
MATAGUMPAY NA SINALAKAY ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang nagpupumiglas na University of the Philippines Fighting Maroons, 25–22, 24–26, 25–18, 25–17, sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 2.
Iwinagayway ni Player of the Game Angel Canino ang Berde at Puting bandera tangan ang 24 na puntos mula sa 20 atake at apat na block, na siyang inagapayan ng 15 atake at tatlong service ace ni opposite hitter Shevana Laput.
Gayunpaman, hindi basta-bastang sumuko ang mga taga-Diliman sa pangunguna ni open spiker Irah Jaboneta na bumomba ng 15 puntos mula sa 13 atake, isang service ace, at isang block.
Sa pagsisimula ng unang salpukan, agad na rumatsada ang opensa ng DLSU nang pasabugin ni opposite hitter Laput ang tore ng Diliman mainstays, 9–7, bago tuluyang lipulin ng luntiang koponan ang depensa ng UP, 25–22.
Napatid naman ang Lady Spikers sa sarili nilang patibong buhat ng magkasunod na attack error nina outside hitter duo Canino at Alleiah Malaluan at isinuko ang ikalawang set sa Fighting Maroons, 24–26.
Makulimlim na panimula ang muling bumungad sa Lady Spikers nang manatili ang momentum sa mga taga-Diliman, 0–4, ngunit pinasan ni Kapitana Canino ang pagpapasiklab ng opensa ng DLSU upang selyuhan ang ikatlong set gamit ang backrow attack, 25–18.
Determinadong tuldukan ang tudlaan, binasag na ni Canino ang mga palong pinakawalan nina UP rookie Keanne Olango at Jaboneta, 8–7, na pinagpatuloy ni Laput para sa dominanteng pagtatapos, 25–17.
Matapos ang siklo ng tagumpay at pagkasubasob ngayong season, ipinaliwanag ni Kapitana Canino sa Ang Pahayagang Plaridel na kumpiyansa at koneksiyon pa rin ang puhunang pinaghuhugutan ng Lady Spikers.
“Kailangan naming magdoble-kayod din sa training,” dagdag pa ng lider ng Berde at Puting koponan.
Nagningning ang pag-asa para sa Lady Spikers matapos umangat sa ikaapat na puwesto bitbit ang 2–2 panalo-talo kartada, na kanilang dedepensahan kontra sa naghihikahos na University of the East Lady Warriors sa parehong lunan sa ika-1:00 n.h. sa darating na Sabado, Marso 8.