Nababalot ng matinding lungkot at takot ang mga anyong mariing tinataguan ang sumasalakay na magnanakaw. Labis ang pag-iingat upang hindi makuha ang kayamanang walang katumbas—ang kanilang buhay at ang buhay ng kanilang mga mahal sa buhay.
Subalit sa gitna ng pangamba, may mga paang nagpapayanig at mga kamay na kumakaway na tila nagbibigay-senyales na may buhay sa kabila ng lumbay. Sinasalamin ng bawat kumakawalang galaw ang araw-araw na pakikibaka upang matiyak na masisinagang muli ng araw ang mga hinahapong mata.
Dadalhin ng mga paang nag-iiwan ng bakas sa entablado ang ningning sa abot ng kamay ng mga manonood—isang produksyong puno ng sigla at pag-asa para sa mga hinaing na sinasarili at emosyong isinasantabi sa gitna ng pandemya.
Iisang hakbang ng iba’t ibang lente
Sabay sa saliw ng musika ang pag-indak ng La Salle Dance Company (LSDC) – Street sa idinaos na produksyong pinamagatang In Translation nitong Setyembre 18 at 19 na ipinalabas sa Animospace at Facebook private group. Bukod sa mga kasalukuyang miyembro ng organisasyon, ipinamalas din ng kanilang coaches ang husay sa pagsasayaw.
Hangad ng LSDC-Street na ilarawan ang pagbabago sa buhay ng bawat isa dulot ng pandemya, mula sa pagbabago ng dating nakasanayan hanggang sa pagsusumikap na pagtibayin ang sarili upang malabanan ang mga hamon ng new normal. Ipinakita sa produksyon ang realidad sa likod ng quarantine at online classes; kung paano ito nagdudulot ng matinding pangungulila sa mga kaibigan at mga nakasanayang gawain, at kung paano ito naiibsan ng mga bagong libangan at pagmamahal ng pamilya.
Nagsilbi ring tulay ang produksyon upang humingi ng tulong sa mga manonood. Nakalaan ang pondong kanilang nakalap para sa Lasallian Student Welfare Program, The Artists Welfare Project, Inc., at Likha PH.
Isa sa mga mananayaw na bumida sa produksyon si Ina Regala, video editor at pangunahing tauhan sa In Translation. Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel, isinalaysay niya kung paano labis na naapektuhan ang industriya ng sining, partikular na ang komunidad ng pagsasayaw, dahil sa isinagawang lockdown. “With that, and our combined drive to create something inspiring that addresses our current situation, we decided to put up the production … inspired by the realities we’ve experienced in quarantine and the many roles we play at home – as students, siblings, children, and artists,” aniya.
Ibinahagi rin ni Regala na hindi naging madali ang ginawang paghahanda para sa naturang produksyon. Sa ibang uri ng sining, tulad ng pagsasayaw at pag-arte, mahalaga ang pisikal na presensya ng bawat isa upang mas maiparating ang aliw at mensahe sa mga manonood.
Dahil dito, naging pangunahing balakid ng produksyon ang distansya sa pagitan ng mga miyembro ng organisasyon dahil sa lockdown. “It did require a lot of planning and communication between the members and the coaches of the team. Being away from each other was one of the biggest challenges we had along with our transition and adjustments to using all online platforms available for video submissions and video calls,” pagbabahagi niya.
Sa kabila nito, napawi ng mainit na pagtangkilik ng mga manonood at pagnanais na magpaabot ng tulong, ang hirap na kinaharap ng mga miyembro. Pagtatapos ni Regala, “There are situations that are out of our control, but something that we will always have is a say in how we are to react. In Translation is a reminder to all artists and how they are called to do their passions.”
Galaw ng paa sa gitna ng pandemya
Nag-uumapaw ang determinasyon at silakbo ng damdamin ng mga mananayaw na ipagpatuloy ang pagpapahayag at pagbibigay-aliw sa mga manonood sa gitna ng pandemya. Hindi nila alintana ang pagod at hirap na balansehin ang gawain bilang isang estudyante, kapatid, anak, at alagad ng sining.
Nagsisilbing tanglaw ng pag-asa ang nagkakaisang kilos ng muling pagbangon—muling pagkapit ng mga inaabot na kamay at muling pagdilat ng mga matang naaaninag ang realidad. Patunay lamang na hindi mapipigil ng distansya ang paghahatid ng iisang mensahe. Hanggat may mga taong naghahangad na magbigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng pagpapahayag, mabubuhay ang sining sa iba’t ibang anyo.