
SUMADSAD ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green Tennisters kontra sa hanay ng University of Santo Tomas (UST) Male Tennisters, 0–5, sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 9.
Kinapos na kapalaran
Naging dikit ang simula ng laban sa pagitan nina Green Tennister Rupert Tortal at Male Tennister Nilo Ledama, ngunit hindi napanindigan ng kinatawan ng Taft ang opensa nang bigong buwagin ang pulidong sistema ng laro ni Ledama, 5–7, 3–6.
Sumalamin ang parehong kapalaran kay DLSU rookie Jonathan Bernardo kontra sa pambato ng España na si Eric Tangub sa parehong talaan, 1–6, 1–6.
Hindi rin napigilan ni Yassan Al Anazi ang pagratsada ng opensa ni UST mainstay Sebastian Santos kahit pa naging dikit ang mga unang bugso ng kanilang salpukan, 2–6, 3–6.
Naging mabagsik naman ang aksiyon ng laro nina Taft duo EJ Geluz at Enzo Enriquez matapos masungkit ang isang set kontra kina Steven Sonsona at Symon Jaculan ng UST, subalit nanatili pa rin ang pamamayagpag ng mga tigre, 3–6, 7–6, 8–10.
Sinubukang bumawi ng luntiang tambalang nina Leyton Portin at Darwin Cosca kontra sa mababangis na sina Richard Bautista at Nash Agustines, ngunit huli na nang makuha nila ang momentum para pumuntos at tuluyang isinuko ang bakbakan, 2–6, 2–6.
Aral pagtawid sa ikalawang yugto
Matapos ang unang yugto ng laban, bigong makaukit ng panalo ang Green Tennisters, ngunit para kay Portin, magsisilbing hugot ito para rumehistro ng mga panalo.
Aniya sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, “The goal is to give 200% of our game—na kahit sinong kalaban namin is kailangan talunin. The season isn’t done [yet]. We still need to work harder in order to compete [nang] same level with the other teams. Naniniwala ako sa teammates ko na kaya pa namin bumawi this second round.”
Muling magpapakitang-gilas ang Berde at Puring koponan sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng torneo.