Green Spikers, pinalupaypay ang matinis na pagsagitgit ng Blue Eagles

Kuha ni Florence Marie Osias

NIYUPI ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang bagwis ng karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles, 20–25, 25–23, 25–21, 25–22, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 12.

Pinangunahan ni veteran Noel Kampton ang pagdaluhong ng Berde at Puting koponan sa hawla ng mga agila matapos magrehistro ng 27 puntos mula sa 23 atake, tatlong block, at isang ace.

Umagapay rin sa opensa ng Green Spikers si sophomore Rui Ventura matapos pumoste ng 13 puntos tangan ang siyam na atake, dalawang block, at dalawang alas.

Inakay naman ni open hitter Kennedy Batas ang langkay ng Blue Eagles nang magtala ng 22 puntos mula sa 20 atake at dalawang block.

Agad na nanlata ang hanay ng Taft sa pagsisimula ng salpukuhan bunsod ng matuling paglusob ng mga agila sa pangunguna ni opposite hitter Amil Pacinio, 16–18, hanggang sa tuluyan nang isinuko ni open hitter Vince Maglinao ang yugto sa bisa ng lumobong service, 20–25.

Kinabig ng Loyola-based squad ang simula ng ikalawang set sa pamumuno ni Batas, 10–13, ngunit pinigilan ito ng mga pana ng luntiang koponan gamit ang mainit na pagratsada ni Kampton upang tuluyang hablutin ang set, 25–23.

Patuloy ang sagutan ng magkabilang panig nang magpalitan ng mga atake sina Kampton at Blue Eagle Jian Salarzon, 9–9, ngunit nanaig ang tindig ng mga taga-Taft sa pagtatapos ng ikatlong set nang magtala ng double contact error si playmaker Lorenzo Gutierrez,  25–21. 

Sa kagustuhang dalhin ang koponan sa ikalimang set, nagpasiklab ng 4-0 run ang Ateneo na nagmitsa sa paglagablab ni Batas, 16–17, ngunit nangibabaw ang tikas ni Maglinao nang magpakawala ng bumubulusok na crosscourt hit upang tuldukan ang bakbakan pabor sa Taft-based squad, 25–22.

Tangan ang momentum, pagsusumikapan ng Taft mainstays na mantsahan ang malinis na kartada ng Far Eastern University Tamaraws sa Smart Araneta Coliseum sa ika-11:00 n.u. sa Sabado, Marso 15.