Ningas na hindi namamatay: Paggising sa kamalayang Pilipino, ipinaglalaban ng mga estudyanteng Lasalyano

Likha ni Paulo Miguel Datu

PATULOY NA PINATATAAS ng mga miyembro ng pamayanang Lasalyano, kabilang ang Anakbayan Vito Cruz (ABVC) at Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT), ang estado ng kamalayang pambansa sa De La Salle University (DLSU). Taas-noo nilang isinusulong ang mga progresibong aktibidad tungo sa lipunang may malasakit sa karapatang pantao, hustisya, at demokrasya.

Hindi tumigil ang mga Lasalyano sa paggawa ng ingay laban sa impluwensiya ng Estados Unidos at sa pagpapatupad ng Batas Militar noong dekada 60 hanggang 80. Bagkus, regular silang humahanay sa mga kilos-protesta kontra sa mapaniil na pamahalaan. Naglulunsad din ang Office of the Vice President for External Affairs ng mga programa para sa paggunita ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan at pagpapalawak ng kaalaman ng mga estudyante hinggil sa mga isyung pambansa.

Ugat ng matayog na paninindigan

Nagbalik-tanaw si ABVC Chairperson Francis Mendoza sa pagkakatatag ng DLSU chapter ng Anakbayan noong 2013. Layon ng ABVC na bigyang-pagkakataon ang kabataang Lasalyanong makilahok sa arousing, organizing, at mobilizing work na nakatuon sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Ipinaliwanag ni Mendoza na hindi maihihiwalay ang ABVC sa mga organisasyong pang-masang nabuo sa Pamantasan noong Sigwa ng Unang Sangkapat. Kaugnay nito, naging rason ng kaniyang pagsali sa ABVC ang panawagang tuligsain ang mga diktador at puppet government matapos manumbalik ang isang Marcos sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno.

Bida ni Mendoza, “Maraming paraan ng pamumulitika. Ang madalas na alam natin ay ang common na pagboto, pangangampanya, at pakikilahok sa parliament struggle. . . Nagbibigay-diin ang ABVC at iba pang national democratic mass organizations doon sa lakas ng collective struggle.”

Isinalaysay naman ni TAPAT Vice President for Internal Affairs Mika Rabacca na nagsimula ang kanilang partido sa pagsasagawa ng mga progresibong pagtitipon sa kabila ng mahigpit na patakaran ng administrasyong Marcos Sr. laban sa aktibismo. Isinaad niyang hindi nawawala ang pag-organisa nila ng mga talakayan at proyektong nakasentro sa mga isyung pambansa hanggang sa kasalukuyan.

Estado ng Lasalyanong kamalayan

Ibinahagi ni Rabacca ang kahalagahan ng kamalayan at bukas na diskusyon sa loob ng mga pamantasan upang makamit ang pagbabago. 

Wika niya, “With questions come actions. . . It has been a goal ever since for us to be able to promote awareness and sensitivity within the University [and up] to national issues.”

Samantala, ipinunto ni Mendoza na nakakikitil sa kawilihan ng mga estudyanteng lumahok sa mga makabuluhang aktibidad ang mga burukratikong proseso sa loob ng Pamantasan. Iginiit din niyang hadlang sa kanilang pakikiisa ang kolonyal na sistema ng edukasyon sa bansa at ang komersiyalidad sa DLSU.

Tinutukan din ni Mendoza ang iba’t ibang manipestasyon ng paniniil sa mga unibersidad, katulad ng hindi pagkilala sa ABVC bilang organisasyon, pagpapatupad ng mga hindi patas na polisiya, at tahasang paggamit ng karahasan laban sa mga estudyanteng aktibista.

Inilahad naman ni Rabacca na marami pang magagawa ang mga Lasalyano upang palakasin ang aktibong pagkilos ng kanilang mga kapuwa-estudyante. Gayunpaman, pinuri niya ang malayong narating ng pamayanan sa pagtugon sa mga pambansang isyu. Patunay nito ang matagumpay na pagkasa ng mga mobilisasyon at progresibong pagdiriwang sa kampus na hindi pinahihintulutan noon.

Pagwakas ni Rabacca, “It’s a responsibility to uplift those who have been left behind. It’s how we honor our privileges—by giving back through action. . . It’s a way for us to complete the Lasallian Mission that St. John Baptiste De La Salle left as a legacy.”