
Malawak na ngiti at malapit na pakikisama sa awtoridad ang tumambad sa mga larawang inilabas sa publiko matapos mahuli sina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Apollo Quiboloy noong Setyembre 2024. Hindi nakitaan ng kahit anong bakas ng pangamba ang dalawang kontrobersiyal na personalidad na kapuwa nakagawa ng paraan upang ilang buwang maiwasan ang pagharap sa kani-kanilang mga kaso sa bansa.
Naging sentro si Guo ng malawakang imbestigasyon kaugnay ng kaniyang pagkakasangkot sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa nasasakupang lugar. Patong-patong na kaso ang isinampa sa dating alkalde, kabilang ang human trafficking, money laundering, at pagsisinungaling ukol sa kaniyang identidad.
Sa kabilang banda, matagal nang tinutugis ng Federal Bureau of Investigation sa Estados Unidos ang nagbansag sa sarili bilang anak ng Diyos na si Quiboloy. Kasama ang pastor sa listahan ng mga most wanted na kriminal ng ahensiya at nasasakdal sa mga kaso ng human trafficking, pang-aabusong seksuwal, pang-aabuso sa mga bata, at panloloko.
Bukod sa kanilang mga naipong kaso, mayroon pang usaping lumilitaw ukol sa pagpataw ng mga naaayong hakbang laban sa dalawang personalidad. Kompara sa karaniwang mamamayang madalang na mabatid ang kapalagayan ng loob sa pagharap sa mga inihaing paratang, kapansin-pansin ang salungat na sitwasyon para kina Guo at Quiboloy. Hindi lihim sa publiko ang kanilang abilidad na makatakas mula sa mata ng batas na lalong nagpapalabo sa mga linya ng hustisya sa Pilipinas.
Paglusot mula sa depektibong sistema
Sa gitna ng mga pagdinig ukol sa kaniyang tunay na pagkatao at koneksiyon sa POGO, umusbong ang impormasyong nakaalis ng bansa si Guo. Ayon sa pahayag ni Senador Risa Hontiveros sa kaniyang Facebook page noong Agosto 2024, nadiskubre ang dating alkalde sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Hulyo ng kaparehong taon. Makailang beses iginiit ng panig ni Guo na nasa Pilipinas siya sa kabila ng mga alegasyon bago mapag-alamang dumaan siya at ang kaniyang pamilya sa Singapore sa kanilang pag-alis ng bansa.
Ganap na natunton ang dating alkalde sa Indonesia matapos mahuli ng kapulisan nito. Kinumpirma ng Bureau of Immigration na bagaman nakatala ang pangalan ni Guo sa immigration lookout bulletin order, nakalabas pa rin siya ng Pilipinas nang hindi dumaraan sa tamang proseso. Natagpuan ng kagawaran ang sarili nito sa mas matinding pamumuna bunsod ng kakulangan sa pagtiyak ng kanilang responsibilidad.
Kaakibat ng pag-iral ng mga kaso ni Guo ang lalong pagkalantad ng mga alegasyon laban kay Quiboloy. Inakusahan ng Estados Unidos ang pastor ng pamimilit sa mga babaeng miyembro ng KOJC na makipagtalik sa kaniya sa ilalim ng bantang utos ito ng Diyos noong 2021.
Samantala, nakatanggap si Quiboloy ng warrant of arrest upang harapin ang kaso ng pang-aabuso sa mga bata sa lungsod ng Davao kasabay ng naunang pagsampa ng Department of Justice ng kasong human trafficking laban sa kaniya noong Abril 2024.
Hindi naging madali ang paghuli sa pastor mula sa hindi niya pagsipot sa mga pagdinig ng Senado. Umabot ng halos limang buwan ang paghahanap kay Quiboloy na nagresulta rin sa harassment sa mga miyembro ng midya at kapulisan mula sa kaniyang mga tagasunod bago siya tuluyang sumuko. Naniniwala ang ilang mambabatas na malaki ang posibilidad ng pagkakadawit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatago ni Quiboloy. Sa katunayan, naghain si Duterte ng kaso laban sa awtoridad upang hadlangan ang pag-aresto sa lider ng KOJC.
Realidad sa bansang tatsulok
Dagok para sa pagpapatupad ng batas sa bansa ang mga pagkakataong nakalilisan ang mga akusado mula sa kanilang mga kaso. Tahasang inilahad ni Prop. Ronald Castillo mula sa Department of Political Science ng University of Sto. Tomas sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na sumasalamin sa malaking problema sa sistema ng hustisya ang nagawang pagtakas nina Guo at Quiboloy.
Pagpapalalim ni Castillo, “Ito ay pagpapakita ng kapangyarihan ng mga taong ito. Una, galing kina pastor. Pangalawa, galing doon sa hindi natin mawari kung. . . migrante ba o. . . citizen ng kung saang bansa—itong si Alice Guo. Pero siya na nga ‘yung hindi Pilipino, siya pa ‘yung nagkaroon ng kakayahan na makatakas sa kapangyarihan ng batas ng Pilipinas.”
Ipinahayag ng propesor na isang insulto para sa mga Pilipino ang kumalat na mga retrato ng awtoridad kasama sina Guo at Quiboloy. Batay kay Castillo, maaaring maiparating ng mga ito ang kakayahan ng dalawang personalidad na malusutan ang mga batas sa bansa at ang patuloy na pag-iral ng espesyal na pagtrato sa mga kilalang indibidwal.
Ipinunto rin ni Castillo ang kaibahan sa paraan ng paghuli ng mga kinauukulan sa dalawa kompara sa karaniwang mamamayan. Saad niya, “Sa atin, kung ordinaryong mamamayan ka, ang treatment sa’yo, para ka na agad kriminal. Tapos matatakot ka talaga as in kung ikaw ‘yung maaresto.”
Huwad na rehas
Ipinarating ni dating School of Economics Government College President Annika Subido sa APP ang kaniyang pagkadismaya sa kahinaan ng sistemang hudisyal sa bansa. Pagdaing niya, “Due process is no longer a guarantee for all citizens, as some, especially those who cannot afford legal counsel and defense, are sentenced and punished for crimes they did not commit. However, we see Guo and Quiboloy, who are obviously guilty of the charges against them, are given such process and even some leniency.”
Nanawagan ni Subido na ipaglaban ng kabataan at mga Lasalyano ang pagpapatupad ng pantay at epektibong batas sa Pilipinas. Buong-tapang din niyang hinamon ang mga nailuklok na pinuno ng bansang bigyang-patunay na hindi napunta sa wala ang boto ng mga Pilipino sa kanila.
Sa walang tigil na paghahangad ng bawat Pilipino para sa pantay na implementasyon ng mga patakaran, tila isang krimen ang pagpapahintulot na basta na lamang gawing katawa-tawa ng mga nakatataas ang sistema ng hustisya sa bansa. Higit pa rito, naisisiwalat din ang mga pekeng pangil ng batas sa tuwing ang mga mismong alagad nito ang makikitaan ng kakulangan at pagkiling sa kanilang mga sinumpaang tungkulin.
Habang lumalabo ang mga linya ng hustisya para sa iilan, lalong naiipit ang mga karaniwang Pilipino sa gitna ng ugnayan ng kapangyarihan at katiwalian. Sa halip na mga indibidwal na lantarang gumagawa ng kasalanan, ordinaryong mamamayan ang napupuwersang mapunta sa piitan bunga ng kawalan ng katarungan.