Pagluklok sa LAWCOM at USG president at pagtuguyod ng suporta sa mga working student, isinulong sa huling sesyon ng LA

INAPRUBAHAN sa ikasiyam na espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang mga panukala ukol sa paghalal ng bagong Law Commission (LAWCOM) president, paghirang sa presumptive University Student Government (USG) president, at pagtatag ng Commission for Working Students nitong Agosto 15. Isinapinal din sa sesyon ang pag-enmiyenda sa patakaran ng College of Computer Studies (CCS) hinggil sa transparency, grievance process, at emergency funds.

Samantala, hindi naipasa ang panukala tungkol sa USG Legislative Concern and Bill Suggestion Form sa botong 2 for, 4 against, at 4 abstain.

Panibagong yugto ng LAWCOM at USG

Unang siniyasat sa sesyon ang mga pangunahing hakbang ni Carl Huey Marudo bilang nominadong LAWCOM president. Kabilang dito ang pagpasa o pag-enmiyenda ng Cabinet Act, Administration Code, College Government Codes, Fiscal Code, Code of Violations, Code of Penalized Acts, Judiciary Act, at Ombudsman Act.

Nakapaloob sa Cabinet Act ang malinaw na paglalahad ng mga tungkulin ng bawat kalihim ng Gabinete. Samantala, binibigyang-diin ng Administration Code ang pagbabalangkas ng estruktura, pamamaraan, at tungkulin ng ehekutibong sangay upang higit na mapaglingkuran ang mga estudyanteng Lasalyano. Isinasaad naman sa College Government Codes ang desentralisasyon ng kapangyarihan mula sa executive board ng mga college at campus government.

Pahayag ni Marudo, “It is my intent to strengthen the checks and balances that we have for the USG. . . and I hope to empower such by striving to provide greater legislative oversight [for] these codes and other legislations of the LA that both the LA and LAWCOM hope to work to pass moving forward.”

Kinuwestiyon ni BLAZE2026 Jami Añonuevo ang posibilidad na maisakatuparan ang lahat ng nabanggit na kodigo sa loob ng susunod na akademikong taon. Bilang tugon, idinetalye ni Marudo na kasalukuyan nang isinasagawa ang masusing pagbalangkas para sa Cabinet Act, Admin Code, College Government Codes, at Fiscal Code na layong maipasa sa unang termino ng darating na akademikong taon.

Inuusisa na rin ng LAWCOM ang Code of Violations at Code of Penalized Acts na susubukang ipasa sa ikalawang termino. Para naman sa Judiciary Act at Ombudsman Act, kinakailangan pa ng karagdagang deliberasyon bago ito maisulong sa ikalawa o ikatlong termino.

Ipinunto ni FAST2024 Ken Cayanan na ito pa lamang ang unang pagkakataong manunungkulan ang karamihan sa mga nahalal na mambabatas sa LA. Dahil hindi pa pamilyar ang ilan sa paggawa ng panukala, nais niyang malaman ang plano ng komisyon upang masiguro ang agarang pagpapatupad ng mga kodigo. Ibinahagi naman ni Marudo na makatutulong dito ang pagiging mas konsultatibo ng LA at ang pagtatag ng mga ad hoc committee upang magkaroon ng masusing talakayan bago tuluyang pagtibayin ang mga kodigo.

Iniluklok si Marudo bilang susunod na LAWCOM president sa botong 13 for, 0 against, at 0 abstain.

Matapos ang General Elections 2025, ilang posisyon sa USG ang naiwang bakante dahil sa mataas na bilang ng abstention, kabilang ang mga puwestong president, vice president for external affairs, executive secretary, at executive treasurer.

Bunsod nito, isinulong sa LA ang pagsisilbi ni Vice President for Internal Affairs-elect Lara Ysabelle Capps bilang presumptive USG president at pagpapahintulot sa kaniyang magsagawa ng mga panayam para sa elective positions ng executive board. 

Iginiit ni Chief Legislator Zach Quiambao na hindi maituturing na failure of elections ang nangyaring eleksiyon, sapagkat sa ilalim ng Omnibus Election Code, sakop lamang ng failure of elections ang invalidation at non-filing, at hindi abstention.

Bukod dito, inilahad niya na binibigyang-kapangyarihan ng Commission on Elections ang LA upang magtakda ng nararapat na aksiyon hinggil sa mga bakanteng posisyon.

Binigyang-diin naman ni FAST2024 Ken Cayanan na nakasaad sa Konstitusyon na hindi maaaring italaga bilang pinuno ng anumang yunit ng USG ang kandidatong natalo dahil sa abstention, non-validation, o electoral defeat. Dagdag pa ni Cayanan na mahalagang tiyakin ito upang masagot ang anumang katanungan ukol sa integridad ng proseso ng pagtatalaga at upang matiyak na alinsunod ito sa mandato ng Konstitusyon.

Opisyal na ipinasa ang panukala sa botong 14 for, 0 against, at 0 abstain.

Pagpapalawak sa benepisyo ng mga working student

Tinalakay ni FOCUS2024 Pauline Galias ang pagtatag ng Commission for Working Students upang tugunan ang pangangailangan ng mga working student na magkaroon ng mas paborableng polisiya at akademikong akomodasyon, mas bukas na akses sa mga scholarship, at mas maraming oportunidad para sa kanilang propesyonal na pag-unlad.

Iminungkahi sa panukala ang pribilehiyo ng mga working student sa enlistment, pagkilala sa work-related absences, pagpapalawig ng mga deadline sa akademikong aspekto, pagbabawas ng academic load, at pagpapahintulot sa kanilang magpatala ng bagong iskedyul sa major examination.

Bilang tugon sa kahilingan ni Quiambao para sa rasyonal ng panukala, ibinahagi ni Galias ang datos mula sa Working Student Survey na isinagawa ng LA ngayong akademikong taon. Batay sa mga resulta, 74.19% ng mga respondente ang nagtatrabaho upang matustusan ang kanilang pangangailangang pinansyal, kabilang ang matrikula, personal na gastusin, at obligasyon sa pamilya.

Samantala, 90.32% ng mga working student ang nagsabing madalas silang makaranas ng stress, pagkapagod, o burnout dahil sa paghahati ng oras sa pagitan ng akademiko at trabaho. Bukod dito, 75% sa kanila ang nagsabing direkta itong nakaaapekto sa kanilang kakayahang tapusin ang mga akademikong rekisito.

Sa botong 11-0-0, inaprubahan ang panukala ukol sa pagtatag ng Commission for Working Students.

Reporma sa mga proseso ng CCS

Pinangunahan naman ni CATCH2T28 Jules Valenciano ang pagtalakay sa mga ipinanukalang enmiyenda sa standardized grievance process ng CCS at CCS Transparency Policy of 2023. “Majority of the amendments are just trying to make it more aligned and future proof in consideration of the ratification of the new Constitution,” paglalahad niya.

Kabilang sa mga enmiyenda para sa Revised Standardized Grievance Process of 2025 ang pagtukoy sa bagong estruktura ng Grievance Board (GB), na binubuo ng GB chairperson, mga lehislador, at kinatawan mula sa College Student Government. Binago rin ang pagsasaayos ng proseso upang mauna ang pagpapahayag ng hinaing bago ang informal grievance bunsod ng kadalasang pagtatapos nito bilang isang hinaing lamang. Idinagdag din ang posibilidad ng formal grievance sakaling nais itong gawin ng estudyante.

Itinakda rin na obligadong maglalabas ang GB ng mga publikasyon hinggil sa proseso ng grievance tuwing unang linggo, linggo ng midterms, at linggo ng pinal na pagsusulit ng bawat termino.

Isa namang pagbabago para sa Revised Computer Studies Government (CSG) Transparency Policy of 2025 ang pagiging sentralisado ng term-end reports sa iisang ulat mula sa CSG, sa halip na magkakahiwalay na ulat mula sa dating mga yunit ng CCS. Alinsunod ito sa pagbuwag sa mga batch unit at pag-iiwan na lamang ng yunit ng CSG dulot ng bagong Konstitusyon.

Isinapormal ang resolusyon ukol sa grievance sa botong 10 for, 0 against, at 0 abstain, at ang resolusyon sa transparency policy sa botong 11 for, 0 against, at 0 abstain.

Iprinesenta rin ni Valenciano ang resolusyon sa pag-enmiyenda sa mandato ng CSG. Sa ilalim ng bagong patakaran, tinanggal na ang dating rekisito na magsagawa ng fundraising activity bago ang CCS Week matapos matukoy na hiwalay na proyekto ang fundraising activity sa aktwal na pagdiriwang at maaari namang maging fundraising ang mismong CCS Week.

Kaugnay naman ng bagong transparency policy, pinalitan ng terminong “CSG” ang mga dating nakasaad na yunit ng CCS sa bahagi ng publikasyon ng CSG term-end report.

Pinanatili rin ng CSG ang kakayahan nitong magtakda ng mga kalipikasyon para sa paglalaan ng student emergency fund sa mga estudyanteng nangangailangan. Maaaring magmula sa iba’t ibang mapagkukunan ang pondo, kabilang ang 10% ng kita mula sa anumang fundraising activity na isasagawa ng CSG.

Inilatag din ni Valenciano ang pag-post ng mga opisyal na anunsiyo tungkol sa college intervention fund at tuition fee assistance funds ng kolehiyo upang palawakin ang kaalaman dito. Pagpapaliwanag niya, “Para aware ang students that these specific tuition fee assistance and these certain funds actually exist and para may opportunities din ‘yung CCS students since not a lot actually know about it.”

Huli namang idinagdag ang mandato sa college legislative board (CLB) journal, archive, at vault. Nilalayon ng mga inisyatibang ito na gawing mas mabisa ang turnover ng CLB. Nakapaloob sa CLB journal ang mga naitalang katitikan, diskusyon, at resolusyong naipasa nila, kasama na rin ang pangalan ng dating mga college president at miyembro ng CLB.

Magsisilbi namang master folder ng mga file ang CLB archive, habang itatabi sa CLB vault ang mga nakabinbin, hindi inaprubahan, o inchoate na panukala. “In consideration of the next CLB administrations, para they have [a] reference on the history of the CLB, they can refer to the vault and the archive for it to be a repository on the certain documents that we have in the CLB,” dagdag pa ni Valenciano.

Sa botong 11-0-0, sinuportahan ng LA ang resolusyon sa pagrebisa ng mandato ng CSG.