
NANATILI ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa hanay ng mga panalo sa 18th Filoil EcoOil Preseason Cup elimination round matapos patumbahin ang University of the East (UE) Red Warriors, 100–91, sa FilOil EcoOil Centre kahapon, Hulyo 6.
Hinirang bilang Player of the Game si power forward Mason Amos tangan ang 13 puntos, limang assist, at tatlong rebound.
Umangat din ang frontcourt partner ni Amos na si Luis Pablo matapos pamunuan ang opensa ng Berde at Puting koponan gamit ang kaniyang 14 na puntos.
Nanguna naman si UE big man Precious Momowei matapos makalikom ng double-double output na 23 puntos at 13 rebound.
Naging mailap para sa kampo ng Taft ang panimula ng laro nang buksan ito ni UE shooting guard Jax Distrito sa bisa ng mainit na tatlong puntos, 0–3, na agad namang tinablahan ni Earl Abadam, 3–all, ngunit nagpakawala ng sunod-sunod na tres ang Red Warriors upang tuluyang ungusan ang luntiang grupo sa pagtatapos ng unang yugto, 18–23.
Tinangka namang tapyasin ni DLSU rookie Mikey Cortez ang kalamangan ng UE matapos umukit ng marka sa labas ng arko sa pagsalubong ng ikalawang kuwarter, 21–23, subalit kinulang pa rin ang puwersa ng mga manunudla sa pagwawakas ng first half, 39–43.
Nahimasmasan ang Taft-based squad pagdako ng ikatlong kuwarter at agad na sinikwat ang momentum laban sa UE matapos magpasiklab ng kabuoang 11 three-pointer, kabilang ang dalawa mula kay Amos, 74–50, dahilan upang makalikom ng 43 puntos sa naturang yugto, 82–64.
Sa pagsapit ng huling sampung minuto ng salpukan, naging masigla ang paghabol ng Recto mainstays nang simulan ni Tope Lagat ang kanilang momentum upang makalikom ng walong puntos, 84–72, ngunit muling kumamada sa labas ng arko sina Pablo, Cortez, at Amos na tuluyang nagpawalang-bisa sa paghabol ng mga nakapula, 100–91.
Tatangkain ng Berde at Puting koponan na sustentuhin ang kanilang malinis na baraha sa pagsasara ng elimination round kontra University of Santo Tomas Growling Tigers sa parehong lunan sa ika-4:00 n.h., sa Miyerkules, Hulyo 9.
Mga Iskor:
DLSU 100 – Pablo 14, Amos M 13, Cortez J 11, Cortez M 11, Dungo 10, Abadam 9, Baclaan 8, Macalalag 8, Phillips 3, Melencio 3, Dagdag 3, Amos C 3, Sarmiento 2, Alian 2, Nwankwo 0, Zamora 0.
UE 91 – Momowei 23, Lingolingo 19, Datumalim 12, Cruz-Dumont 10, Abate 8, Mulingtapang 8, Lagat 5, Distrito 3, Go 3, Despi 0, Cabero 0, Fong 0.
Quarterscores: 18–23, 39–43, 82–64, 100–91.