![](https://www.plaridel.ph/wp-content/uploads/2023/09/BALITA-LA-SESSION-1024x576.png)
INILUKLOK si Alyssa Nolasco bilang batch vice president (BVP) ng EDGE2023 matapos mabakante ang naturang puwesto nitong Special Elections 2024 sa ikalawang regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Pebrero 12.
Nirepaso rin ng LA ang katitikan ng pulong para sa ikatlong espesyal na sesyon, ikaapat na espesyal na sesyon, at unang regular na sesyon. Samantala, inanunsiyo ni Chief Legislator Zach Quiambao ang mga bagong ad hoc committee na maghahain ng rebisyon sa ilang batayang dokumento ng De La Salle University at University Student Government (USG).
Pagpapaigting sa susunod na hanay ng kaguruan
Pinangunahan ni Una Cruz, EDGE2023, ang pagtalakay sa resolusyong nagtatalaga kay Nolasco bilang BVP ng kanilang batch. Namuhunan si Nolasco sa kaniyang karanasan bilang lider sa sekondaryang antas. Layunin naman niyang palakasin ang representasyon, itaguyod ang transparency at accountability, at tiyaking natutugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante.
Tututukan din ni Nolasco ang pagbibigay ng mga oportunidad at pagpapatibay sa propesyonal at akademikong kahandaan ng mga ID 123 ng Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education (BAGCED).
Kaugnay nito, magsasagawa si Nolasco ng batch-wide general assembly na magsisilbing tulay para sa diyalogo ng mga opisyal at kanilang nasasaklaw na populasyon. Magiging daluyan ito ng hinaing ng mga estudyante at impormasyon ukol sa estado ng mga proyekto sa EDGE2023.
Maglulunsad din si Nolasco ng pisikal na anonymous feedback boxes bilang suporta sa binuksang Google forms ni EDGE2023 Batch President Vienesse Vitug para sa malayang pagpapadala ng mungkahi at ulat sa loob ng batch. Binabalak niyang ipuwesto ang mga ito sa ika-16 hanggang ika-18 palapag ng Br. Andrew Gonzalez Hall na karaniwang pinagdarausan ng mga klase sa kanilang kolehiyo.
Kinilatis ni Johann Agulto, FAST2022, ang magiging sistema ng pamamahala sa anonymous feedback boxes. Inamin ni Nolasco na wala pa siyang itinatakdang tagapangasiwa ng mga ito, ngunit tinitimbang niya ang kakayahan ng kanilang student services team na gampanan ang naturang trabaho.
Inusisa ni Zy Sahidulla, 78th ENG, ang mga hakbang ni Nolasco upang siguraduhin ang kredibilidad ng mga ipapasang ulat sa anonymous feedback boxes na hindi maabuso ang paggamit sa mga ito. Binigyang-diin ni Nolasco ang pagpapatupad ng screening process. Magpapaskil din siya ng mga tiyak na direktiba sa mga ito, magpapadala ng mga follow-up ukol sa mga ulat, at magsusumite ng apela para sa mabibigat na kaso sa mas matataas na opisina.
Paglalahad niya, “I don’t think the non-misuse of the boxes will be 100% attainable. . . But I would personally make sure na once it’s implemented, that when the box is ready, I should be screening all the submissions to make sure [of the] legitimacy [of the reports].”
Sunod na isinulong ni Nolasco ang kaniyang career preparation, public speaking, at self-confidence seminars. Nais niyang makipag-ugnayan sa Office of Counseling and Career Services (OCCS) upang mag-imbita ng mga eksperto sa larangan ng edukasyon, tagapayo sa trabaho, at alumnus ng BAGCED sa mga nasabing programa.
Wika ni Nolasco, “The College of Education is more on for teachers and for literature and other [similar] courses. . . Since public speaking is one of the main things that teachers do, I believe that this skill must be very honed for us to be effective teachers.”
Ipinabatid ni Quiambao kay Nolasco na kinakailangan niyang tumungo sa tamang opisina para sa implementasyon ng kaniyang plano, sapagkat nagbago na ang estruktura ng OCCS. Matatandaang pinaghiwalay ng Office of Student Affairs ang dalawang pangunahing gampanin ng OCCS matapos palitan ang pangalan nito sa Counseling and Psychological Services at itatag ang Student Success Center noong Setyembre 2024.
Huling ibinida ni Nolasco ang kaniyang planong bumuo ng study groups kasama ang De La Salle University Alumni Association bilang paghahanda sa Licensure Examination for Teachers. Isa itong mentorship program na magtatampok ng mock exams at review sessions.
Pagtindig sa usapin ng edukasyon
Sinuri ni Ken Cayanan, FAST2024, ang perspektiba ni Nolasco hinggil sa kahalagahan ng voters education sa nalalapit na Halalan 2025. Ikinintal ni Nolasco bilang kinatawan ng BAGCED na malaki ang epekto nito sa lahat ng mamamayan. Nagdudulot aniya ang kawalan ng wastong impormasyon sa pagboto sa hindi karapat-dapat na kandidato.
Salaysay ni Nolasco, “Being educated creates a big impact. Because, once we know what we should have, we can choose the leaders that correspond to our needs.”
Binusisi naman ni Pharell Tacsuan, EXCEL2027, ang pananaw ni Nolasco sa mga hakbang ng pamahalaan kaugnay ng hamon sa pagtamasa ng dekalidad na edukasyon sa malalayong dako ng bansa.
“I think the number one thing that the government can do regarding the education of the children in remote areas is to prioritize them,” sambit ni Nolasco. Umalma rin siya sa hindi paglalaan ng gobyerno ng sapat na pondo para sa early childhood education.
Naniniwala si Nolasco na kasalukuyang nahaharap ang Pilipinas sa krisis sa edukasyon. Ipinunto niya ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na binigo ng sistema ng edukasyon ang kabataang Pilipino noong 2023. Kapansin-pansin aniya ang epekto nito sa limang-taong pagkahuli ng lebel ng komprehensiyon ng mga estudyante sa ika-12 baitang mula sa nakatakdang pamantayan.
Kinuwestiyon naman ni Zak Armogenia, FAST2021, ang nag-udyok kay Nolasco na maging opisyal ng kanilang batch. Paliwanag ni Nolasco, “My personal motivation would be like any other leader—be of service to other people. . . My love for serving other people has always been one of the things that I tried to prioritize.”
Iniluklok si Nolasco bilang BVP ng EDGE2023 sa botong 13 for, 0 against, at 1 abstain.
Mga plano ng lupon
Ipinagbigay-alam ni Quiambao sa LA ang pagtatatag ng ad hoc Committee for Constitutional Reform na kinabibilangan nina Armogenia, Agulto, Cayanan, Jami Añonuevo, BLAZE2026, at ng kaniyang sarili. Makikipagtulungan sila sa Law Commission para sa pagpapanukala ng mga pagbabago sa USG Constitution.
Binubuo naman nina Quiambao, Añonuevo, Ystiphen Dela Cruz, 79th ENG; Jules Valenciano, CATCH2T28; Ivan Mangubat, CATCH2T27; at Nicole Javier, LCSG, ang ad hoc Committee for Student Handbook Revisions. Sa kabilang banda, itinalaga sina Tacsuan at Naomi Conti, BLAZE2027, bilang mga unang miyembro ng ad hoc Committee for the Omnibus Election Code.
Binalikan naman ni Agulto ang kalagayan ng pag-apruba sa resolusyong nagtatalaga kay Kimberly Mangilog bilang EXCEL2026 batch legislator matapos itong ipagpaliban sa nakaraang sesyon. Isinaad ni Tacsuan na umatras si Mangilog mula sa pagkakaluklok sa puwesto bunsod ng mga personal na rason.
Inabisuhan ni Quiambao ang mga lehislador na antabayanan ang anunsiyo para sa inihandang programa ng Office of the Chief Legislator. Samantala, isasagawa ang Batch Legislators Exam sa susunod na linggo.