And So It Begins: Pagkamulat ng diwang handang manindigan

Kuha ni Betzaida Ventura

“Katotohanan o kasinungalingan? Para sa lipunan o sa sarili?”


Ito ang matatalim na katanungan ni Xymoun Rivera, vice president for external affairs ng University Student Government, sa kaniyang pambungad na pananalita. Isiniwalat niya ang pagkadismaya sa lumalalang kamandag ng katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan. Subalit, iginiit niyang hindi natatapos ang laban sa apat na sulok ng silid—umuugat ito sa mga tahanan, humuhugong sa lansangan, at dumadaloy sa bawat Pilipinong hindi nagpapatinag. 

Sa gitna ng alingawngaw ng mga kasalukuyang hamon sa bansa, pumailanlang ang diwang demokratiko sa muling pagpapasilay ng dokumentaryong And So It Begins. Itinampok nito ang paglaganap ng disimpormasyon at ang pagyurak sa karapatan ng bayan sa direksiyon ni Ramona Diaz sa Teresa Yuchengco Auditorium nitong Pebrero 8. Hindi lamang ito isang pagbabalik-tanaw, kundi isang paalalang hindi pa tapos ang laban para sa tunay na demokrasya. 

Ngunit sa panahon ng matinding panlilinlang, nagbabantang mabuwal ang pundasyon ng lipunan. Kaya hindi sapat ang paggunita dahil tanging paninindigan lamang para sa katotohanan ang magpapalaya sa bayan mula sa tanikala ng kasinungalingan.

Rosas sa lilim ng panlilinlang

Nagdilim ang paligid at tanging tibok lamang ng mga puso ang ingay na narinig nang lumutang ang tinig ni dating Bise Presidente Leni Robredo sa iskrin. 

Kuha ni Betzaida Ventura

“It is the honor of my lifetime to fight alongside you and to do this with you.”

Sa likod ng mga salitang ito, bumaha ang mga alaala ng paninindigan ng milyon-milyong Pilipino sa nagdaang presidential elections noong 2022. Isang alon ng rosas. Isang panata ng paglilingkod. Isang labang umusbong mula sa naganap na halalan at tumimo sa puso ng bawat nanindigan para sa katotohanan.

Hindi nag-atubili ang dokumentaryong ilantad ang malawakang paninira kay Robredo—ang tahasang pangmamaliit sa kaniyang kakayahan, ang paglaganap ng katiwalian, at ang walang habas na pagbura sa tunay na kasaysayan. Ngunit higit pa sa kaniyang personal na laban, kuwento rin ito ng isang bansang hinubog ng disimpormasyon.

Gayunpaman, kahit pilit na ginagapos ng kabulaanan, may mga boses na patuloy pa ring binibigkas ang katotohanan. Isa na rito si Maria Ressa, isang mamamahayag at kapuwa-tagapagtatag ng Rappler. Ginawaran siya ng Nobel Peace Prize noong 2021 dahil sa kaniyang laban para sa malayang pamamahayag. Subalit, sa kabila ng kaniyang paglilingkod sa bayan, itinuturing pa rin siyang kaaway ng huwad na gobyerno at mapanghusgang lipunan. Sinuong niya ang lahat ng pagbabanta at pangungutya bitbit ang kaniyang tapang at pagmamahal sa bayan. Sa digmaan sa pagitan ng huwaran at katapatan sa masa, hinasa niya ang mga salita bilang sandata at ginawa niyang muog ang katotohanan.

“Victorious defeat.” Ganito naman inilarawan ni dating Senador Kiko Pangilinan ang naganap noong 2022—isang pagkatalong hindi kawalan, bagkus isang binhi para sa mas malaking pagbabago. Sa kaniyang kabatiran, higit pa sa pangangampanya—isang kilusan tungo sa mas maayos na pamamahala—ang nasaksihan sa mga rally. Mula sa mga naipunlang buto ng pag-asa, aanihin din balang araw ang matatamis na bunga ng pagbabago.

Duyan ng takot, hagupit ng tapang

Sa paggunita ng ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, pinangunahan ng human rights lawyer at dating Deputy Speaker ng Kamara na si Atty. Lorenzo “Erin” Tañada III ang talakayan tungkol sa patuloy na hamon sa demokrasya ng bansa. Ayon sa kaniya, bagaman bumalik ang demokrasya matapos ang diktadura, hindi nagkaroon ng tunay na pagbabago sa institusyon. Nananalaytay pa rin ang matinding kahirapan, mababang pasahod, at mataas na presyo ng bilihin—mga suliraning tila hindi nagbago sa halos apat na dekada. 

Kuha ni Betzaida Ventura

Gayunpaman, patuloy na mag-aalab ang  ningas ng pakikibaka dahil sa paniniwala. Ito ang unang hakbang ng bawat mamamayang nais makibahagi sa solusyong maghahatid ng pagbabago. Mapananatili naman ang liyab ng paninindigang ito sa tulong ng sigla ng bagong henerasyon. Binigyang-diin ni Tañada ang kanilang papel sa pagbubukas ng bagong landas at pagprotekta sa demokrasya. Hinimok niyang manatiling mulat ang mga kabataan sa mga nangyayari sa bansa at huwag magpadaig sa takot, lalo na sa harap ng red-tagging at panunupil.

Ngunit hindi lamang sa kabataan nakasalalay ang pag-usad ng pagbabagong inaasam. Tungkulin din ito ng lipunang may lakas na punitin ang sapot ng kasakimang lumalago sa politika. Habang namamayagpag ang dinastiya sa mga partido, naniniwala si Tañada na dapat may tumindig mula sa masa upang tulungang maiangat ang mga nasa laylayan. Hindi dapat umiikot ang sistema sa iilang pangalan lamang. Dapat itong maging pintuang bukas para sa mga matagal nang pinagkakaitan ng puwesto sa kapangyarihan at tinig sa pagpapanukala ng batas.

Sa isang blangkong tolda sa halalan, binanggit ni Tañada na hindi sapat ang kulay rosas na boto upang maipinta ang tagumpay. Nangangailangan ng mas malawak na kampanyang makaaabot sa mga botanteng hindi pa ganap na desidido at sa mga biktima ng disimpormasyong maaaring mamulat kapag nailantad sa katotohanan. 

Gaya ng 2022 People’s Campaign, umaasa siyang mas marami pang Pilipino ang sama-samang ipaglalaban nang walang takot ang kanilang pinaniniwalaan. Sa huli, iniwan ni Tañada ang mensaheng, “Courage is infectious.” Binubuo ng maliliit na hakbang ng katapangan ang nagkakaisang martsa ng bayan. Sa gayon, kapag sapat na ang maninindigan, hindi malabong makamit ang pag-asa para sa tunay na pagbabago.

Mulat na isipan tungo sa katotohanan

Sa gitna ng panlilinlang, ginagamit ng mga makapangyarihan ang takot bilang sandata upang patahimikin ang mga lumalaban. Ngunit inilarawan ng National Covener na si Raphael Hari-Ong mula sa Samahang Lasalyano ang diwa ng pagpapatuloy. Ayon sa kaniya, hindi nag-iisa ang mga naninindigan sa digmaan tungo sa radikal na pagbabago. Kasabay nila ang mga hindi pinanghihinaan ng loob—lumalaban hindi lamang para sa sarili kundi para sa kinabukasan ng bayan.

Patuloy na uusig, magbubunyag, at titindig ang mga boses na pinatatahimik. Sa isang bansang binulag ng kasinungalingan, may mga mananatiling mulat, dahil hindi kailanman masasaklot ng dilim ang liwanag ng katotohanan.