
PINANGUNAHAN ng Center for Social Concern and Action – Lasallian Outreach Volunteer Effort (COSCA-LOVE) ang For the Kids (FTK) 2025 na may temang “Amity: Where the Sweetest Adventure Awaits” sa De La Salle University (DLSU), Pebrero 16.
Lumahok sa naturang programa ang 23 Special Education (SPED) Centers, 336 na batang may espesyal na pangangailangan, at 753 Ate-Kuya Volunteers (AKVs).
Pagsasakatuparan ng programa
Ipinahayag nina Dana Ramos at Denise Beltran, mga tagapamahala ng FTK 2025, sa Ang Pahayagang Plaridel na pito hanggang walong buwan ang naging tagal ng kanilang preparasyon para sa pagdiriwang.
Isinalaysay ni Beltran ang inspirasyon ng temang “Amity: Where the Sweetest Adventure Awaits.” Paglalahad niya, “Usually candy is sweet so parang what else can we add aside from sweetness, so friendship. Amity actually means friends. So here in FTK 2025, we wanted the kids to have a sweet experience and create lasting memories and bonds with their Ate-Kuya Volunteers.”
Inaasahan din nina Beltran at Ramos na magpapatuloy ang boluntaryong pagsuporta ng pamayanang Lasalyano sa mga susunod na edisyon ng FTK. Hinimok ni Beltran na gawing adbokasiya ang pagtulong sa mga batang may espesyal na pangangailangan. Pagpapaliwanag niya, mas maraming tao ang mahihikayat na magbigay ng suporta kapag naging bahagi ito ng kanilang layunin.
Panghihikayat ni Ramos, “I hope [the AKVs] remember the smiles on the kids’ faces. As for the future AKVs, it’s such a fulfilling experience knowing that you made an impact on the kids. . . ‘Yung kid, this could be the best day of their lives without you even knowing it.”
Makulay na kasiyahan at tanghalan
Ibinahagi ni Br. Bernard Oca FSC sa kulminasyon ng FTK na simbolo ng pagmamahal at suporta para sa mga batang may espesyal na pangangailangan ang naturang proyekto. Kaugnay nito, pinasalamatan niya ang SPED Centers, AKVs, mga batang may espesyal na pangangailangan, mga magulang, mga isponsor, at ang COSCA-LOVE para sa kanilang sipag, oras, at sakripisyo sa pagpapanatili ng tradisyong ito.
Nagbigay-sigla naman ang Animo Squad sa kanilang pagsayaw sa mga tugtuging “Better When I’m Dancing” ni Meghan Trainor, “Salamin, Salamin” ng BINI, at “APT” nina Bruno Mars at Rosé. Nagtanghal din ang iba’t ibang organisasyon mula sa Culture and Arts Office tulad ng La Salle Dance Company (LSDC) Folk, LSDC-Street, LSDC-Contemporary, at De La Salle Innersoul.
Pinagbidahan ni Michael Phillips, miyembro ng DLSU Green Archers, ang athletes’ parade, torch lighting, at athletes’ oath upang opisyal na simulan ang mini-olympic games. Paalala ni Phillips, “Sports is a symbol of friendship, tolerance, and hope. It brings people together.”
Kabilang sa mini-olympics ang mga larong basketball, soccer, relay, bowling, shape shifter, at ring toss. Mayroon ding iba’t ibang game booth na nakahanay sa St. Joseph Walk na pinangasiwaan ng mga partner na organisasyon ng COSCA-LOVE. Nagkaroon din ng jamming at dancing session sa Henry Sy Sr. Hall Grounds sa pamumuno ng Student Success Center.
Bukod pa rito, nagtanghal ang dalawang SPED Center para sa programa. Isinadula ng Kaparangan Elementary School ang interpretatibong awitin na “A Gift to You.” Samantala, inawit naman ng Wishful Achievers Inclusive Tutorial Center ang kantang “Heal the World” ni Michael Jackson.
Nagpakitang-gilas din si Lawrence Yacat, isa sa mga boluntir ng COSCA-LOVE, sa pag-awit ng “Go the Distance” mula sa pelikulang Hercules. Bumida rin ang organisasyon sa isang sayawan sa mga tugtuging “Chocolate (A Choco Choco)” ng Soul Control, “Touch” ng Katseye, “Salamin, Salamin,” “APT,” at “L. O. V. E.” ng Hi-5.
“[With this event, we] carry the spirit of friendship, kindness, compassion, [and] inclusivity. These are the values that shape the world that no one gets behind. . . Lahat ng bata belong dito. . . May the friendship we experience today continue to inspire us all,” pabaon na karunungan ni Dean for the Office of Student Affairs Dr. Jaymee Abigail Pantaleon sa kaniyang pangwakas na mensahe.