
PINATAOB ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang hukbo ng University of the East (UE) Lady Warriors, 25–12, 23–25, 25–14, 25–17, sa kanilang unang bakbakan sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 8.
Nanguna para sa puwersa ng Taft si veteran Jyne Soreño matapos maglimbag ng 12 puntos mula sa 10 atake, isang block, at isang ace.
Umagapay naman sa pagsalpak ng opensa si Kapitana Angel Canino nang pumoste ng 20 puntos.
Sa kabilang banda, pinangunahan ni Nessa Bangayan ang hukbo ng silangan matapos kumubra ng 17 puntos para sa koponan.
Pinupog ng malamlam na bungad ang bakbakan sa magkakasunod na error mula sa parehong koponan, 17–9, ngunit namayagpag pa rin ang Taft-based squad nang ibulsa ang unang set sa bisa ng mga kalasag ng tambalang Canino at Lilay Del Castillo, 25–12.
Naglunsad ng mainit na pag-aaklas sa ikalawang bugso ang Lady Warriors mula sa palyadong serve ni DLSU middle blocker Amie Provido, 23–all, na siyang sinamantala ng kawal ng silangan upang madaplisan ang puwersa ng Taft sa pagtatapos ng naturang set, 23–25.
Pinangunahan naman ni opposite hitter Soreño ang kampanya ng DLSU sa ikatlong yugto gamit ang off-the-block hit, 6–0, bago tuluyang selyuhan ng luntiang hanay ang bentahe, 25–14.
Patuloy na nanalanta sa huling bugso ng sagupaan ang Taft-based squad nang magsumite ng anim na puntos na kalamangan matapos bumandera ang malapader na tambalan nina Alleiah Malaluan at Del Castillo, 20–14, na siyang naglimita sa kakayahan ng Lady Warriors, 25–17.
Mulat sa mga naging pagkukulang sa kabila ng tagumpay, ibinahagi ng koponan sa Ang Pahayagang Plaridel ang mga sinariwang aral ng pagpapahalaga at pagrespeto sa husay ng mga koponan sa pag-usad ng liga.
“Ngayong season na ‘to, walang mahinang team. Lahat puwedeng manalo sa bawat isa,” saad ni Coach Noel Orcullo.
Bitbit ang 3–2 panalo-talo kartada, nagising ang kumpiyansa ng Lady Spikers na ipagpatuloy ang pagtudla ng kuwento ng tagumpay bitbit ang kanilang kauna-unahang back-to-back win.
Tatangkaing manatili ng Taft mainstays sa talaan ng mga panalo sa kanilang nalalapit na tapatan kontra sa karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles sa parehong lugar sa ika-3:00 n.h. sa Miyerkules, Marso 12.