
INAPULA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang liyab ng De La Salle – College of Saint Benilde (CSB) Blazers, 25–21, 27–29, 31–29, 25–21, sa pagpapatuloy ng 2025 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Agosto 17.
Binansagang Best Player of the Game si open spiker Eugene Gloria matapos magrehistro ng 11 puntos.
Bumida rin ang open spiker na si Chris Hernandez para sa Green Spikers nang magpasiklab ng triple-double na 21 marka mula sa 19 na atake, dalawang block, 19 na excellent reception, at 10 excellent dig.
Pinangunahan naman ni outside hitter Rocky Motol ang kampanya ng Blazers nang kumamada ng 19 na puntos.
Naglipana ang error mula sa magkabilang panig sa pagsisimula ng sagupaan, 10–6, ngunit pumorsiyento ang Green Spikers sa mga nagbabagang atake ni open hitter Hernandez, 16–11, na siyang sinamantala ni opposite hitter Rui Ventura upang pakawalan ang panapos na tirada sa unang set, 25–21.
Pinalobo naman ni open hitter Yoyong Mendoza ang bentahe ng Green Spikers gamit ang pipe attack, 15–8, ngunit bigong pigilan ng DLSU ang pagratsada ng Blazers sa huling bahagi ng ikalawang set sa bisa ng block point ni Motol kontra Ventura, 27–29.
Bunsod ng sunod-sunod na error, nalagay sa alanganin ang Green Spikers nang magkaroon ng tatlong set point ang Blazers, 21–24, ngunit nanalaytay ang tibay ng loob ng mga manunudla nang tipakin ni middle blocker Issa Ousseini ang tirada ni Dexter Graniada sa pagtatapos ng ikatlong set, 31–29.
Gitgitang sagupaan ang bumungad sa ikaapat na set, subalit sinupalpal ni Ventura ang Blazers nang harangan ang tirada ni Motol, 18–15, na siyang ginatungan ni Kapitan JJ Rodriguez ng panapos na slide attack upang tuluyang angkinin ang tagumpay, 25–21.
Bitbit ang 3-0 panalo-talo baraha, tatangkaing protektahan ng Green Spikers ang malinis na rekord sa parehong lugar sa ika-12:00 n.h. sa Sabado, Agosto 23.