
TINABAS ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang tuka ng Adamson University Lady Falcons, 25–19, 21–25, 22–25, 25–18, 15–4, sa pagpapatuloy ng huling yugto ng elimination round ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Abril 23.
Itinanghal na Player of the Game si opposite hitter Shevana Laput matapos magsalaksak ng 21 puntos mula sa 16 na atake, tatlong alas, at dalawang block.
Nanguna naman sa opensa ng Taft mainstays si Kapitana Angel Canino bitbit ang 22 marka, habang nagrehistro ng 14 na puntos si middle blocker Amie Provido.
Sa kabila ng pagkaantala ng pag-alagwa, matayog pa rin ang naging lipad ni Adamson super rookie at Team Captain Shaina Nitura matapos maghain ng 35 puntos mula sa 33 atake, isang block, at isang ace.
Maagang pinuruhan ng Lady Spikers ang depensa ng mga nanggugulong palkon sa bisa ng mga off-the-block kill nina Canino at Malaluan, 16–13, na nagtuloy-tuloy hanggang sa dulong bahagi ng set matapos paigtingin nina Laput at Provido ang kanilang presensiya sa net, 25–19.
Tumambad ang gitgitang duwelo sa ikalawang set nang maitabla ng DLSU ang talaan sa tulong ng antenna error ni Lady Falcon Frances Mordi, 18–all, subalit nagmistulang mga estatwa ang mga manunudla nang magpakawala si Nitura ng tatlong magkakasunod na atake, 19–23, bago naghandog ng regalo si Provido gamit ang service error, 21–25.
Mariing ipinakilala ni DLSU rookie Shane Reterta ang kaniyang presensiya sa net pagdako ng ikatlong bahagi ng salpukan, 20–21, ngunit agad itong nasapawan nang magtala ng 3-0 run ang mga palkon upang bitbitin ang Adamson sa set point, 20–24, bago sinelyuhan ni Kapitana Nitura ang naturang set, 22–25.
Nag-iba ang ihip ng hangin pagdako ng ikaapat na yugto matapos isalansan ng Taft mainstays ang bentahe papunta sa kanilang direksyon sa tulong ng opensa ni DLSU magic bunot Reterta, 18–13, na siya ring sinamantala ni Laput mula sa backline upang maitabla ang makatindig-balahibong sagupaan, 25–18.
Hindi na hinayaan ng Berde at Puting koponang makalapit pa ang San Marcelino-based squad matapos bagbagin nina Reterta at Canino ang depensa sa net ng Lady Falcons sa decider set, 9–3, na siyang tuluyang winakasan ng running attack mula kay middle blocker Lilay Del Castillo, 15–4.
Magpapatuloy ang pagpunterya ng Lady Spikers sa twice-to-beat advantage bitbit ang 9-4 panalo-talo baraha at muling kahaharapin ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa Smart Araneta Coliseum sa ika-3:00 n.h. sa Sabado, Abril 26.