Green Spikers, lumupaypay sa sakmal ng Bulldogs

Kuha ni Betzaida Ventura

NAGALUSAN ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers kontra defending champions National University (NU) Bulldogs, 22–25, 22–25, 19–25, sa pagbubukas ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 16.

Pinangunahan nina open hitter Uriel Mendoza at Noel Kampton ang opensa ng Green Spikers matapos magtala ng pinagsamang 19 na puntos sa kabila ng kapos na resulta. 

Bumida naman para sa hanay ng Bulldogs si Team Captain Leo Aringo Jr. nang kumamada ng 20 puntos mula sa 19 na atake at isang block.

Matumal na pagsisimula ang ipinakita ng Green Spikers sa unang set nang maagang makalamang ang Bulldogs sa pangunguna ng tambalang Leo Ordiales at Michaelo Buddin, 10–16, na siyang agarang winakasan ni opposite hitter Aringo Jr. matapos bumatbat ng isang crosscourt shot, 22–25.

Inakay naman ni DLSU open spiker Mendoza ang luntiang pangkat pagdako ng ikalawang set matapos magpakawala ng anim na puntos tangan ang isang off-the-block hit, 16–18, ngunit hindi ito naging sapat bunsod ng pagpapasiklab ng pambato ng Jhocson na si Buddin mula sa kanan, 22–25. 

Mabagal ang naging kumpas ng ikatlong set bunsod ng palitan ng errors ng magkabilang koponan, ngunit nagawang kumawala ng mga taga-Jhocson nang magtala ng pitong markang kalamangan, 16–22, bago tuluyang tuldukan ni rookie Ordiales ang sagupaan sa bisa ng kaniyang atake, 19–25.

Daing ang pait ng unang pagkatalo, tatangkaing makabawi ng Taft-based squad kontra Adamson University Soaring Falcons sa FilOil EcoOil Centre sa darating na Sabado, Pebrero 22.