Para sa isang magsasaka, maituturing bang oras ng pahinga ang pagsapit ng dapithapon kasabay ng pagtatapos ng mga gawain sa bukirin? Subalit paano sila makakapagpahinga kung sa hapag-kainan, walang maihahain? Marahil katumbas ng pahinga ang araw ng ani—sa wakas, nagbunga na rin ang lahat ng hirap at pagtitiis. Subalit paano kung kakarampot na barya lamang at pang-aalipusta ang katumbas ng pagod? Ano nga ba ang halaga ng ginhawa para sa isang magsasaka?
Idinaos ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth (NNARA-Youth) ang programang Daluyong Kanayunan: #StandWithFarmers, ganap na ikapito ng gabi noong Oktubre 3. Isa itong birtwal na konsiyerto na naglalayong kumalap ng tulong-pinansyal para sa mga magsasaka sa Norzagaray, Bulacan na kasapi ng Samahan ng Magsasaka sa San Mateo (SAMA-SAMA). Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Melo Mar Cabello, acting chairperson ng NNARA-Youth UP Diliman, binigyang-diin niyang kinakailangan itong gawin sapagkat “wala na tayong ibang maaasahan kundi ang ating kolektibong pagkilos at pagtutulung-tulungan.”
Pagtindig para sa mga magbubukid
Ayon kay Cabello, sa tuwing sasapit ang buwan ng Oktubre, ginugunita ng mga pangmasang organisasyon ang Buwan ng Magsasaka. Kasabay ng selebrasyon at pagpupugay na nagaganap sa buwan na ito, sama-sama ring pinapalawig ng mga organisasyon ang panawagan at pakikibaka ng mga magsasaka, manggagawang bukid, at mangingisda. Sa tulong umano ng mga artista at mga katuwang na organisasyon ng NNARA-Youth, tagumpay nilang naorganisa ang birtwal na konsiyerto para sa mga magsasaka.
Sa pagbubukas ng programa, ibinahagi ni Zoe Caballero, National Chairperson ng NNARA-Youth, ang mga suliraning kasalukuyang kinakaharap ng mga magsasaka. Kabilang dito ang kawalan ng lupa, pang-aalipin, pananamantala, at mababang pasahod. Kaugnay nito, patuloy na tumitindig at nakikiisa ang kanilang organisasyon para isulong ang laban ng ating mga magbubukid.
Sa pagpapatuloy ng programa, tumugtog ang iba’t ibang banda kagaya ng Gazera, Ang Bandang Shirley, Plagpul, at iba pa. Pawang laman ng kanilang mga awitin ang paghihirap at adhikain ng mga magbubukid at ng masang Pilipino. Ramdam ang silakbo at pagpiglas sa bawat awitin—klaro ang mensaheng inaasam nila ang pagbabago.
Nagpahayag din ng mensahe ng pakikiisa sa mga magbubukid ang ilang tanyag na personalidad. Kabilang dito sina Neri Colmenares ng MAKABAYAN Partylist, Sarah Elago ng KABATAAN Partylist, Hershey Neri, at iba pa. Laman ng kanilang mga mensahe ang pagtindig para sa karapatan ng mga magbubukid at paghingi ng hustisya para sa mga magsasakang pinalayas at pinaslang sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Wika ni France Castro ng ACT-Teachers Partylist, Lupa, Pagkain, at Hustisya ang kasalukuyang tema ng Buwan ng Magsasaka—isang temang nagbubuod sa matagal nang panawagan ng mga magbubukid.
Pagbubuklod-buklod para sa tunay na reporma
Dakila kung maituturing ang mga magsasakang patuloy na nagkakaloob ng kanilang mga ani sa ating mga hapag. Dugo’t pawis ang kanilang inaalay subalit sarado pa rin ang tainga nang nakararami sa kanilang mga daing. Lumilipas ang panahon ngunit nananatili pa rin ang mga suliraning nagpapahirap sa kanila. Kaya naman para kay Cabello, layon ng programang agarang matustusan ang pangangailangan ng mga magsasaka habang patuloy pa rin ang panghihimok sa masang Pilipino na pakinggan ang mga hinaing ng mga magbubukid.
Pagtatapos niya, “Ngayon higit kailanman, hinihimok tayo ng panahon na tumindig kasama ng mga magbubukid, ipaglaban ang isang tunay na reporma sa lupa—na sa kaibuturan ay libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka—at sa batayang alyansa ng manggagawa at magsasaka ay magpanday ng isang lipunang malaya mula sa makauring pagsasamantala.” Sa kasalukuyan, nananatiling panawagan pa rin ang tunay na reporma para sa mga magbubukid. Gayunpaman, habang may mga taong patuloy na nakikinig at tumitindig, darating din ang panahon na maisasakatuparan ang kanilang mga panawagan at makakamtan na ng mga magbubukid ang tunay na ginhawa.