Mungkahing 3% tuition fee increase, ikakasa sa susunod na akademikong taon sa De La Salle University

IPAPATAW ang tatlong porsyentong (3%) pagtaas ng matrikula sa susunod na akademikong taon 2025–2026, ayon sa pahayag ng University Student Government (USG) sa isinagawang townhall meeting ng Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition and Fees (MSCCTF), Pebrero 19. 

Idinetalye ng USG kasama ang Association of Faculty and Educators of DLSU, Inc. (AFED) sa pamayanang Lasalyano ang mga napagkasunduan sa mga naganap na pagpupulong ng naturang komite ukol sa matrikula nitong Enero at Pebrero.

Panig ng bawat sektor

Binigyang-silip ni Alfonso Arteta, college president ng Carlos L. Tiu School of Economics, ang naging daloy ng mga usapin sa bawat pagpupulong ng MSCCTF. Sa unang pagpupulong, ipinanukala ng AFED ang 8% pagtaas ng matrikula. Ibinida ng AFED ang tinatayang 3% ± 1% implasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa 2025 at mga salik na makaaapekto rito tulad ng presyur sa ekonomiya at pagkagambala sa geopolitikal na tensiyon.

Inihain naman ng DLSU Employees Association (EA) ang 6% pagtaas ng matrikula sa pangalawang pagpupulong. Batay ito sa mga inaprubahang tuition fee increase (TFI) ng Commission on Higher Education (CHED) sa mga nakalipas na akademikong taon. Inilahad ng EA ang pangangangailan ng pondo para sa working hours adjustments at overtime pay na kabilang sa kanilang negosasyon para sa Collective Bargaining Agreement. 

Subalit, tinutulan ng USG ang mga naunang panukula sa kanilang pagsulong ng 0% taas matrikula sa pangatlong pagpupulong ng MSCCTF. Pagdidiin ng USG, nakaayon sa CHED na dapat nakasaklaw lamang ang pagtaas ng matrikula sa loob ng target inflation rate na inilatag ng national economic authorities. Naniniwala rin ang USG na hindi kinakailangan ng TFI batay sa financial capacity ng DLSU at iminungkahing magputol o magsaayos na lamang ng gastusin bilang alternatibo.

Sa pang-apat na pagpupulong, sumang-ayon ang Parents of University Students Organization (PUSO) sa 0% pagtaas ng matrikula. Itinampok ng PUSO ang pinansiyal na presyon sa pamilya dulot ng ekonomiya, pagdami ng kahilingan para sa tulong-pinansyal, at paghihirap ng middle income families at single-parent households.

Sa huling pagpupulong ng MSCCTF, inilatag ng administrasyon ng Pamantasan na nais nilang itaas sa 4.4% ang matrikula. Paliwanag ng administrasyon, umaasa ang mga pribadong unibersidad tulad ng DLSU sa matrikula para sa kanilang operational costs dahil nakasentro ang suporta ng gobyerno sa research grants, scholarships, at tax exemptions.

Panghihikayat ng USG

Hinimok ni USG Executive Treasurer Bianca Manzano ang pamayanang Lasalyanong patuloy na alamin at bantayan ang proseso ng MSCCTF taon-taon tungkol sa usaping matrikula. Idiniin niya ang halaga ng bawat desisyong napagkakasunduan ng naturang komite sa kalagayan ng dekalidad na edukasyon para sa lahat ng estudyante. 

Gayundin, ipinunto ni Gabby Perez, chief operating officer ng Office of the President (OPRES), na ang boses at karanasan ng mga Lasalyano ang naging puso ng kampanya kontra TFI. Hinikayat niya rin ang mga estudyanteng manatiling mapagmasid sa mga kaganapan sa Pamantasan at magkaisang ipaglaban ang dekalidad at abot-kayang edukasyon para sa lahat. 

Ibinahagi naman ni Darla Sandiko, chief policy adviser ng OPRES, na nabuo ang kanilang mungkahi mula sa mga datos ukol sa implasyon at kasalukuyang estado ng ekonomiya ng bansa, pati na rin sa pinansiyal na kakayahan ng mga Lasalyano at mga layunin ng iba pang sektor ng MSCCTF. Sa kabila ng pangangampanya para sa 0% TFI, inasahan na rin nilang hindi ito makakamit dahil sa mga negosasyong naganap kabilang ang ibang sektor. 

Iginiit ni USG President Ashley Francisco na patuloy silang nanawagan para sa 0% pagtaas ng matrikula sa kabila ng mga hamon. Aniya, layunin ng USG na maging patas, makatwiran, at hindi hadlang sa pag-abot ng pangarap ng bawat estudyanteng Lasalyano ang resulta ng mga talakayan ng MSCCTF.

Nakiramay rin siya sa mga nararamdaman ng mga estudyante matapos mapagpasiyahan ang 3% TFI. Pagtitiyak niya, magsusumikap ang USG na bigyang-suporta at protektahan ang bawat estudyanteng nahihirapan at sisiguraduhing walang Lasalyanong maiiwan sa gitna ng hamon ng sitwasyon. Sambit niya, “Hangga’t may estudyanteng nangangailangan, hindi kami titigil para ito ay wakasan.”

Paninindigan ng AFED

Ipinagtapat ni AFED President Dr. David San Juan na dumadaing din ang kaguruan sa hirap ng buhay. Aniya, “Kung ‘yung puso lang din namin ang masusunod ay mas okay sa amin na wala ng pagtaas ng tuition.” 

Inilantad niya ring nanggagaling sa matrikula ng mga estudyante ang malaking porsyento ng kita ng Pamantasan. Bunsod nito, ipinahiwatig niyang nakadepende sa pagtaas ng tuition fee ang suweldo ng mga guro.

Ipinagtapat din ni San Juan na sapat ang 3% TFI para sa pagtaas ng sahod ng mga guro. Gayunpaman, kinilala naman niya ang posibilidad na maaaring mabawasan ang mga estudyanteng magpapatuloy ng kanilang edukasyon sa DLSU dahil sa pagtaas ng matrikula. 

Samantala, inamin ni San Juan na mananatili ang AFED na maninindigan sa pagtaas ng matrikula kada taon dahil sa tumataas na presyo ng bilihin sa Pilipinas. “Kapag hindi nagtaas ng suweldo ang DLSU, magiging less competitive tayo sa pag-attract ng mga magagaling na faculty,” pangangatwiran niya.

Hakbang sa kabila ng hadlang

Titiyakin ng kasalukuyang administrasyon ni Francisco na mananatili silang aktibo upang masiguro ang maayos na paggamit ng tuition fees. Wika niya, “Lagi natin sinasabing napupunta siya sa scholarships, buildings, at facilities but there’s nothing concrete that we see. So part of our efforts is to ensure transparency will be upheld.” 

Ipinangako niya rin ang pagsasaayos ng mga online systems tulad ng My.LaSalle at Animo.sys para sa pamayanang Lasalyano. Sa pangunguna ng administrasyon, isiniwalat niyang naging bahagi siya ng test runs at user testings ng mga naturang site para sa pagsasaayos at pagpapaganda ng mga ito. 

Binigyang-tuon din ni Francisco ang usapin sa pagpapalawak ng mga scholarship at subsidy na ipinagkaloob sa mga kasalukuyang estudyante ng Pamantasan. “Part of our efforts to discuss is the St. La Salle Grant which will also be extended to our already enrolled students,” dagdag niya.

Iminungkahi niya rin sa Student Fees Revisions Committee ang bagong alokasyon ng miscellaneous fees para sa pagpapalaki ng Google Drive storage at pagkakaroon ng akses sa Adobe Cloud. Gayundin, ipinaalam niya ang pagpapalawak ng learning spaces at pagpapaigting ng learning environment services. 

Binigyang-pugay naman ni Nadine Francisco, deputy communications officer ng OPRES, ang kolektibong aksiyon at dedikasyon ng pamayanang Lasalyano sa paglaban kontra pagtaas ng matrikula. Pagtatapos niya, “Sana ay maging paalala ang kampanyang ito na may boses tayo. . . Huwag nating hayaan na maging pribilehiyo na lamang ang ating karapatan.”