Lady Spikers, ikinandado si Nitura; nilupig ang mga palkon

Kuha ni Niño Almonte

PINURUHAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang nagngingitngit na Adamson University Lady Falcons, 25–21, 26–24, 25–20, upang ilista ang kanilang unang panalo sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa FilOil EcoOil Centre, Pebrero 22.

Kinilala bilang Player of the Game si DLSU Team Captain Angel Canino matapos maglatag ng 15 puntos mula sa 14 na atake at isang block.

Sa pagkubra ng Lady Spikers ng kanilang unang panalo, binigyang-pansin ng punong tagapagsanay na si Coach Ramil De Jesus ang dominanteng presensiya ni Rookie-Captain Shaina Nitura sa loob ng kort.

“Sa preparations pa lang, pinahirapan niya [Nitura] na po kami,” dagdag naman ni Kapitana Canino.

Gayunpaman, nilimitahan ng Lady Spikers ang pananalasa ni Nitura sa 16 na puntos tangan ang 15 atake at isang service ace.

Mainit ang naging palitan ng mga tirada ng dalawang koponan sa unang yugto ng sagupaang tinapos ng nag-aalab na down-the-line hit ni Kapitana Canino, 25–21.

Umindayog sa parehong istorya ang Taft mainstays sa pamamayagpag ng kanilang opensa pagdako ng ikalawang set, 20–17, ngunit nakipagsabayan pa si rookie Frances Mordi upang buhayin ang diwa ng mga taga-San Marcelino, 24–23, bago muling isuko ang puksaan, 26–24.

Sinubukang habulin ng San Marcelino-based squad ang kalamangan ng luntiang pangkat sa pangunguna ni Nitura, ngunit tuluyan nang sinelyuhan ng Berde at Puting koponan ang sagupaaan sa kamay ni open hitter Alleiah Malaluan, 25–20.

Matapos pabagsakin ang matayog na paglipad ng Lady Falcons, bibitbitin ng Berde at Puting hanay ang 1–1 panalo talo kartada laban sa University of Santo Tomas Golden Tigresses sa SM Mall of Asia Arena sa Miyerkules, Pebrero 26.