
SINELYUHAN ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang puwesto sa final four matapos pabagsakin ang University of the Philippines Fighting Maroons,11–25, 25–18, 25–21, 15–9, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 13.
Pinangunahan ni Player of the Game Noel Kampton ang pamamayagpag ng koponan tangan ang 24 na puntos mula sa 22 atake at dalawang block.
Hindi naman nagpaawat ang hanay ng mga taga-Diliman sa pangunguna ni Opposite Hitter Olayemi Raheem matapos magrehistro ng 25 puntos mula sa 22 atake, dalawang block, at isang ace.
Maagang napurnada ang Taft mainstays sa pagbubukas ng unang set nang bigo nilang mapigilan ang mga tirada nina Fighting Maroons Raheem, Angelo Lipata, at Daniel Nicholas, 11–25.
Natagpuan naman ng Green Spikers ang kanilang ritmo mula sa combination play na pinangunahan ni Kampton, 5–2, namuhunan din ang Berde at Puting koponan mula sa mga error ng Diliman na kanilang binitbit sa pagsasara ng ikalawang set, 25–18.
Mas pinag-alab naman ni Nathaniel Del Pilar ang diwa ng Green Spikers sa ikatlong set gamit ang nagbabagang quick attack, 6–7, na siyang sinamantala pa ni Kampton sa pamamagitan ng isang crosscourt hit, 25–21.
Matinding dikdikan ang pinalasap ng dalawang koponan sa pagpatak ng ikaapat na set, ngunit mas nanaig ang pamamayani ng mga atake nina Fighting Maroons Raheem, Tommy Castrodes, at Milven Francisco, 28–30.
Hindi na nagpatinag ang DLSU matapos ang pag-ariba ni Kampton sa ikalimang set gamit ang isang crosscourt hit, 9–15.
Ibinahagi ni Rui Ventura sa Ang Pahayagang Plaridel, “Actually hindi namin alam na pasok na kami sa final set kaya ‘yun, para sa’min talaga itong last three games na ‘to—it’s very crucial game, tapos ‘yung natalo kami sa fourth set siyempre parang dismayado alam mo ‘yung parang sa’min na ‘yon eh, [pero] wala kaming magagawa, we have to play the fifth set and we have to play it with heart and give our best.”
Sukbit ang panalo kontra Fighting Maroons, ibinulsa ng green spikers ang tiket tungong semifinals at susubukang muling mamayagpag kontra kontra Adamson Soaring Falcons sa SM Mall of Asia Arena sa ika 11:00 n.u., Abril 23.