Green Spikers, yumukod sa puwersa ng Tamaraws

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

NAPURNADA ang pagsalakay ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa masugid na Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 25–22, 21–25, 22–25, 19–25, sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Marso 15.

Bagamat napako sa pagkatalo, nagningning ang opensa ng luntiang tambalan nina Noel Kampton at Rui Ventura matapos kumamada ng pinagsamang 33 puntos.

Itinanghal namang Player of the Game si FEU outside hitter Mikko Espartero matapos umalagwa ng 27 puntos mula sa 21 atake, limang service ace, at isang block.

Nakakuha ng maagang momentum ang Berde at Puting pangkat sa bisa ng mga kargadong serve ni middle blocker JJ Rodriguez, 12–7, na sinamantala ng bagong saltang si opposite hitter Ventura gamit ang off-the-block hit upang selyuhan ang unang bentahe ng salpukan, 25–22. 

Tinangkang sabayan ng Green Spikers ang tulin ng Morayta mainstays sa ikalawang set gamit ang pinaigting na depensa nina open hitter Kampton, Nath Del Pilar, at Rodriguez sa net, 21–22, ngunit nabasag ang momentum ng DLSU matapos ang double contact error na nagbigay-daan kay FEU opposite hitter Dryx Saavedra na magpakawala ng down-the-line hit at itabla ang serye, 21–25. 

Bitbit ang hangaring makabawi mula sa ikalawang set, umigting ang sagutan ng mga tirada ng magkabilang koponan sa ikatlong yugto na winakasan naman ng atake ni FEU middle blocker Lirick Mendoza mula sa regalo ng Taft-based squad, 22–25.

Pagdako ng ikaapat na set, patuloy na nag-ingay si sophomore Ventura upang pasanin ang opensa ng mga taga-Taft, 8–9, subalit sinagot naman ito ng magkakasunod na alas ni Espartero upang itala ang pinakamalaking kalamangan sa naturang yugto, 10–17, bago niya tuluyang tuldukan ang sagupaan, 19–25.

Tangan ang 4–3 panalo–talo kartada, nanatili ang Green Spikers sa ikaapat na puwesto sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa unang yugto ng torneo.