
BIGONG MAIGAPOS ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 21–25, 20–25, 16–25, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 26.
Bumida para sa opensa ng DLSU sina outside hitter Noel Kampton at opposite spiker MJ Fortuna na kapuwa nagsumite ng tig-anim na puntos.
Itinanghal namang Player of the Game si UST middle blocker Paul Colinares matapos kumamada ng 17 puntos mula sa 11 atake at anim na block.
Agad na sumilay ang paghihikahos sa luntiang pangkat nang magpakawala si UST opposite hitter Jayrack Dela Noche ng sunod-sunod na atake, kabilang ang isang nag-aalab na crosscourt hit na tumapos sa unang set, 21–25.
Bitbit ang hangaring makabawi sa ikalawang set, pumorsyento ang Green Spikers sa bisa ng power tip ni middle blocker Nath Del Pilar, 9–5, ngunit nagpakitang-gilas si Colinares tangan ang mga quick attack upang pagtibayin ang bentahe ng Golden Spikers, 20–25.
Hindi na nakaporma ang Taft-based squad sa ikatlong set nang magpakawala si rookie Jan Macam ng service ace na naghandog 5-0 run para sa mga tigre, bago tuluyang tuldukan ni Alche Gupiteo ang sagupaan gamit ang matikas na kill block, 16–25.
Daing ang 1–2 panalo-talo baraha, susubukang makabawi ng Taft mainstays kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa parehong lugar sa darating na Linggo, Marso 2.