
IPINUGAL ng De La Salle University (DLSU) Lady Batters ang pakpak ng Ateneo de Manila University Softball Team, 22–0, sa kanilang unang pagtutuos sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Marso 1.
Maagang umariba ang Taft-based squad sa first inning matapos kumamada ng 17 marka sa pangunguna nina Team Captain Cassandra Inot at April Gonzales na nagpakawala ng dalawang magkasunod na routine fly ball upang selyuhan ang lumulobong bentahe ng Berde at Puting pangkat, 17–0.
Sa kabila ng sunod-sunod na error na ipinamalas ng Loyola-based squad pagdako ng ikalawang inning, bigo itong samantalahin ng Lady Batters na nagdulot ng hirap sa dalawang koponang makagawa ng solidong opensa upang makaalagwa sa laban, 17–0.
Mas sabik na Lady Batters ang tumambad sa ikatlong inning nang iratsada ni Akyna Yazaki ang isang run batted in at isinakatuparan ang 5-0 run upang tuluyang kitilin ang pag-asa ng mga karibal na makakuha ng iskor sa naturang bakbakan, 22–0.
Tangan ang panalo-talo kartadang 1-1, susubukang panatalihin ng DLSU ang kanilang momentum kontra University of the Philippines Softball Varsity Team sa parehong lunan sa ika-12:30 n.h. sa Martes, Marso 4.