Pangungunyapit sa bawat pagsalag at pagsukbit: Balik-tanaw sa paglalakbay ng Green Judokas sa UAAP Season 86

Kuha ni Florence Marie Antoinette Osias

HINDI LAMANG GINTO ang sukatan ng bawat panalo. Ipinamalas ng De La Salle University (DLSU) Green Judokas ang kanilang dangal nang makamtan ang ikatlong puwesto sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s Judo Tournament. Tangan ang tansong medalya, nanalamin ang Taft mainstays sa harap ng kaparehong resulta sa UAAP Season 87 nitong Disyembre.

Sa gitna ng pagsasara ng naunang season at paghahanda ng kampong pasukin ang katatapos na edisyon ng torneo, kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Green Judokas Angelo Saria at Ezra Malanos. Isinalaysay ng mga Lasalyanong manlalaro ang kanilang mga nalusutang pagsubok upang makamit ang pinagpagurang tagumpay.

Pawis na inialay sa pagpapakintab ng tanso

Hindi maipagkakaila ang galak na hatid ng tansong medalya para sa Green Judokas, partikular na sa mga beteranong miyembrong nagpanimula ng kulturang wakasan ang UAAP sa podyum. Gayunpaman, aminado si Team Captain Saria na kalungkutan ang unang bumagabag sa kanila matapos ang kinalabasan ng UAAP Season 86. Balot ng pagkadismaya niyang ibinahagi sa APP, “Pagod na kami na mag-expect na lagi na lang ganito. Lagi na lang third place [o] second place. So, gusto na talaga namin ‘yung championship.”

Inilahad din ni Saria ang ilang pagsubok na kinaharap ng Taft-based squad sa likod ng kanilang nagniningning na kampanya. Isiniwalat ng kapitan ang hamon ng pagbabalanse ng timbang ng kanilang mga kasapi bilang mga manlalaro ng judo, sapagkat naranasan nila ang pagbaba at pagtaas nito. Umusbong ding pagsubok sa pangkat ang pagkawala ng ibang miyembro bunsod ng kanilang pagtatapos sa Pamantasan. Inulan man ng iba’t ibang suliranin, napanatili ng Green Judokas ang positibong pananaw upang madama ang katas ng kanilang paghihirap at makapagbigay ng karangalan sa patuntungan ng Berde at Puti.

Pinanghawakan naman ni Saria ang payo ng kanilang mga tagapagsanay hinggil sa pagpapanday ng kaalaman sa pakikipagbakbakan. Ikinintal sa kanila ang paulit-ulit na abisong pagtibayin ang pundasyong kinakailangan nila sa judo, gaya ng hawak at porma sa laro. Hindi rin magiging makatarungan ang kanilang mga preparasyon nang walang sapat na pahinga—isang mahigpit na paalalang patuloy na ibinibigay sa kanila upang higit na mapalakas ang grupo. Sa ganitong paraan, mayroon silang pagkakataong bumawi ng lakas bago sumabak sa kani-kanilang buhay bilang mga estudyanteng atleta.

Pag-alpas sa hamon ng dalawang magkaibang mundo

Bagaman punong-puno ng pagnanais na magpasiklab sa loob ng dojo, nananatili pa ring mulat ang Green Judokas sa katotohanang may mabigat silang responsibilidad na naghihintay sa labas ng banig ng judo. Inilarawan ni Saria na kahit abala ang koponan sa bawat gabi ng paghasa ng mga panibagong maniobra sa loob ng Enrique Razon Sports Center, isinasakripisyo naman nila ang kanilang oras mula umaga hanggang hapon upang paglaanan ng atensiyon ang pag-aaral.

Taas-noong ipinagmalaki ni Malanos na nagsisilbing testimonya ang Green Judokas ng isang koponang maipangangalandakan ang husay sa pagbalanse ng realidad bilang parehong estudyante at atleta. Pahayag niya sa APP. “‘Yon ‘yung kagandahan sa team, laging inuuna ang studies. Kapag nagpaalam ka, ‘Coach, may exam ako,’ pinapayagan naman. But of course, to balance it, kailangan mong mag-extra [sa training].”

Binigyang-diin naman ni Saria na mahalaga ang wastong paggamit sa oras upang magtagumpay sa parehong silid-aralan at dojo. Nararapat na may sapat na pahinga at angkop na sustansiya mula sa kanilang mga kinakain upang mapanatili ang malusog na pangangatawang labis nilang pinahahalagahan sa pakikipaglaban at makahubog ng mahuhusay na estudyanteng atleta.

Bagaman hindi maitatanggi ang mga pangambang umaalimpuyo sa kanilang damdamin bilang mga atleta sa taliba ng pampalakasan, labis pa rin ang pagpapahalaga nina Saria at Malanos sa edukasyong natatamasa nila sa Pamantasan.

Ugong ng nakabibinging katahimikan sa dojo

Hindi maikakaila ng luntiang koponan ang nadarama nilang lungkot bunsod ng malaaninong pagtrato sa larangan ng judo. Inihayag ni Saria ang kaniyang kalungkutan sa kakulangan ng suportang naipagkakaloob sa kanila—hindi lamang sa Pamantasan, ngunit pati na rin sa buong bansa.

Iginiit ni Saria na kapansin-pansin ang hindi pantay na pagsuporta ng mga tagapamahala sa judo kompara sa mga sikat na isports, tulad ng basketball at volleyball. Pagdaing niya, “Sa Judo Team, tina-try naming bigyan ng importansiya ‘yung sarili namin. Kaya nga gustong-gusto talaga namin ‘yung championship para masabi naman namin na ‘Kaya rin naman namin ‘yan, eh. Bakit hindi ninyo kami kayang bigyan ng support?’”

Sa kabila ng iniindang panlulumo, hindi ito naging hadlang upang pigilan ang umiinit na pagningas ng pangarap nina Saria at Malanos para sa mundo ng judo. Hindi nagmaliw ang paghikayat ng Green Judokas sa mga nagnanais na pasukin ang mundo ng dojo at hasain ang kanilang tinatagong kakayahan sa pakikipaglaban. Patuloy silang naninindigang hindi limitado ang judo sa palitan ng pagbato at pagsalag sa kalaban, bagkus isa rin itong paraan tungo sa paghubog ng disiplina at pagpapayabong ng pansariling kakayahan.

Mula sa mga araw ng masinsinang pag-eensayo, buong tapang na umalagwa ang hanay ng Berde at Puti sa bawat hamong pinasan nila paakyat sa kinatatayuang pedestal. Kinang ng medalya ang naging sandigan ng Green Judokas sa paglaban para sa kanilang sinisintang pampalakasan. Sa nagsarang Season 86, nagmistulang tala ang kanilang naiuwing tansong gantimpala sa madilim na kalangitan ng kompetisyon—hindi ito ang may pinakamatingkad na kislap, ngunit sapat na upang magsilbing gabay para sa mga susunod pang laban sa hinaharap.