magpupulong ang majorty floor at gagamit ng iisang kalendaryo upang masubaybayan ang mga nakatakdang konsultasyon at deadline para sa mga panukala. Dagdag pa niya, mag-oorganisa siya ng team building activities upang mapagtibay ang tiwala, inklusibidad, at mga relasyon sa loob ng majority floor.
Hinirang si Conti bilang pinuno ng majority floor sa botong 7-0-0.
Sunod namang nagbahagi ng mga plano si Silvestre bilang nominadong pinuno ng minority floor. Binigyang-halaga ni Silvestre ang pagkakaisa ng majority at minority floor. “We don’t have to think and write separately. Iisa lang naman tayong Legislative Assembly,” aniya. Kabilang sa kaniyang plano ang palaging pagsasaalang-alang sa kabilang kapulungan sa pagsulat ng mga panukala.
Isinaad din ni Silvestre na kabilang sa kaniyang magiging responsibilidad ang pagpapaalala sa kapulungan hinggil sa kanilang mga tungkulin at deadline.
Iniluklok si Silvestre bilang pinuno ng minority floor sa botong 3-0-0.