
Tila panahon ng taglamig, sumalubong sa pagpasok ng awditoryum ang mapanglaw na paligid at malamig na hangin. Kapara naman ng sumisilip na sinag ng araw ang mga ilaw ng entabladong nagbibigay liwanag sa malumbay na ere. Bakas sa mga manonood ang pananabik sa pagbibigay-buhay ng mga musikero sa mga awiting kawangis ng tagsibol—panahong sumisimbolo sa bagong sigla sa pagsisimula ng panibagong yugto.
Inihandog ng Lasallian Youth Orchestra (LYO) ang “Forte 2025: Voices of Spring” sa Natividad Fajardo-Rosario Gonzalez Auditorium nitong Marso 27 at 28. Sa kanilang handog na musika, dinala ng LYO ang madla sa paraisong nilalatagan ng mga makukulay na bulaklak.
Pagsilang ng munting supla
Kawangis ng papalapit na pagsupang ng tagsibol sa dulo ng taglamig, nagsilbing pambungad na produksiyon ang “Flute Concerto No. 7 in E Minor, 1st Mvt.” Nangibabaw ang sipol ng plawta sa mabigat na saliw ng piyano, tila isang munting pasilip sa paparating na pagpapalit ng panahon. Sinundan ito ng “Violin Concerto No. 1 in G Minor, Op. 26, 2nd Mvt.” na maikokompara sa isang hele ng papahimlay na taglamig. Sa likod ng unang serye ng mga piyesa, maaalala ang agos ng oras at panahon. Binigyang-diin ito ni Kenneth Manabat, isang project head ng Forte 2025, sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel. Ipinahayag niyang nais nilang bigyang-pansin ang mga natatanging indibidwal at panggrupong mga piyesa nang hindi lumalayo sa konsepto ng tagsibol bilang bagong panimula.
Bakas naman ang temang ito sa pagsasabuhay ng damdamin sa mga sumunod na dramatikong awitin. Sa bigat ng hampas sa mga tambol, mistulang isang enggrandeng pagtanggap sa tagsibol ang naging pagtugtog ng “Timpani Solo No. 8.” Sinundan ito ng mabagsik na rendisyon ng “Wieniawski Variations Op. 15,” maihahalintulad sa paghantong ng kamatayan sa pagtatapos ng panahon. Bumagay ang makisig na paglalaro ng mga musikero sa lumbay ng paglisan mula sa ginaw ng taglamig. Nang matunaw na ang niyebe, sumilip naman ang buhay na dala ng araw sa dahon ng mga halaman. Ipinaramdam ng “Amur Waves” ang paghihintay sa muling paggising ng mga bulaklak. Kasunod nito, maihahambing naman ang mga piyesang “Wait There” at “Minute Waltz” sa inaasam na pagdating ng tagsibol. Hindi maipagkakait na mahusay ang paglalahad ng kuwento sa hanay ng mga awiting inihanda—ipinaramdam sa madla ang transisyon ng emosyon mula sa panahon ng taglamig patungong tagsibol.
Musika bilang binhi sa paglago
Waring malambot na yakap sa pagsilang ng umaga, dahan-dahang ipinaranas ang pagdapo ng tagsibol sa magaan na introduksiyon ng “Continuum.” Bilang pagpapatuloy sa agos ng ritmo nito, pinatunayan naman ng LYO ang sigla ng mapaglarong tagsibol sa kanilang rendisyon ng “Wonderful Slippery Thing” at “Ayasake.” Mula sa naunang malumanay na tono ng mga piyesa, ipinakita ng mga musikero ang kanilang kakayahang tumalon sa iba’t ibang genre ng musika. Bunsod nito, nagsumikap silang magtanghal nang tatlong beses upang mas maraming piyesa pa ang maihandog sa madla. “People with talent and passion in music like them [deserve] the spotlight,” ani Manabat.
Tila paglapit sa gabing inaasam, ipinamalas sa pagtugtog ng “Bella’s Lullaby” ang tamis ng pahingang kaakibat ng dilim. Subalit, ipinaalala naman sa “Dvorak: String Quartet #12, ‘American’” ang matinding pagsisikap na kinakailangan hindi lamang sa pagtugtog ng mga instrumento, kundi pati sa pagkakamit ng kapahingahan. Ipinaramdam din ang kakayahan ng musikang sabayan tayo sa bawat hakbang ng ating buhay, gamit ang magigiliw na kantang “A New Satisfaction Gymnopedia No. 1,” “Petite Suite for two flutes and piano,” at “Shir Shel Yoninah, A Song for Jamie.”
Dinala naman ng “Navarra” ang pagbubuklod ng iba’t ibang aspekto ng tagsibol mula sa harmoniya ng dalawang violin. Mistulang salamin ng mga musikero, tunay na nagkaisa ang buong orkestra upang magpalabas ng isang produksiyong hindi malilimutan ng lahat. Sa likod ng pagkakaisang ito, ibinahagi ni Joseph “Sephy” Santiago, section head ng Productions and Logistics, na unang pagkakataon ito ng LYO na magtanghal sa naturang awditoryum. Datapuwa’t sumuong ang organisasyon sa mga hamon ng preparasyon, patuloy na nagpursigi ang lahat ng miyembro upang pasibulin ang mga talento at ang kani-kanilang sarili. Paglalahad ni Santiago, “Each and every member dedicated their blood, sweat, and tears into making this show come to life and to give you all a wonderful show.”
Hudyat ng pagbabago
Sa paghila ng mga hilis ng Strings section, ibinalot ng seksyon ang mga manonood sa iba’t ibang panahon sa kanilang rendisyon ng “The Four Seasons” ni Antonio Vivaldi. Ipinamalas naman ng buong orkestra ang kanilang galing sa pagtugtog ng mga piyesang “Lola Amour’s Instant Classics,” “Jupiter, the Bringer of Jollity” ni Gustav Holst, at “L’Arlésienne Suite No. 2, Minuet and Farandole” ni George Bizet. Sa pagbilis at pagbagal ng tempo ng musika, maihahalintulad ito sa patuloy na pagbabago ng mga panahon at kaligiran.
Tulad ng banayad na pahiwatig ng tagsibol sa muling pamumuhay ng mga binhi, hinihimok din tayo ng musikang magpatuloy sa buhay. Tindig nga ni Manabat, nararapat na pausbungin ang talento ng bawat isa sa mga likhang sining, maging pagsayaw, pagpinta, o pagtugtog man. “Performing and arts. . . [let] one. . . express a side of themselves they don’t even know is possible—Forte 2025: Voices of Spring is all about showing love for the art of music through passionate performers,” pagwawakas ni Manabat.
Tila walang saysay ang pagtatakda sa panahon sapagkat laging may pagbabagong dumarating sa buhay. Sa pagtugtog ng LYO ng mga piyesang malalapit sa kanilang puso, naihatid nila ang kanilang pagmamahal sa musikang inaasahang didiin sa puso’t isip ng mga manonood at gagabay sa bawat yugto ng kanilang paglalakbay. Tulad ng marahang pamumukadkad ng isang bulaklak, maingat na binubuksan ng musika ang ating mundo upang dalhin tayo sa mga lugar na kailanman hindi inakalang mararating ng ating mga puso.