Lady Batters, dinaluhong ang kural ng Tiger Softbelles

Kuha ni Margaret Zapata

SININDAK ng De La Salle University (DLSU) Lady Batters ang bumubulyaw na University of Santo Tomas (UST) Tiger Softbelles, 6–5, sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Marso 15. 

Maagang dominasyon ang pinasiklab ng Taft mainstays sa unang inning nang pangunahan ni Lady Batter April Gonzales ang pagmarka ng run batted in double matapos ang dalawang single mula kina Kapitana Cassandra Inot at Ciarina Eder bago tuluyang ikintal ni Joerjette Jordan ang bentahe sa luntiang hanay, 3–0. 

Nagising naman ang diwa ng mga tigre pagdako ng ikalawang inning matapos bumuwelta ng tatlong run sa bisa ng walk at double ni UST player Teresa Blanco upang itabla ang talaan, 3–3. 

Gayunpaman, hindi nagpatinag ang mga manunudla sa kalamangang isinumite ng UST nang punan nina Inot at Tiffany Labargan ang mga base na siyang sinamantala ni Eder upang makapagrehistro ng tatlong inside-the-park home run sa pagtatapos ng ikalawang inning, 6–3. 

Sinubukan pang tapyasin ng España mainstays ang kalamangang sinalaksak ng Lady Batters sa ikaapat na inning sa pangunguna nina Angel Bedaño at Jojielyn Lim, ngunit hindi ito naging sapat upang tuluyang ungusan ang mga nakaberde hanggang sa pinal na yugto ng salpukan, 6–5.

Lasap ang matamis na benggansa sa mga tigre, napasakamay ng DLSU ang 2-3 panalo-talo kartada. 

Tatangkaing muli ng Lady Batters na makaukit ng panalo kontra sa karibal na Ateneo de Manila University Softball Team sa parehong lugar sa ika-10:00 n.u. sa Martes, Marso 18.