Lady Spikers, bigong matamasa ang unang panalo kontra Lady Bulldogs

Kuha ni Betzaida Ventura

NAGITLA ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa defending champions National University (NU) Lady Bulldogs, 23–25, 21–25, 18–25, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 16.

Pinasan ni opposite hitter Shevana Laput ang opensa ng luntiang koponan matapos kumamada ng 18 puntos mula sa 18 atake.

Itinanghal naman bilang Player of the Game si NU playmaker Camilla Lamina matapos maglatag ng 20 excellent sets.

Maagang umarangkada ang mga taga-Jhocson sa unang set ng sagupaan sa pangunguna nina Kapitana Mhicaela Belen at Alyssa Solomon sa kabila ng tangkang pagratsada nina DLSU Team Captain Angel Canino at opposite hitter Laput, 23–25.

Pinagtibay ni open hitter Alleiah Malaluan ang kumpiyansa ng Lady Spikers pagtungtong ng ikalawang set gamit ang kaniyang service ace, 13–14, ngunit umariba ng crosscourt attack si open spiker Vangie Alinsug upang selyuhan ang kalamangan ng Lady Bulldogs, 22–25.

Nasindak man sa mga pinaulang tirada ng Asul at Gintong pangkat, 9–19, sinubukan nina DLSU middle blocker Lilay Del Castillo, Laput, at Canino na sabayan ang tulin ng mga bulldog, 18–24, bago tuluyang isuko ang bakbakan buhat ng service error ni Amie Provido, 18–25. 

Sa kabila ng pagkabigo, susubukang makabawi ng Taft mainstays kontra Adamson University Lady Falcons sa FilOil EcoOil Centre sa darating na Sabado, Pebrero 22.