
DINALUHONG ang kampo ng De La Salle University (DLSU) Green Batters ng mapupusok na University of the Philippines (UP) Baseball Varsity Team, 6–15, sa pagbubukas ng unang yugto ng University Athletics Association of the Philippines Season 87 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Pebrero 26.
Maagang napasakamay ng luntiang koponan ang bentahe sa ikalawang inning matapos samantalahin ni Renato Samuel ang catcher error ng UP para makaukit ng run, 1–0.
Nagpakawala ng wild pitch ang Diliman-based pitcher na naghudyat kay Joseph Alcontin na makasikwat ng isa pang run para sa mga taga-Taft, 3-0.
Nag-iba naman ang ihip ng hangin pagdako ng ikaapat na inning matapos maungusan ng mga taga-Diliman ang mga dating mga hari ng baseball field gamit ang line drive ni Diliman player Joshua Mangahas na siyang sinundan ng run batted in (RBI) ni Eman Javier, 3–2.
Bigo nang maibalik ng Green Batters ang momentum sa kanilang panig dahil sa namumuro nilang errors na sinabayan ng pag-igting ng kalamangan ng mga Iskolar ng bayan sa pangunguna ni UP pitcher Kobe Torres, 3–8.
Tumamlay ang opensa ng DLSU sa pagbubukas ng ikalimang inning na siyang sinamantala ng UP nang kumana ng apat na run sa bisa ng mga tirada nina Season 86 Rookie of the Year Aaron Nicha at Mangahas, 3–12.
Sinubukan pang iahon sa lusak nina Green Batter Liam de Vera, Andres Lacson, at Miguel Agoncillo ang luntiang koponan sa ikapitong inning nang tapyasin ang kalamangan sa pitong marka, 5–12, ngunit tuluyan nang nagapi ang Taft mainstays nang sumulaksak ang mga taga-UP ng tatlong run upang sementuhin ang kanilang unang panalo sa torneo, 6–15.
Sukbit ang 0-1 panalo talo kartada, pagsusumikapang makamtan ng Green Batters ang kanilang unang panalo sa kanilang tapatan kontra Ateneo de Manila University Baseball Team sa parehong lugar sa darating na Linggo, Marso 2.