
Nitong mga huling buwan ng 2024, naging usap-usapan ang paksang “healing the inner child” sa social media—isang konsepto na mistulang hinugot mula sa self-help books ng dekada 90 at binigyan ng TikTok makeover. Makikita mo na lamang ang mga taong may kasamang plushie o nakikinig ng lullabies habang nakaupo sa sofa. Epektibo nga ba itong paraan ng paghilom o isa lamang tayog na hugot na nagpapaikot ng ating sikolohiya?
Unang sumikat sa larangan ng psychotherapy ang ideya ng inner child na tumutukoy sa malalim na bahagi ng pagkataong naglalaman ng mga alaala, trauma, at pananabik mula pagkabata. Simple lamang ang sinasabi nito—kung may sugat ka mula sa iyong pagkabata, asahan mong may epekto ito sa iyo sa pagtanda. Subalit gaya ng lahat ng uso, nabago ang konseptong nagmula sa mga sesyon ng therapy patungo sa mga Instagram story na may caption na “Doing this for my seven-year-old self.”
Sa larangan ng klinikal na sikolohiya, may mga teorya sina Carl Jung at John Bradshaw na nagpapaliwanag na maaaring magdulot ng problema sa kalusugang pangkaisipan ang mga hindi naresolbang isyu mula sa pagkabata. Halimbawa, maaaring maidikta ng mga attachment style na nahubog sa maagang yugto ng buhay—secure, anxious, at avoidant—ang paraan ng pagmamahal o pagtitiwala ng isang tao. Subalit iba ang naging bersiyon nito sa social media. Inner child ang bagong dahilan para sa lahat ng desisyon. Huling pagpasok sa trabaho? Hindi na-validate ang inner child. Nag-away kayo ng kasintahan mo? May abandonment issues ang inner child.
Sa halip na harapin ang mga tunay na problema, ginagawa itong aesthetic. Magpo-post ng childhood picture na may sepia filter at caption na “Healing her.” Ngunit, real talk lang. Hindi sapat ang cute captions at journaling prompts upang magamot ang sugat ng nakaraan. Hindi checklist na natatapos sa pagbilang ng self-care days ang healing. Nangangailangan ng seryosong introspeksiyon, dedikasyon, at minsan, masakit na komprontasyon sa mga sugat na matagal nang tinakasan ang tunay na paghilom.
Hindi masama ang maglaan ng panahon para sa sarili. Ngunit, nawawala ang tunay na diwa ng “healing the inner child” sa paggamit dito bilang palusot sa responsibilidad o sa proseso ng therapy bilang content. Nakikita kong tila naging produkto ang therapy, isang bagay na kailangang ipamahagi at ipangalandakan nang makasabay sa uso. Ayon sa sikolohiya, hindi dapat minamadali, binibigyan ng filter, o ginagawang status symbol ang healing.
Sa huli, ito ang dapat na tanong. Gumagaling ba talaga tayo o mas nasisiyahan tayong gawing aesthetic ang ating mga sugat? Unang hakbang para sa tunay na paghilom ang tanggaping hindi Instagrammable ang lahat ng bagay. Minsan, kinakailangan nating harapin ang katotohanan nang walang hugot o hashtag.
Kung totoong nais nating mahilom ang ating inner child, malinaw ang payo ng sikolohiya. Kumonsulta sa eksperto, huwag sa comment section. Hindi pinagdaraanan ang paghilom para magmukhang maganda, kundi upang maramdaman mo ang ginhawa—hindi lamang para sa pitong-taong-gulang mong sarili, ngunit maging para sa kung sino ka ngayon.