
PINALAKAS ng De La Salle University at ilang konseho ng mga estudyante ang laban para sa isang demokratikong lipunan sa “Tinig ng Nagkakaisang Pilipino: Prayer Vigil and Unity Walk” sa kampus ng Maynila, Pebrero 19. Bahagi ito ng mas malawak na proyekto ng Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA) para sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Handog ng EDSA
Pinangunahan ni Francis Ayala, chief for national and political affairs ng OVPEA, ang unity walk mula Corazon Aquino Democratic Space hanggang St. La Salle Hall Facade. Itinaas ng mga nakaputi at dilaw na miyembro ng Parents of University Students Organization, mga Lasalyanong estudyante, at mga kinatawan ng iba’t ibang institusyon sa lungsod ang mga plakard ng pagdaing sa gobyerno.
Sunod na nagpahayag ng mensahe ang mga tagapagsalita sa panimula ni Vice President for Lasallian Mission Fritzie Ian de Vera. Inilahad niya ang gampanin ng kaguruan sa pagtiyak na maiikintal sa mga estudyante ang mga aral ng rebolusyon, partikular na ang pakikiisa, pagkakaroon ng pag-asa, at pagkamit ng katarungan.
Inalala naman ni University Student Government (USG) President Ashley Francisco ang katapangan ng mga Pilipinong nagsakripisyo para sa kalayaan at karapatang pantao noong Batas Militar. Gayundin, ipinunto ni Vice President for External Affairs (VPEA) Xymoun Rivera na maraming Pilipino ang pinaslang, ipinakulong, at pinatahimik ng estado bago tumigil ang pagdanak ng dugo sa EDSA People Power Revolution.
Isinaad din ni Rivera na hindi lamang ipinagdiriwang ang rebolusyon bilang bahagi ng nakaraan, bagkus upang patuloy na mangalampag para sa isang makatarungang gobyerno. Wika niya, “Kung may nagtatanong kung may saysay pa ba ang People Power, ang sagot natin, ‘Hangga’t may pang-aapi, hangga’t may katiwalian, [at] hangga’t may mga kabataang handang manindigan, hindi kailanman mamamatay ang diwa ng EDSA.’”
Hindi naman pinalampas ni Sofia Del Rosario, bise presidente ng Santugon sa Tawag ng Panahon, ang banta ng mga prominenteng politiko. Inilahad niyang umiiral ang tunggalian para sa kapangyarihan at kayamanan sa gobyerno habang nagdurusa ang taumbayan dahil sa lumalalang sitwasyon sa ekonomiya. Sa kabilang banda, kinondena ni Azi Fernandez ng Alyansang Tapat sa Lasallista ang pagkakaloob ng mga benepisyo ng kalayaan sa iilan.
Nagkaisang boses ng mga pinuno
Inalmahan ni Andrei Albert Villanueva, VPEA ng Benilde Student Government, ang pambabaluktot ng kasaysayan at walang pinagbagong represyon mula sa gobyerno. Binigyang-pansin naman ni Raezon Gonzales, auditor ng Far Eastern University Central Student Organization (FEU CSO), ang mahalagang papel ng mga estudyante sa pagtataguyod ng mga progresibong layunin.
Kabilang sina Mon at Ester Isberto, Lorena Barros, at Alfredo Jasul, mga tanyag na aktibista mula FEU na inaresto o pinatay sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr., sa kabataang nanguna sa laban ng demokrasya. Pinahalagahan din ni Gonzales ang misyon ng mga estudyanteng lider na pataasin ang antas ng pakikilahok ng kabataan sa mga isyung pampolitika.
Kinompara naman ni Keith Peralta, deputy for student advocacy and rights protection ng Philippine Normal University – University Student Council, sa Batas Militar ang mga alegasyon ng katiwalian, karahasan, at kawalang-kakayahang mamahayag sa kasalukuyang administrasyon. Tinuligsa rin niya ang impluwensiya ng imperyalismo ng Estados Unidos at Tsina sa Pilipinas.
Pagwawakas ni Roman Tongco mula sa Developmental Studies Unit ng Polytechnic University of the Philippines Office of the Student Regent, “Ang rebolusyon ay nagsisilbing patunay na nasa masa ang pagbabago kung tayo’y kolektibong kikilos. Kaya nating panagutin [ang mga opisyal] sa kanilang ginawang karahasan at pagnanakaw sa mga ordinaryong mamamayan.”
Isinara ang programa sa pag-aalay ng taimtim na panalangin at pagpapailaw ng facade sa kulay dilaw na simbolo ng EDSA People Power Revolution.
Pag-asa at laban ng kabataan
Pinuri ni Josh Baylon, tagapagsalita ng Kabataan Party-list Vito Cruz, sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang inisyatiba ng OVPEA na paigtingin ang kaalaman ng mga estudyante sa gitna ng maiingay na isyu sa loob at labas ng Pamantasan. Ilan sa mga ito ang 3% pagtaas ng matrikula sa DLSU, pagmahal ng pamasahe sa LRT-1, at pagpapatalsik kay Bise Presidente Sara Duterte.
Pagtindig ni Baylon, “Hindi pa rin talaga tayo malaya, kaya dapat isabuhay natin ang diwa ng EDSA—’yung diwa ng paglaban sa different forms.”
Ibinahagi naman ni Christmer Ordanes, pangulo ng FEU CSO, sa APP na nararamdaman ng kanilang mga estudyante ang epekto ng mga problema sa bansa. Naniniwala siyang kinakailangan lamang gisingin ang kamalayang pangkasaysayan ng kabataan sa harap ng mga hamon ng dihital na panahon.
Ipinabatid ni Ordanes na nagsasagawa ang FEU CSO ng mga diskusyon at nakikipagtulungan sa administrasyon ng kanilang pamantasan upang maglunsad ng mga makabuluhang inisyatiba. Ipinagbigay-alam din niyang makikiisa ang FEU sa pagsuspinde ng mga klase at trabaho sa kampus bilang paggunita sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.
Kaugnay nito, kinilala ni Rivera ang idineklarang suspensiyon ng De La Salle Philippines bilang panawagang umanib sa pagsigaw ng masa para sa kalayaan at katarungan. Sa kabila ito ng pagsasantabi ng pamahalaan sa naturang petsa bilang special working day.
Ibinida naman ni Rivera sa APP na espesyal ang komemorasyon ngayong taon dahil sa layunin nitong pagtibayin ang kaalaman ng mga botante para sa nalalapit na pambansang halalan. Sambit ni Rivera, “Ngayon ‘yung panahon para hindi tayo mahati sa kulay. . . Ngayon ‘yung panahon para magkaisa tayo bilang isang Pilipino.”
Samantala, hinikayat ni Francisco ang pamayanang Lasalyanong sumama sa pagmartsa ng Committee on National Issues and Concerns at USG patungong EDSA People Power Monument sa Pebrero 25 at sa mga susunod pa nilang inisyatiba kaugnay ng mga pambansang usapin.