Kauna-unahang panukala sa wikang Filipino, aprubado sa ikalimang espesyal na sesyon ng LA 

MATAGUMPAY NA IPINASA ang panukalang humihimok sa University Student Government na maglabas ng isang opisyal na pahayag na nasa wikang Filipino para sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa ikalimang espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Pebrero 24.

Aprubado na rin ang mga katitikan ng pulong para sa ikalawang regular na sesyon at ikaapat na espesyal na sesyon ng LA. 

Buhay ang diwa ng EDSA

Pinangunahan ni Ken Cayanan, FAST2024, ang pagsusulat ng itinuturing na kauna-unahang panukala sa kasaysayan ng LA na iniakda sa wikang Filipino. Paliwanag ni Cayanan, “Sa ating paggunita ng kasaysayan, gagawa tayo ng panibagong kasaysayan ng ating unibersidad. . . Sama-samang nananawagan ang pamayanang Lasalyano na ibalik ang EDSA People Power Revolution bilang isang special non-working holiday.” 

Inilahad niya ang iba pang resolusyong nakasaad sa panukala. Kabilang na rito ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibaba ang EDSA People Power Revolution bilang special working holiday nitong Oktubre 2024. Bilang pagtutol sa desisyon ni Marcos Jr., nagdeklara ang De La Salle Philippines (DLSP) ng suspensiyon sa lahat ng klase at trabahong kabilang sa DLSP nitong Pebrero 25. 

Pagdidiin pa ni Cayanan, “Bilang isang [kilalang] unibersidad sa Pilipinas, hindi dapat tayo nananahimik sa mga katiwalian ng ating administrasyon.” Bukod pa rito, isinalaysay rin niya ang mga implikasyon ng EDSA People Power Revolution sa De La Salle University (DLSU). 

Kasama sa mga naturang implikasyon ang pagbuo ng dalawang prominenteng political party sa DLSU—Alyansang Tapat sa Lasallista at Santugon sa Tawag ng Panahon—gayundin ang pagbuo ng Council of Student Organizations. 

Paalala ni Cayanan, “. . . Manatili dapat tayo sa pagtutol sa mga pagtatangkang historical revisionism sa ating bansa. Hindi natin [makalilimutan] ang EDSA kailanman. Buhay ang EDSA.”

Pagsulong ng wikang Filipino 

Kinuwestiyon ni Zak Armogenia, FAST2021, ang pagkakaroon ng simbolikong dahilan sa pagsulat ng panukala sa wikang Filipino at hindi sa wikang Ingles. 

Pagdadahilan ni Cayanan, “Yes, it is a symbolic move for us dahil, unang-una, ginugunita natin ang kasaysayan. . .  Isa rin itong crucial move sa ating unibersidad upang mag-set ng precedence sa mga susunod na legislator natin [na] maaari na silang magsulat sa wikang Filipino.” 

Pinagtibay rin ni Quiambao na dapat lamang gamitin ang wikang Filipino sa pahayag dahil mapagpalaya ang paggamit ng sariling wika. Idiniin pa niyang simpleng mga salita sa wikang Filipino ang ginamit nila sa pahayag upang maintindihan ito ng lahat.

Inaprubahan ang panukala sa botong 13 for, 0 against, at 0 abstain at isa na itong ganap na Legislative Act.

Makabagong panukala para sa Pamantasan
Pinangunahan naman ni Quiambao ang pangungumusta sa mga nanunungkulang tagapangulo ng bawat komite. Matatandang kabubuo lamang ng mga komite nitong nakaraang sesyon ng LA. Bilang tagapangulo ng ad hoc komite ng Constitutional Revisions, isinaad ni Quiambao ang mga naging pag-usad dito.

Sambit niya, “So for the constitutional revisions, there have been proposals na by [the Law Commision] that the LA or the [batch legislators] assigned to the ad hoc committee have already reviewed, and we have, of course, some contentions with the proposal and we will make proposals to amend certain parts of the constitution ourselves.” 

Ayon kay Jules Valenciano, tagapangulo ng ad hoc komite ng Student Handbook Revisions, magkakaroon sila ng isang alignment meeting upang talakayin ang mga mahahalagang rebisyon sa Student Handbook, kabilang ang posibleng pagpapalit ng pagkakaayos ng ilang seksyon nito.

Ipinagkaloob ni Quiambao ang pagkakaroon ng legislative inquiries upang makapag-imbita ng mga tagapagsalita na maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng eleksyon sa Pamantasan. Dagdag pa niya, wala pang konkretong pag-usad sa mga inaasahang pagbabago o reporma sa mga alituntunin ng halalan dahil wala pang itinalagang tagapangulo para sa Omnibus Election Code (OEC).

Kaugnay nito, binigyang-pansin ni Quiambao ang paghahanap ng paraan upang maiwasan ang failure of elections. “As a 123 student, wala pa akong nai-experience na election na ganoon na walang mass disqualification or such so I would be advising those in the OEC to really look ano problema dito so we can alleviate those problems na,” diin niya.

Ipinabatid din ni Quiambao na kasalukuyang isinasagawa ang mga panukala sa Latin Honors Policy, Telehealth, Pulso ng Lasalyano, at AI Bill.