
Siksik ang bawat retrato ng libo-libong mensahe. Paano nga ba nakararating sa madla ang mga istoryang kasing lakas ng salita, ngunit nabibigyang-linaw lamang sa pagpukaw ng mga mata?
Katulad ng isang likhang-sining, may sinusunod na proseso ang bawat larawan. Tila akto ng paghulma ng isang obra ang trabaho ng mga photojournalist. Anoman ang balakid, buong puso nilang itinatampok sa madla ang kanilang mga obra sa porma ng retrato. Gaya ng kanilang matibay na relasyon sa hinahawakang kagamitan, hindi rin matitinag ang ugnayan sa masa ng mga nasabing propesyonal. Sa pagsustento ng balita sa bayan, isinasagad nila ang pagkuha ng larawan hangga’t kaya ng kanilang katawan.
Sa isang opisinang sumasangga sa init ng Kamuning, natanaw ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang isang mamamahayag. Tangan ang sigasig at kamera bilang kaniyang puhunan, iminumulat niya ang masa sa kalagayan ng lipunan—ipinapahayag ang mga kuwento ng buhay na kadalasang hindi nasasabi ng mga salita.
Pitik ng kapalaran
Sa likod ng mga masining na kuha ng larawan, nananahan ang mga emosyong sa lente lamang ng kamera maipipinta. Nakapanayam ng APP si Michael Varcas, isang 38 anyos na photojournalist mula sa Philippine Star at kabilang sa mga nagwagi sa 2024 World Press Photo competition. Inilahad niyang estudyante pa lamang siya nang unang kagiliwan ang larangan dulot ng mga positibong reaksiyong natanggap ng kaniyang mga retrato.
Taong 2010 nang magsimula si Varcas na magtrabaho bilang isang propesyonal na tagakuha ng larawang pampahayagan. Mula noon, kaagapay na niya ang kamera sa paghahatid ng mga balita sa mamamayan—isang matapang na pakikipagsapalaran upang ihayag ang katotohanan sa bayan.
Umulan man o bumagyo, hindi inaatrasan ni Varcas ang hamong kumuha ng retrato. Itinuturing niyang sagrado ang paghahanda ng mga kagamitan sa sining na ito, tulad ng baterya at memory card na susi sa pagsasalaysay ng mga kuwento ng buhay. Bilang proteksiyon tuwing tag-ulan, mayroon siyang nakahandang camera cover. Hindi rin nawawaglit sa isipan ng retratista ang bitbit na bota at doxycycline bilang kaagapay sa paglusong sa baha.
Karerang walang hinihinging kapalit
Nauwi sa pagbutingting ng kamera ang dating kolehiyong nangangapa sa tatahaking karera. Wika ni Varcas sa kaniyang taos-pusong pag-aalay ng sarili sa bawat pagsipat ng lente, “Kapag gusto mo kasi ang ginagawa mo, parang hindi siya work.”
Sukbit ng retratista ang pambigkis na sumasalo sa kaniyang pampitik, subalit tangan ng kabilang balikat ang mga hamong kalakip ng kaniyang propesyon. Kaakibat ng limitadong badyet ang pangangailangang maglabas mula sa sariling bulsa. “Isang sakripisyong itinataya niya upang maipagpatuloy ang kuwento ng kabayanihan. Humantong din siya sa yugtong nabubura na sa kalendaryo ang araw ng kaniyang pahinga.
Sa kabila nito, malugod na ibinahagi ni Varcas ang ilan sa hindi niya malilimutang karanasan, gaya ng pagsabak sa misyong mailantad ang kalagayan hinggil sa agawan ng West Philippine Sea at War on Drugs sa bansa. Ibinida rin niya ang kaniyang naging trabaho sa Sibuyan Island, isang maliit na islang nalalagay sa alanganin sanhi ng ilegal na pagmimina, kamakailan. Nagsilbing instrumento ang kaniyang mga retrato upang palakasin ang tinig ng mga maliliit na mamamayan. Kaugnay nito, pinagnilayan ni Varcas ang kaniyang papel na ipinta ang isang pinagandang tanawin ng mundo gamit ang pagsasalarawan ng tunay na kalagayan ng mga tao.
Isinusugal man ang sariling kapakanan para sa bayan, patuloy na nananagawan si Varcas para sa mas maayos na industriya ng midya sa Pilipinas. Naninindigan siyang mapagtitibay nito ang gampanin nilang libutin ang iba’t ibang sulok ng rehiyon para sa pagkalap ng mga istoryang nararapat na mahagip ng kanilang balintataw. Pangangatuwiran ng mamamahayag, “May Magna Carta para sa mga seafarers. So, kami ring mga media, sana mayroon ding Magna Carta [para] mapangalagaan ‘yung welfare namin.”
Hindi alintana ang pagpilipit ng sikmura, pagpatak ng pawis sa sentido, at pagkaipit sa dagsa ng tao. Kapalit nito ang paglalagom ng karanasan ng masa—isang buwelta sa mga sistemang pilit pinatatahimik ang tunay na boses ng bansa.
Mata ng lipunan
Makapangyarihang panukol ang kamera sa paghulma ng mga imaheng sumasalamin sa katotohanan. Gayunpaman, gagana lamang ang mahika ng aparato sa kamay ng taong walang takot na pumapalaot sa bawat rurok ng bansa upang itaas ang balita. Tama lamang na bigyang-pugay ang mga nagbabantay sa lipunang lente ang bala at tapang ang uniporme.
Bilang mamamayan, hindi nakapapahamak ang paminsan-minsang pagsulyap sa likod ng lente, lalo na sa mga tulad ni Varcas na handang ipagkaloob ang bawat biyahe, lagnat, at pagod, para sa mga pitik na nagsisilbing tinig ng katotohanan. Pinatunayan niya sa harap ng nakalayag niyang mga aparatong hindi lamang instrumento ang kamera sa pagpitik ng retrato. Bagkus, isa itong mikroponong nagpapalakas sa katotohanang karapat-dapat na malaman ng masa at sa pundasyon ng paglikha ng mas makabuluhang mundo.
Muling umaangat ang isang tanong. Paano natatanggap ng taumbayan ang mga kuwentong milyon-milyong salita ang kaakibat, ngunit siyang nasusuma sa retrato? Nakararating ito sa masa dahil sa bawat sakuna, protesta, at pangyayaring umiiral sa bansa, may nagbabantay. Hindi man espada ang isinusukbit o kalasag ang ipinanghaharang, walang kinikilingan ang pares ng kamay na sumusuporta sa kritikal na mata sa likod ng kamera.